4,280 guests

Away mag-asawa

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 374

Pointguard

ISANG malaking balita ngayon ang away mag-asawa ni Comelec Chairman Andres Bautista at ng kanyang maybahay na si Patricia Paz Bautista.

Kanya-kanyang hamon, depensa at pagtanggi ang ating naririnig mula sa magkabilang panig.

Ang away mag-asawang ito ay naghatid ng palitan ng akusasyon ng korapsyon, money-laundering, hindi mapaliwanag na yaman, pagtataksil sa asawa at pandaraya sa nakaraang 2016 halalan ang sumambulat sa publiko.

Puwera pa sa stress at kawalan ng mahimbing na tulog sa mag-asawa, damay na dito ang bigat ng pinagdaraanan ng apat na anak na lalaki ng mga Bautista.

May balita na hindi na pumapasok sa paaralan ang mga bata, marahil sa takot na matanong o matukso o matuya ng mga kaklase.
    
Iyang bagay na iyan ang aking iniingatan bilang lingkod-bayan. Kaya kong tumanggap ng batikos mula sa mga hindi kasundo sa isyu ngunit madudurog ang puso ko kapag nakita ko ang aking anak na uuwi na may pasa sa mukha o may luha sa mata dahil siya ay tinukso ng kanyang mga kaklase na ang kanyang ama ay may iskandalong kinasasangkutan.
    
Ang batas ay maliwanag, hindi mo puwedeng pilitin na tumestigo laban sa isang tao ang kanyang asawa subalit sa kaso ng mga Bautista, kusang loob na tumetestigo si Gng. Bautista laban sa asawa.
    
Pangalawa, ang hukuman ay may tungkulin na pangalagaan at pagkasunduin ang nag-aaway na mag-asawa. Habang sinusulat ko ang kolum na ito, wala pang kasong annulment o  legal separation ang inihahain sa korte ng mga Bautista. Imbestigasyon pa lamang ng DoJ-NBI ang umuusad.
    
Kung gayon, maaaring humantong ang inumpisahan ni Gng. Bautista sa pagsasakdal kay Chairman Bautista sa kasong kriminal.
    
Sinabi ni Gng. Bautista na alam niyang masakit at mahirap para sa kanyang mga anak na makitang nagtatalo at nag-aaway silang mag-asawa ngunit gusto niyang ituro sa kanyang mga anak na mayroon silang isang ina na tumindig laban sa korapsyon at sa kabila ng lahat, hindi masamang tao ang kanilang ama subalit mayroon siyang mga ginawang maling pasya.
    
Kilala ko si Chairman Bautista. Una ako ng isang taon sa Ateneo Law School sa kanya. Siya rin ang sumunod sa akin bilang Ateneo Law Journal editor-in-chief.
    
Ang isa naming ka-batch ay naging girlfriend ni Chairman Andy ngunit hindi naglaon ay nagkahiwalay din sila. Matalino si Chairman Andy at nagtapos bilang Valedictorian ng Class 1990. Corporation lawyer siya bago naglingkod bilang Chairman ng PCGG na dating posisyon ng aking ama.
    
Nakapanghihinayang na ang relasyon ng perfect couple ng maganda at matalinong Patricia Cruz at matalino at guwapong Andres Bautista ay napunta sa trahedya.
    
Ipanalangin natin ang kanilang mga anak na manatili ang kanilang respeto at pagmamahal sa magulang sa kabila ng mga nangyayari sa kanila.