4,002 guests

‘Change has come’ sa PNA

  • Written by Paul M. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 172

IBABALIK na umano ng gobyerno ang “bagong” ‘48 coaches’ ng MRT na “binili” ng bansa sa halagang P3.8 bilyon sa ‘Dalian Locomotive and Rolling Stocks’ ng China.

Ito ay kung sasabihin daw ng kukuning ‘third party’ ng Department of Transportation (DOTr) na hindi magagamit ang mga nakuhang tren bago ibalik sa China. Bakit naman kailangan pang gumastos ulit ang gobyerno/DoTr para lang sabihin na “palpak” ang nasabing transaksyon at “nalugi” (na naman) ang ’Pinas, hindi natin maintindihan.

Binili ang mga ito sa pamumuno noon ni dating DoTr Sec. Emilio ‘Jun’ Abaya sa ilalim ng dating administrasyong Aquino. Bagama’t, hindi natin “minimenos” ang kalidad ngayon ng ‘Made in China’ dahil totoo namang tumaas na rin ang teknolohiya at kalidad ng mga produkto nito.
    
’Yun nga lang, 2016 pa dumating ang mga tren na iyan at maski isa wala pang nagagamit. Hindi ito magamit dahil sa isyu ng ‘compatibility’ sa ‘signaling system’ ng MRT at nabisto pa na “mas mabigat” din ang timbang nito.
    
Sinasabing nasa 49,000 kilograms (49 tonelada) ang mga nabiling mga tren, samantalang 48,000 kilograms (48 tonelada) lamang ang ‘maximum weight’ na kakayanin ng riles ng MRT-3. Ibig sabihin, walang kwenta ang pinagkagastusan ng nakaraang administrasyon.
    
Pagkatapos na taasan ang pamasahe sa MRT noong 2015, hanggang ngayon pagtitiis ang ginagawa ng mga kababayan natin.
    
Halos makipagpatayan ang mga kababayan natin makasakay lang ng tren tuwing ‘rush hour.’
    
Kapag nakapasok ka pa ng tren “suwerte” kung makahinga ka nang matiwasay. Aba’y halos magkapalitan na kayo ng mukha at pawis ng mga katabi mo. Mukhang mas maluwag pa ang mga sardinas sa lata.
    
At kapag “minamalas” ka -- na kalimitan nang nangyayari ngayon, “yari” ka dahil sa gitna ng biyahe, “titirik” ang MRT at lahat ng pasahero ay “nganga.”
    
Ilang beses na bang nakakaroon ng aberya ang operasyon ng MRT, kaya naman kailangan na kailangan nang palitan ang mga ito.
    
Isipin ninyo, anong klaseng pamunuan ba meron ang MRT sa klase ng serbisyong kanilang ibinibigay? Nagbabayad nang tama ang mga pasahero pero hindi nakakakuha ng tamang serbisyo.
    
At ’yung mga nasa (dating) serbisyo na tanging gagawin na lang ay bumili nang tama ay hindi pa nakabili nang tama.
    
Baka naman ang kikitain o ‘kickback’ sa pagbili ang inaral ng mga nasa dating administrasyon at hindi kung tamang tren ba ang binibili?
    
Kaya naman tiis na nga lang talaga ang mga kababayan natin hindi lang sa mga tren na sinasakyan nila kundi pati ang nagpapatakbo ng mga ito. Talagang nakakaawa lalo na ’yung  senior citizens natin at PWDs.
    
Tanong natin ngayon, sino ang dapat  managot sa kapalpakang ito? Hindi pwedeng walang mananagot hindi lang dahil pera ng taumbayan ang usapin dito kundi ang pasakit na ibinibigay sa mga pasahero.
    
Napakatagal na isyu na ito na ginawa nang araw-araw na buhay ng mga mananakay ng MRT ang pasakit na dala ng serbisyo na meron sila. At maaayos lamang ito kung may mananagot sa mga kapalpakan nito para maiwasang maulit.
    
Hindi lamang dapat sa pagbabalik ng 48 tren ng MRT ang kailangang isipin ng nasa DoTr. Dapat ding kumilos at kasuhan ang mga dapat ang mananagot dito para mabigyang hustisya ang pagpapahirap na ginagawa sa mga pasahero.

* * *    

Sa ikalawang pagpupulong kahapon ng ‘stake holders council’ na binuo ni PCOO Secretary Martin Andanar upang isaayos ang operasyon ng Phil. News Agency (PNA) at kung saan isa tayo sa mga miyembro, ‘special guest’ ang mga operatiba ng ‘NBI Cybercrime Division.’
    
Medyo sensitibo pa ang usapin mga kabayan subalit isa lang ang “mensahe” sa mga kurimaw na gumagawa ng ‘system hacking’ sa PNA upang isabotahe ang operasyon nito -- at ipahiya at gawing katawa-tawa hindi lang si Sec.  Andanar bagkus, ang buong gobyerno ni Pang. Rody.
    
Translation? Malapit na kayong “mahubaran,” mga bosing kaya, magsilayas, agh, magsipaghanda na kayo, hane?
    
Hindi lang ang paghabol sa  ‘saboteurs’ sa loob at labas ng PNA ang hamon ngayon kay Usec. Joel Sy Egco na siyang inutusan, nye, itinalaga, ni Sec. Martin upang isaayos ang PNA.
    
Sa mga darating na araw, kasama na rito ang pagrepaso sa buong operasyon ng PNA upang muling ibalik ang kredibilidad nito bilang isa sa mga kinikilalang ‘news wire service agency’ sa buong Asya at sa buong mundo -- na dati nitong katangian noong administrasyon ni Pang. Marcos.
    
Kumbaga, ‘change has come’ sa PNA at wala tayong masasabi kundi, ayos ’yan!