6,461 guests

Disiplina sa PNP kulang pa

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 159

BAGO ang lahat, pagbati muna sa mga may kaarawan sa unang buwan ng ‘Year of the Rooster,’ sa pangunguna (siyempre) ni National Press Club (NPC) Dir. Alvin Murcia at Dir. Boying Abasola.

Kung kailan ang kanilang “pauga” katulad ng ‘kantyaw’ ni ex-NPC vice president at ngayon ay SBMA director, Benny Antiporda, eh, hindi pa natin alam; ang sigurado natin, bukas ang “pagewang” (uuwi kang “gumigewang”) ni kasamang John Sino Cruz sa QCPD kaya… ilabas na ang ‘San Mig’ at pulutan, hehehe!

Pagbati rin siyempre kay ‘Lola’ Maripaz Guba ng ‘Wanabet OTB’ na nagdiwang naman noong Linggo. At opo, “Lola,” tama ang “payo” ng iyong anak: “magpapayat” ka na ulit, hehehe!
   
Binabati rin natin ang ‘Philippine Press Photographers, Inc. (PPP) sa pangunguna ni Pres. Jay Jalbuna at ang Senate Press Photographers Association (SPPA) sa pangunguna naman ni Pres. Roy Domingo, sa matagumpay nilang ‘turnover ceremony’ at ‘oath-taking’ noong Sabado na ginanap sa National Press Club. Mabuhay ang mga “maniniyot!”

* * *   

Gusto nating bigyan diin dito, mga kabayan si Chief PNP ‘Bato’ dela Rosa, na hindi lang ang inyong lingkod, bagkus, ang buong kasapian at liderato ng NPC ay “buong-buo” ang suporta sa iyo at kay Pang. Rodrigo Duterte sa kampanya laban sa iligal na droga at sa kriminalidad sa pangkalahatan.
   
Suportado rin natin ang gustong mangyaring “reporma” sa PNP ng liderato ni Chief PNP dahil nga alam naman ng lahat na ang “kakambal” ng isinusulong na kampanya laban sa kriminalidad ng ating pamahalaan ay ang tuluy-tuloy na reporma sa ating kapulisan;
   
Kung walang ‘genuine change’ at genuine reform’ sa PNP hanggang sa pinakamababang istasyon ng pulisya, paano makukuha ang suporta at higit sa lahat, ang “simpatiya” ng publiko, aber?
   
Nabanggit natin ito, mga kabayan, dahil noong Sabado rin, mga nag-iiyakang boses ng aking mga pinsan at pamangkin ang narinig ko sa telepono.
   
Dangan kasi, ang akin palang “bayaw” na si Rocky Bautista, ay “dinahas,” ehek, “pinasok” sa kanyang bahay sa Bgy. San Antonio, San Pablo City, ng mga pulis-San Pablo, “binaliti” ang mga braso at kinaladkad, agh, dinala, sa presinto.
   
“May dala bang ‘warrant’ ang mga pulis nang gawin nila ito at binasahan ba siya ng ‘Miranda rights,’ tanong mo ba, Commission on Human Rights (CHR) chairman ____ at Sen. Leila de Lima? “At ano ba ang kaso?”
   
Sa mga tanong na ito, San Pablo City Mayor Amben Amante, isa lang ang sagot natin: Wala.
   
Walang warrant, walang pagbasa ng Miranda rights at higit sa lahat, walang kaso.
   
Ang siste kasi, mga kabayan, “napagbintangan” lang palang “suspek” si Rocky sa isang kaso ng ‘snatching’ na nangyari noon pang Biyernes at pagdating sa presinto, napatunayang “wow mali” ang mga pulis!
   
Kumbaga, ‘wrong identity’ ang “dinakma” ang marahas na “kinumbida” sa presinto ng mga umatake, agh, dumating na pulis-San Pablo at nang “magkalinawan” ay pinakawalan at pinauwi na rin si Rocky kasama ang kanyang pamilya.
   
Kaya sa grupo nitong sina Police Chief Insp. Jaime Pederio, