4,654 guests

8 Senate inquiry na, wala pa ring naisasampang kaso sa P6.4 B shabu

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 211

NAKA walong Senate inquiry na tungkol sa pagkakapuslit sa P6.4 billion ng shabu na narekober sa Valenzuela City noon pang buwan ng Mayo.

Hanggang kahapon, tinukoy na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na tatlong cylinder na pinaglagyan ng ganundin karaming halaga ng shabu ang narekober sa Sampaloc, Manila.
    
Puro residue na lang daw ang naabutan ng NBI kamakailan na nagbibigay katiyakan na nasa merkado na rin ito ngayon upang ibenta sa mga durugista sa bansa.
    
Sa nakalipas na State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte, nasa 3.7 million na ang bilang ng mga adik sa bansa. Posibleng bahagya na nabawasan ito dahil sa napapatay na police operations at iyong iba naman ay maaaring nag-lie low pero sigurado tayo na hanggang ngayon marami pa rin ang adik kahit matindi ang giyera ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot.
    
Parang nauumay na tayo  sa  pagdinig sa Senado kung ang inaabangan nating matumbok sa Senate hearing ay sinu-sino ba talaga ang mga taong sangkot sa pagpupuslit ng droga.
    
Pero kung mala-telenovela ang pag-uusapan, siyempre exciting pa rin, kasi mula sa away nina dating BoC Commissioner Nick Faeldon at Senador Antonio Trillanes, nakagalit din ng dating BoC official si Senador Panfilo Lacson.
    
Umabot din sa ‘ethics case’ ang away nina Trillanes at Blue Ribbon Committee chair Senador Dick Gordon nang tawaging komite de absuwelto ang beteranong mambabatas dahil ayaw munang paimbitahan noong una si Presidential son Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Atty. Mans Carpio.
    
Umusad na nga ang reklamo ni Gordon sa tanggapan ni Majority Floor Leader Tito Sotto na siyang chairman ng Ethics Committee.
    
Inabangan din ang pagdinig noong nakalipas na Huwebes sa pagpunta sa Senado ng mag-bayaw lalo na nang akusahan ni Trillanes si Paolo na miyembro ng Triad dahil sa tattoo sa likod.
    
Habang isunusulat ko ito’y isinailalim na  sa ‘contempt’ si Faeldon dahil sa pagtangging sumagot sa mga katanungan sa pagdinig at ang face off nila ni Lacson.
    
Ang punto ko ngayon, lumayo na nang lumayo ang tunay na isyu.
    
Oo’t malaking bagay ang ‘bangayan’ ng mga nabanggit nating personalidad dahil kahit papaano matitimbang ng taumbayan kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.
    
Pero sana naman ay sa mga oras na ito ay may inisyal nang kinasuhan ang ating mga awtoridad.
    
Hindi dapat ang bodegerong si Anoche Dee lamang ang ipinakulong kundi kasabay ng pagsasampa ng kaso ay ipakulong din  agad sina Richard Tan, Manny Li at iba pa nilang kakuntsaba kasama na si Mark Taguba.
    
Si Kenneth Dong ay nakakulong na ngayon pero hindi dahil sa kaso ng shabu na naipuslit sa BoC kundi dahil sa kasong rape.
    
Kaisa tayo sa punto ni Senador  Lacson na umabot hanggang sa tanggapan ng BoC Commissioner ang korapsiyon at kung may dapat pang papanagutin, dapat isama ring kasuhan ang grupo ni Faeldon.
    
Lalo na sa unang sigwada ng hearing kahapon ay tinukoy na rin ni Taguba sina Milo Maestrocampo, alyas MM at ret. Col. Allen Capuyan, alyas BB or Big Brother na tumanggap din ng tara sa kanya.
    
Sana habang gumugulong ang pagdinig sa Senado, umusad na rin ang kaso sa husgado.