5,191 guests

Dakpin ang oust Duterte plotters!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 279

PARANG mga natubigang palaka na naman ang mga inggitero’t inggitera.

Buhay na naman ang kanilang kabuhayan sa pagkaka-appoint kay Mocha Uson bilang director ng MTRCB.

Nakasilip na naman sila ng pagkakataon para ipakita kung gaano kalabnaw ang kanilang mga utak. Pintas kaliwa’t kanan na naman para lang makabira kay Mocha at mahataw kay President Digong.
   
Hampas sa kabayo, latay sa kalabaw ang kanilang agenda. Gusto nilang birahin si Mocha para tumama kay Digong at vice versa.
   
Kinukuwestiyon nila ngayon ang kakayahan ni Mocha gayong kapag sinukat, mas matalino pa ito sa kanila. Mas mataas ang sintido-kumon, mas may substance ang mga sinasabi.
   
Ano ba naman ang posisyon ng pagiging isa sa mga director ng MTRCB na kung tutuusin ay non-bearing naman sana kung hindi lang bumatikos ang mga bruho at bruha na wala namang ginawa sa panahon ng kanilang amo sa pagkainutil.
   
Hanggang September 2017 lang naman ang pagiging director ni Mocha, ibig sabihin, huwag kayong masyadong mabahala. Ang paghandaan n’yo at tiyak na maninikip ang inyong dibdib ay kung bigla siyang ma-appoint bilang chairman ng MTRCB matapos ang kaniyang term sa pagiging direktor.
   
Sa isang banda, baka nga kailangan natin ng isang Mocha Uson para matigil na ang mga labas-singit sa mga variety at noontime show at ang paghahalikan ng mga parehong kasarian sa kanilang mga teleserye.
   
Lahat ng pagsusulong ng kaimoralan at mga basurang palabas sa ating mga telebisyon ang dahilan kung bakit bagsak na ang moralidad ng marami nating kababayan.
   
Ang pagkita na lamang ng pera ang nasa priority list ng programming, nawala na ang social corporate responsibility na maturuan ang mga kababayan natin ng maayos na kultura at mga kaugalian.
   
Kung kailan maaayos ang mga palabas natin sa mga telebisyon, baka nga si Mocha lang ang makakasagot.
   
Habang hindi pa chairperson ng MTRCB si Mocha, panoorin muna natin kung paano mamamatay sa inggit ang mga utak-talangka.

* * *   

May kapangyarihan ang gobyerno na ipadakip ang mga nagbubuo ng grupo para pabagsakin ang duly-elected President.
   
Sa ganito kaaga, kailangang ipaalam sa mga taong ito na labag sa Saligang Batas ang kanilang ginagawa. Ang pagkakabunyag ng mga palitan ng email para patalsikin si President Duterte ay sapat nang ebidensiya para ilagay silang lahat sa rehas na bakal.
   
Okey pa sana ang kanilang plano kung magnanakaw si President Digong, kung kinakamkam nito ang lahat ng kapangyarihan at winawasak ang mga institusyon ng bansa.
   
Kaya nga mataas ang popularity at trust rating ni Presidente ay dahil ramdam ng publiko ang kanyang ginagawang paglilinis ng bansa laban sa mga kriminal, mga drug addict, drug pusher at mga korap sa gobyerno.
   
Ang hindi lang natutuwa sa nangyayari ngayon ay ang noisy minority na nawalan ng pagkakakitaan, nawalan ng kapangyarihan at nawalan ng mga koneksiyon sa pamahalaan.
   
Hindi ako magtataka kung isa-isa nang maglutangan ang mga ito para ituro ang kanilang mga kasabwat sa Oust Duterte Movement bago pa sila matunton ng mga awtoridad.
   
Arestuhin na ang mga oportunista na ’yan!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.