4,665 guests

Abangan ang malaking pagbabago sa PCOO sa 2018

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 196

Muli na namang naging tampulan ng kantyaw ang Philippine News Agency (PNA) dahil sa kamalian ng editorial team nito. Naipost kasi sa website nito nang verbatim o punto por punto ang instruction ng isang taga-PNA para sa mga staff niya.

Agad itong na-pick up ng netizens kaya pansamantalang nag-shut down ng website ang PNA.
    
Kung maaalala, nagtrending na rin ang PNA dahil sa halip na opisyal na logo ng Department of Labor and Employment ang gamitin sa isang news story sa website, logo ng DOLE -- ang kumpanyang kilala sa produktong pinya nito, ang nagamit.
    
Marami tuloy ang humirit na dapat ay PÑA ang acronym ng ahensya sa halip na PNA.
    
Sumasang-ayon ako kay PCOO Sec. Martin Andanar na napapansin na ngayon ang mga pagkakamali sa PNA dahil dumarami na ang mga nagbabasa dito.
    
Hindi bagong sangay ng pamahalaan ang PNA. Itinatag ito noong March 1, 1973 kung kaya’t 44 years na itong nagsisilbing punong ahensya ng pamahalaan para maghatid ng balita sa taumbayan.
    
Aminin ninyo, marami sa inyo ang ngayon lang narinig ang PNA. At dahil pa ito sa mga pagkakamali nitong nagtrending sa social media.
    
Kung inyo pang maaalala, may nabanggit si Pangulong Duterte dati na sa People’s Television (PTV) at sa Radio TV Malacañang (RTVM) lang siya magbibigay ng mga interview. Mababasa natin sa mga sinabing ito ng Pangulo ang kagustuhan ng kasalukuyang administrasyon na iangat ang antas at palawigin ang audience ng state-run media agencies natin.
    
Sa panahong halos nahahati lang ang ating mga kababayan kung sila ba ay Kapuso, Kapamilya, o Kapatid, talagang nasa alanganin ang ating state-run media. Bukod sa may panghatak na mga artista ang malalaking networks na ito, mas aktibo at agresibo rin sila online.
    
Kung kaya sa nakikita ko, ngayon lang mas pursigidong  makipagsabayan ang gobyerno sa TV, radyo, at sa internet sa larangan ng pagbabalita.
    
Sa higit P1.3 na bilyong budget na nakalaan sa PCOO sa 2018, kampante ako na malaking pagbabago ang pwede nating asahan sa kanila sa mga susunod na araw.
    
Alam kong competent ang editors, hosts, at writers ng PNA, PTV, at RTVM. Hindi nga nalalayo ang mga talent at format ng morning show ng PTV na “Bagong Pilipinas” sa mga kasabay nitong news programs sa umaga.
    
Pero, samantalahin na rin natin na may bago tayong Department of Information and Communications Technology. Marahil ay maaaring magsagawa ng training ang DICT sa mga staff ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa ICT at sa website maintenance.
    
Kung ang mga abogado ay may Mandatory Continuing Legal Education, marahil ay may ganitong training na rin dapat ang mga empleyado sa pamahalaan. At mabuting mag-pilot testing tayo sa mga empleyado ng gobyerno na may kinalaman sa information dissemination lalo na’t malaking bahagi na ng buhay nating mga Pilipino ang tumingin sa mga Smartphone para makakuha ng mga balita’t impormasyon..
    
Mabuti na rin na nagtrending si “Lei” dahil wake up call ito sa PNA para mas maging maingat at mapanuri sa impormasyong inilalabas nila. Sa panahong naglipana ang fake news at paninirang wala namang basehan lalo na sa Social Media, mas maraming Pilipino ang tiyak na aasa sa PNA para makakuha ng makatotohanang impormasyon.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)