6,135 guests

Dapat bang palayain ang 120 buwaya?

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 141

SA kanyang Sinumpaang Salaysay na ibinigay sa Senado, kaugnay ng imbestigasyon nito sa PDAF, sinabi ni Janet Lim Napoles na 20 senador at 100 kongresman ang direktang nakipagtransaksyon sa kanya kaugnay ng kanilang mahigit P10 bilyong pork barrel, na halip mapunta sa tao ay binulsa ng mga buwayang mambabatas. 

Ang 20 senador ay iba sa tatlong dating senador na nakasuhan at nakulong kaugnay ng iligal na paggamit ng kanilang pork barrel, sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
    
Samakatuwid, halos lahat ng senador noong panahon ni P-Noy, na ang iba ay nakaupo hanggang ngayon ay sangkot at nakinabang sa iligal na paggamit ng kanilang PDAF.
    
Pati ang mga senador na akala natin ay malinis, ay tumatanggap rin pala ng milyun-milyong kickback mula sa iligal na paggamit ng kanilang pork barrel.
    
Sa Kongreso naman ay 100 mambabatas ang tumanggap ng milyun-milyong kickback galing sa iligal na paggamit ng kanilang PDAF.
    
Ang 20 senador at 100 kongresman at kanilang mga ahente na kumukuha ng kanilang kickback sa iligal na pagpapagamit ng kanilang PDAF ay pinangalanan ni Napoles sa kanyang nasabing salaysay at tinukoy ang kanilang personal na pakikipag-transaksyon sa  tinawag na “pork barrel queen.”
    
Tanging si Napoles ang may impormasyon tungkol sa kanyang personal na pakikipagkalakalan sa 20 senador at 100 congressman at kung paano ang mga ito’y  tumatanggap ng milyun-milyong kickback sa kanya.
    
Kung hindi magbibigay ng salaysay si Napoles laban sa mga nasabing 20 senador at 100 congressman, hindi mapapatunayan ang mga ginagawa nilang  pagnanakaw at pandarambong sa pera ng ating bayan.   

* * *
    
Dahil rito, marapat na gawing “state witness” si Napoles laban sa mga nasabing korap na mambabatas sa ating bayan.  
    
Hindi mawawala ang korapsyon sa Pilipinas, bagkus lalala ito, kung hindi tutuluyan ng pamahalaan ang 20 senador at 100 kongresmen, na sinabi ni Napoles na nagpagamit ng PDAF sa kanya  upang ito’y pagkaperahan.
    
Sa batas, ang akusado ay maaaring gawing state witness kung ’di siya ang “most guilty” sa kaso at ang kanyang testimonya ay kailangan, upang patunayan ang pagkakasala ng mga mas “guilty” sa kanya.
    
Kapag ginawang state witness ang akusado, tinatanggal ito sa demanda at nagiging testigo ng pamahalaan.
    
Tutol ang Ombudsman na gawing state witness si Napoles, dahil siya raw ang “most guilty.” Payag naman ang Department of Justice na maging “state witness” ang “pork barrel queen”, upang mapalakas ang kaso ng gobyerno laban sa mga politikong nagwaldas at nagpasasa sa kanilang PDAF.
    
Ayon sa mga testigo, singkwenta porsiyento (50%) o kalahati ng PDAF ay napupunta sa mga senador at congressman bilang komisyon o kickback sa iligal na pagpapagamit  ng kanilang PDAF.    
    
Sa natitirang 50%, 10% ay napupunta sa mga ahente ng mga mambabatas, 10% ay napupunta sa DBM na nagre-release ng pondo at 10% ay napupunta sa ahensya ng nag-i-implement sa proyekto. Ang natitirang 20% ay napupunta kay Napoles at dito binabawas ang ibang gastusin sa proyekto.
    
Samakatuwid, ’di hamak na mas malaki ang kickback ng mga senador at  congressman sa pagpapagamit ng kanilang pork barrel.       
    
Ayon sa mga naka-transaksyon ng mga buwayang mambabatas, ganito ang SOP sa paggamit ng pork barrel ng mga hudas, 50% hanggang 60% ng PDAF ay para sa mga buwayang senador at congressman. TAKE IT OR LEAVE IT.  
    
Dahil sa sobrang kaswapangan ng mga buwayang mambabatas, halos walang matira sa PDAF, kaya’t napipilitang mag-ghost delivery o project ang mga nagnenegosyo sa gobyerno, tulad ni Napoles.  
    
Dahil sa mga nabanggit, dapat gawing state witness si Napoles, laban sa mga buwayang senador at congressman, upang masiguro na ang mga tulad nila’y mabulok sa bilangguan.
    
Sa ganitong paraan lang, tunay na mawawala o mababawasan ang ang mga buwaya o korap sa ating bayan.     
    
Kung hindi gagawing “state witness” si Napoles, walang matibay na testimonya na magpapakulong sa mga buwayang mambabatas at magpapatuloy ang katiwalian sa ating bayan.  
    
Dapat bang palayain ang 120 buwayang mambabatas at magpatuloy ang korapsyon sa ating bansa?

ATTY. JAY C. DE CASTRO Founder, Magkaisa Para sa Bayan, Inc. (MPB) Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. Website: magkaisaparasabayan.com Facebook: fb.com/magkaisaparasabayan Contact No.: 0915-7799-777.
    
Please visit our website magkaisaparasabayan.com and like our Facebook page Magkaisa Para sa Bayan, Inc. and ask your family and friends to do the same.