6,357 guests

Benham Rise: Nagpanggap na naman silang makabayan!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 452

HINDI na naman matahimik ang mga nagpapanggap na makabayan.

Sila iyong mga politiko at mga sektor na nagpapakitang-gilas sa pamamagitan ng paghahamon sa Pangulong Duterte na ipaglaban ang Benham Rise.

Ang tingin agad nila, ipinamimigay ng Pangulo ang teritoryo ng bansa dahil pinapayagang dumaan, mamalagi at magbusisi ang mga barko ng China.
   
Ang dami nilang satsat dahil dapat daw ipaglaban ang Benham Rise na 250 kilometers away sa ating teritoryo.
   
Dapat maliwanagan nating lahat na ang awarded sa atin ng United Nations Commissions on the Limits of Continental Shelf ukol sa Benham Rise ay “sovereign rights” at hindi “sovereignty.” Ibig sabihin, one step lower sa pagiging may-ari.
   
Ang soverign rights ay kalamangan ng isang bansa sa iba dahil mas pabor sa kanya na gawin ang pag-aaral sa anumang tinukoy na resources subalit ang sovereignty ay isang full rights and supreme authority.
   
Ang karapatan natin ay exclusive rights lang “to explore, exploit gas and other resources” sa Benham. Ibig sabihin, hindi ito bahagi ng mapa ng Pilipinas at hindi ito physically na pag-aari ng ating bansa. Pinagagatasan lang sa atin ang kalabaw at hindi sinabing sa atin ang kalabaw.
   
Dahil sa proximity o lapit ng Benham Rise sa atin, kinilala ng UN ang ating karapatan na ito ay pag-aralan subalit hindi tayo binigyan ng kapangyarihan na pigilan ang mga magdaraang barko (freedom of navigation) o hadlangan ang ginagawang pag-aaral ng Tsina o ng anumang bansang may karapatan din sa boundless fish resources.
   
Tanong, ang ating bansa ba ay may sapat na kakayahan, kagamitan at iba pang technical know-how na sisirin ang kailaliman ng Benham Rise o alamin kung anong uri ng pakinabang ang puwede para sa ating bansa?
   
Aminin man natin o hindi, limitado ang ating kakayahan sa lahat ng aspeto subalit hindi pa rin ito dapat maging dahilan para ipagparaya sa ibang bansa ang anumang dapat na biyaya para sa atin. Meaning, iyong laman at hindi ang kabuuan.
   
Kaya nga kung titingnan nating mabuti, ang win-win solution dito ay joint exploration sa pagitan ng China at ng ating bansa sa halip pag-usapan ang ownership ng katubigan na gustong ipagawa ng mga maepal sa ating gobyerno.
   
Isa pang tanong, ito bang mga politiko, mga militante at mga rebeldeng sundalo na puro ingay lang ay kayang pangatawanan ang kanilang sinasabi sa ownership kung sakali ngang nasa atin ang supreme authority sa Benham Rise?
   
Sabi nga ng lolo ko, diyaskeng mga bata are, huwag n’yo na kaming bolahin mga militante, dahil iyong mga lugar nga na pinagraralihan n’yo ay hindi n’yo malinis pag-alis n’yo, iyon pa kayang Benham Rise ang malinis n’yo?
   
Pati itong mga rebeldeng sundalo na nagmamagaling, paano nila sasabihing dapat ingatan ang Benham Rise kung ang mismong mga kubeta sa Oakwood at Peninsula ay salaula nilang iniwanan?
   
Maging ang mga kongresista at senador na nagmamagaling sa Benham Rise ownership, puwede kayang palinisan muna nila ang mga distrito at barangay nilang nanlilimahid bago sila pumutak?
   
Tingnan ko muna kung malinis at kaya n’yong alagaan ang inyong mga lugar na abot-kamay lang bago n’yo pakialaman ang isyu ng Benham Rise na gustung-gusto n’yong ariin pero mga salaula naman kayo!
   
Huwag na kayong umastang mga makabayan dahil hindi n’yo nga kayang maprotektahan ang Pasig River na nasa tungkil lang ng ilong n’yo, iyon pa kayang daan-daang kilometro mula sa inyo!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.