5,260 guests

Bossing Vic Sotto, hindi na sasali sa MM Film Festival!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 708

HINDI na isasali pa sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2017 ni Bossing Vic Sotto ang dekada nitong comedy film na Enteng Kabisote (EK).

Mukhang napikon yata ang mister ni Pauleen Luna sa patutsada ng ilang nagdudunung-dunungan na ‘netizens’ na dahil sa kanya, kaya naghain ng panukalang batas si Senate Majority Leader Tito Sotto na naglalayong magkaroon ng hiwalay na Film Festival para sa Indie Films.

May meeting kahapon ng hapon si Bossing Vic at ang management ng MZET Production na nasa likod ng Enteng Kabisote pero dahil maaga ang deadline ng ating column, inuna ko nang isulat ang istoryang ito.

Antayin natin ang opisyal na pahayag ni Bossing Vic tungkol dito dahil ayon sa ating impormante, makikipag-usap na lamang ito sa mga theater owner para malaman kung anong petsa ang may magandang ‘holiday’ basta ’wag lamang makasali sa MMFF.
   
“Kapag gumawa siya (Bossing Vic) ay ilalabas niya within the year and not sa MMFF,” sabi pa ng ating impormante.
   
Naisulat ko kamakailan ang tungkol sa matinding ‘bashed’ na inabot ni Senador Sotto nang ihain ang Senate Bill 257. Galit ang netizens dahil may personal na motibo lang daw ang beteranong senador kaya inihain ang panukalang magkaroon ng hiwalay na film festival sa Indie Films.
   
Ang hindi nila alam, makasali man sa MMFF o hindi ang EK ni Bossing Vic, kikita pa rin ito sa takilya kasi, mula noon hanggang ngayon, iba ang karisma ng Tito, Vic & Joey. Eh lalo pa ngayon at klik na klik pa rin ang AlDub nation nina Alden Richards at Maine Mendoza. Wala pa riyan ang kuwelang patawa nina Jose Manalo, Wally Bayola at Die Beautiful star na si Paolo Ballesteros.
   
Mabigat na gamitin ang salitang ‘tradisyon’ o ‘kultura.’ Pero kung ako ang tatanungin, bahagi na ng MMFF o nakasanayan na ng bawat pamilyang Pilipino ang mga pelikulang Enteng Kabisote, Ang Panday ng nasirang Fernando Poe Jr. na ipinagpatuloy ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.; Shake, Rattle and Roll, Mano Po at marami pang iba na mga ‘mainstream’ na pelikula tuwing Kapaskuhan.
   
Sa loob ng halos ng 10-taon o higit pa, marami na silang pinasaya at bahagi na rin ang kanilang mga pelikula sa pagdiriwang ng Pasko.
   
Iyong tipong kuntento na ang mga mahihirap nating kababayan na mapanood ang Enteng Kabisote o Ang Panday ng kanilang anak, kahit salat sa luho ang pagdiriwang nila ng Pasko.
   
Walang sinuman ang gustong pumigil sa Indie Films dahil tulad ng mga ‘nagdunung-dunungan’ sa ‘cyber space,’ tayo mismo ay todo suporta rito. At alam ko, pati sina Tito, Vic at Joey ay suportado ito dahil noon pa man ay hindi na mabilang ang mga natulungan nilang artista para sumikat.
   
Kailangan ko pa bang banggitin ang mga namayapang komedyante na sina Ritchie ‘D Horsie, Rene Requiestas? Si Gracia, Jericho Rosales, Sex Bomb Girls at Aiza Seguerra na chairperson ngayon ng National Youth Commission (NYC)?
   
Si Ryzza Mae Dizon at ang cute na cute na si Baste? Hindi ba dahil sa TVJ ay nabigyan sila ng pagkakataong maipakita ang talent nila at nagbigay saya sa ating lahat noon pa man hanggang ngayon?
   
Ilang production staff na rin ba ang nabigyan nila ng hanapbuhay?
   
Ilang kababayan nating mahihirap ang natulungan na ng TVJ mula sa Sugod Bahay portion at Juan for All, All for Juan ng Eat Bulaga? Ang mga kakaibang laro na ‘Pinoy Henyo’ na hanggang ngayon ay ginagaya na rin ng iba nating kababayan tuwing may pagtitipon sa kanilang tahanan, opisina, barangay at barkadahan?
   
Hindi ba’t tumatak din ito sa kasaysayan ng paglilibang sa ating bansa?
   
Marami pa po iyan. Kaya nga hindi ko masisisi si Vic Sotto na hindi maghinanakit sa mga ‘basher’ ni Tito Sen kasi sana naman bago  sila mang-bash ay nag-isip na muna sila sa kanilang sarili kung ilang kababayan na ba natin ang natulungan nila sa personal nilang kakayahan?
   
