4,866 guests

Alkalde ng isang munisipalidad, nagoyo nga ba?

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 102

On the beat

KUNG inirereklamo ng mga residente sa Bagong Silang sa Caloocan City ang paglalatag ng pergalan sa kanilang barangay, mas matindi pala ang ginawa ng isang operator sa Nagcarlan, Laguna dahil sa loob mismo ng compound ng munisipyo naglagay nito.

Pero hindi rin naman nagtagal ang pagsisingit ng iligal na sugal sa itinayong peryahan sa loob ng compound ng munisipyo dahil sinalakay at pinahinto rin ito ng kapulisan matapos umani ng reklamo.

Lumilitaw na parang naisahan pala ng tinaguriang Perya Queen ng Region 4A na kilala sa alyas na Tess Rosales si Nagcarlan Mayor Nelson Osona nang magpaalam na magtatayo ng mini-carnival upang makalikom ng pondo sa nalalapit na kapistahan.

Sa kagustuhan ng alkalde na mabigyan ng kasiyahan ang kanyang mga kababayan, pinayagan niya ang paglalagay ng peryahan pero siningitan pala ito ng iligal na sugal na siyang inireklamo ng mga magulang ng mga kabataan. Ang resulta, hinuli at ipinasara kaagad ito ng kapulisan.

Pero hindi lang pala sa Nagcarlan naglatag ng iligal na sugal si Rosales dahil ayon sa mga nagreklamo, may malaking puwesto pala ng iligal na sugal si Rosales sa San Pablo City sa harap pa mismo ng isang bantog na fast food chain na paboritong kainan ng mga kabataan at estudyante.
    
Kumpiyansa naman ang mga taga-San Pablo at taga-Laguna na hindi na rin magtatagal ang pamamayagpag ng mga pergalan sa kanilang lugar dahil unti-unti nang kumikilos ang kapulisan para tuluyang matigil ito batay na rin sa direktiba ng pamunuan ng PNP.
    
Ganito rin kaya ang mangyari sa isiningit na iligal na sugal ng isang Bigtime Roy sa itinayo niyang peryahan sa Phase 4C Package 6 sa Bagong Silang? Tiyak na sa oras na makarating ito sa kaalaman ni Mayor Oca Malapitan, baka hindi lang barangay officials ang malintikan kundi pati na rin ang hepe ng presinto ng pulisya na nakakasakop sa lugar.
    
Imposible naman kasi na hindi nila alam ang pagsisingit ng iligal na sugal ni Bigtime Roy sa mini carnival.

WALANG GANA
    
Marami ang nakakapuna sa tila wala raw ganang magtrabaho ng ilang mga tauhan ng pulisya sa Malabon City dahil halos wala na silang malutas na kaso ng krimen sa lungsod, pati na sa panghuhuli sa mga wanted na personalidad.
    
Sa katunayan, ang pinakahuling naiulat na nahuli at ikinulong sa Malabon police detention cell ay ang dating treasurer ng Barangay Santulan na nakadispalko ng milyong halaga ng pondo ng barangay. Pero hindi pa mga tauhan ng Malabon police ang nakahuli sa suspek na si Malony Razon kundi ang mga tauhan ng Balagtas, Bulacan police sa tulong na rin ni Bgy. Santulan Chairman Jerome Manalastas.
    
Ang masakit, habang nakakulong si Razon sa Malabon police detention cell, nagawa niyang matakasan ang pulis na nagbabantay at hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik sa kulungan.
    
Dismayado nga si Chairman Manalastas sa pagkakapuga ni Razon dahil nagsumikap silang matunton ang dating tresurero na lumimas sa milyon nilang pondo pero matapos mahuli ay nakatakas pa sa kamay ng Malabon police.
    
Tanong tuloy ng mga residente sa Barangay Santulan kung bakit tila raw parang nagiging pabaya na sa kanilang trabaho ang mga pulis sa Malabon? Alam daw ba ito ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Roberto Fajardo?

ASEAN ANNIVERSARY
    
Sa kabila ng paglahok ng 76 na lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), tila sa Navotas City lang naramdaman ang kasiyahan dahil sa dami ng aktibidad, kabilang ang pag-iilaw, pagtatanghal ng Daanghari Drum ang Bugle Corps at pagsayaw ng Navotas National High School na nag-kampeon sa Pangisdaan street dancing competition.
    
Ang programa ay sinaksihan, hindi lamang ng mga kawani ng city hall kundi maging mga estudyante, senior citizens at mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco.
    
Naniniwala si Mayor Tiangco na isang prebilehiyo na maging kabahagi sila ng landmark lighting  sa pagdiriwang ng buong ASEAN community lalo na’t bihira lang itong masaksihan ng mga Navoteño.
    
Sa kanyang paliwanag, may mga benepisyo ang kanilang lungsod at mamamayan sa programa ng ASEAN dahil kapag naging ganap na ang implementasyon ng ASEAN Economic Community, magiging madali na para sa mga Navoteño na mag-export ng mga produkto, bumisita o mag-apply ng trabaho sa mga bansang miyembro nito at makakapasok na sa bansa ang iba’t ibang imported na produkto na hindi pinapatungan ng mataas na taripa na magreresulta sa pagbaba ng cost of living at pagtaas ng purchasing power o kakayanang bumili ng mamamayan.

* * *
    
Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644.