7,145 guests

Ang alas ni Mayor Edwin Olivarez

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 383

On the beat

KUNG ang uri ng paglilingkod at seryosong pagtatrabaho ng mga city administrator sa Metro Manila ay maihahalintulad lamang  sa estilo ni Parañaque City Administrator Ding Soriano, malamang na kakaunti lamang ang magiging sakit ng ulo ng mga alkalde.

Hindi natin kilala nang personal si Mr. Ding Soriano at dalawa o tatlong ulit ko lang yata siyang nakadaupang palad may ilang taon na ang nakararaan noong bago pa lamang nanunungkulan bilang alkalde ng lungsod si Mayor Edwin Olivarez.

Inakala ko nga na nalimutan na niya ang pagkakataon na minsan ay nagkaharap kami sa isang interview pero humanga ako sa kanyang memorya nang minsan ko siyang i-text sa kanyang cellphone upang humingi ng payo kaugnay sa munting problema ng isang kaibigan.

Hindi ko inasahan na matatandaan pa ako ni Mr. Ding Soriano dahil sa tagal ng hindi namin pagkikita at pag-uusap, naging mabilis ang kanyang tugon at siya pa mismo ang tumawag sa akin para mangumusta at itanong kung ano ang kanyang maipaglilingkod.
   
Maliit lang naman ang problema ng aking kaibigan at kinakailangan lang ang payo ni Mr. Soriano at hindi niya ito ipinagkait. Kahit hindi na ako personal na sumama sa aking kaibigan, tinulungan at binigyan niya ng payo para maipagpatuloy nang maayos ang kanyang negosyo.
   
May ilan na rin naman tayong nakilalang opisyal ng ilang mga lungsod na madali rin namang lapitan lalo na kung bago pa lamang nauupo bilang ama ng lungsod ang kanilang alkalde pero sa kalaunan ay hindi na rin sila madaling lapitan dahil marahil sa ibang mga kadahilanan.
   
Pero kaiba si Mr. Ding Soriano, ang itinuturing na “Alas” ni Mayor Olivarez dahil hindi siya katulad ng ilang mga opisyal na kilala ka lang kapag nakatutok ka sa kanilang pang-araw-araw na aktibidad.
   
Natatandaan ko  pa nang una kong makaharap si Mr. Soriano sa maliit niyang tanggapan sa city hall ng Parañaque may ilang taon na ang nakararaan kung saan nakita ko na lahat ng bisitang nagtutungo ay kanyang hinaharap nang personal at inaasikaso kung anuman ang kailangan.
   
Maaaring hindi lahat ng mga taga-Parañaque ay sumasang-ayon sa uri ng kanyang paglilingkod pero nakatitiyak ako na mas marami ang kuntento, lalo na ang mga lehitimong negosyante na nakakatulong sa pag-unlad ng siyudad.
   
Tulad ng ibang maunlad na lungsod, business friendly din ang Parañaque dahil sa mga pagbabago at mabilis na pagtugon nina Mayor Olivarez at ng kanyang city administrator sa mga pamamaraan upang maging paperless na ang transaksiyon sa city hall.
   
Kung sakit naman ng ulo ng lungsod ang mga illegal vendor, hindi isang paraan ang pagpapalayas at tuluyang pag-aalis ng kanilang kabuhayan dahil may permanenteng solusyon ang lokal na pamahalaan upang paglagyan ng daan-daang sidewalk vendors, partikular sa area ng Baclaran.

Matagal na kaming hindi nagkikita ni Mr. Soriano at sa panonood na lang ng balita ko siya natutunghayan sa telebisyon pero hanggang ngayon ay dama ko pa rin ang seryoso niyang paglilingkod na kanyang ipinaramdam nang huli kaming mag-usap halos isang taon na ang nakararaan.

Pabasa 2017
   
Naging kabahagi ang mga opisyal at miyembro ng CAMANAVA Press Corps sa ginanap na Pabasa 2017 noong nakaraang Semana Santa sa bakuran ng Caloocan Police Station sa Samson Road, Caloocan City, kasama ang Rotary Club of Metro East Caloocan at Caloocan City Police.
   
Sa pamamagitan nina Bernard Bernabe, ang incoming president ng Rotary Club of Metro East, Arlie Calalo, pangulo ng CAMANAVA Press Corps at Caloocan police chief Senior Supt. Chito Bersaluna, naging matagumpay ang ginanap na Pabasa na nilahukan ng mga pulis, mamamahayag at miyembro ng Rotary Club.

Mga proyekto sa Navotas
   
Hindi lang ang pamamahagi ng 15 wheelchair na donasyon ng Latter Day Saints sa mga may kapansanan ang isinulong na proyekto ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco kasama sina konsehal Alvin Nazal at Jennifer Serrano ng City Social Welfare Development Office kundi pinangunahan din ng alkalde ang pagpapasinaya sa pinagandang Office of Senior Citizen’s Affairs ng lungsod, kasama si Congressman Toby Tiangco.
   
Batid ng magkapatid na Tiangco ang kahalagahan ng mga iniambag sa lungsod ng mga senior citizen kaya’t  kinailangang maging maayos at presentable ang kanilang tanggapan. Kasama rin sa selebrasyon sina Vice Mayor Clint Geronimo, Federation of Senior Citizens Association of Navotas Incorporated (FSCANI) President Lucy Batto at Office of Senior Citizens’ Affairs Chairman Linda Ramirez, mga konsehal at mga opisyal ng barangay.
   
Kasunod nito ang dalawang araw na pagsasanay sa advance first aid at cardio-pulmonary resuscitation sa may 30 mga guro ng child development centers at kindergarten on wheels upang matuto sila kung paano magsagawa ng first aid.
   
Ayon kay Mayor Tiangco, mahalagang magkaroon ng kaalaman at kasanayan sa first aid na makakatulong sa pagsasalba ng buhay. Ang pamahalaang lungsod aniya ay sumusuporta sa mga ganitong uri ng proyekto at adbokasiya dahil hangad nilang maging handa, alerto at wais ang mga Navoteño.
   
Sa mga sumbong at reklamo, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.