Institusyon na ang Tito, Vic and Joey. Bago sana magbigay ng masasakit na salita ang ilan nating ‘netizens’ tungkol sa magandang layunin ni Tito Sen ay magmuni-muni muna sila kung may naiambag na ba sila kahit katiting sa industriya ng showbiz.
   
Dahil sa totoo lang, may kabuluhan ang panukala ni Tito Sen na ihiwalay ang Film Festival ng  Indie Films kasi, mas maraming Film Fest, mas maraming matutulungang maliliit na artista at staff kung mababahaginan sila ng mga ‘proceed’ o kita nito.
   
Bukod diyan, para ihalo natin sila sa mga malalaking pelikula na katulad ng kay Bossing Vic, hindi lamang ‘unfair’ ito para sa maliliit na producers, kundi ‘unfair’ din ito sa mga manonood na kaligayahan nang makapanood ng pelikulang katulad ng Enteng Kabisote tuwing araw ng Pasko.
   
Kahit mga ‘theater owner’ ay kamot ang ulo kasi, ang inaasahan nilang ‘income’ sa nakalipas na 2016 MMFF ay naglahong parang bula.
   
Personal na karanasan ko ito at ng aking bunsong anak. Hindi ko na dapat babanggitin pa pero sabi nga ni Jose Manalo ay babanggitin ko na rin.
   
Enero 3, 2017, nanood kami ng anak kong bunso sa SM BF Parañaque ng pelikulang Saving Sally. Sa Directors Club ng SM BF kami nanood mag-ama dahil doon lamang mayroong pelikulang Saving Sally.
   
Alam n’yo ba kung ilan kami sa sinehan na nanood? Kami lang po mag-ama at nang matapos ang pelikula, doon namin napansin na may kasama pala kaming dalawa pa. Sila iyong tagapaglinis sa loob ng sinehan.
   
Oo’t January 3 na nang manood kami. Pero kung mga pelikulang katulad siguro kay Bossing Vic ang palabas noong mga araw na iyon, sigurado tayong puno pa rin ang sinehan.
   
Gusto n’yo bang kumustahan ang personal ‘review’ ng 11-taong gulang kong anak? Ang sagot sa akin nang tanungin ko kung maganda ba ang pelikulang Saving Sally ay: ‘Kinda boring Dad.’
   
Hindi ako ang namimintas dito kundi ang bata mismo. Kasi kung ako naman ang tatanungin sa personal kong ‘review,’ masyadong ‘elementary,’ ‘mababaw’ at ‘hinog sa pilit’ ang pelikulang Saving Sally.
   
Pasensya sa mga gumawa nito, pero personal kong komento ito at sana ay magsilbing ‘constructive criticism’ para sa mga gumawa ng nasabing pelikula.
   
Ang punto ko rito, ’wag nating biglain ang mga bata na ipanood sa kanila ang mga nagpapanggap na malalim na pelikula pero mababaw din naman.

Minsan lang maging bata ang ating mga anak. Hayaan nating ibigay sa kanila ang nakaaaliw na pelikulang katulad ng EK ni Bossing Vic.
   
At sa tamang panahon o tamang edad, saka natin imumulat sa kanila ang kagandahan, katalinuhan at kalidad ng isang Indie Films.
   
Sa gagawing hakbang na ito ni Bossing Vic sa darating na December 2017, tiyak ay maraming bata, magulang, lolo’t lola, kabataan at pati na rin ang mga istambay sa kanto ang malulungkot kasi ‘sigurado tayong magiging kulang ang kanilang Pasko dahil na rin sa wala  na naman tayong mapapanood na Enteng Kabisote sa MMFF.
   
Ang tunay na diwa ng Pasko, maliban siyempre sa Pagkilala sa Dakilang Maylikha, ay para pasayahin ang mga bata. At sabi nga ni Comedy Henyo Joey de Leon, hanggang may bata, may Eat Bulaga!
   
Siyangapala, P373.3 million lamang ang kinita ng 2016 MMFF, hamak na kakarampot na income kumpara sa P1.020 billion na gross noong 2015 MMFF.
   
Sino ang itinanghal na Box Office King and Queen?
   
Bakit yata walang ingay tungkol dito? Kung pagbibigyan lamang ang panukala ni Tito Sen na magkaroon ng dalawang Film Festival kada taon -- para sa mga mainstream na pelikula at Indie Films -- tiyak ay magkakaroon din ng mahaba at kuwalidad na pagkakataon na mag-promote ng pelikula ang mga artista at maliliit na producers na nasa likod ng mga Independent Films.
   
Muli, nais natin linawin na hindi tayo tutol sa Indie Films at sa halip ay sinusuportahan natin ito. Mas ideal na ‘set up’ lang talaga kung ihiwalay sila sa isa pang Film Festival na ala-Cine Malaya na nilalahukan naman ng  Indie Films mula sa iba’t ibang bansa.
   
At diyan papasok ang Estado, sa tulong na rin ng ating mga tunay na magagaling at matatalinong netizens, para i-promote ang magagandang Indie Films.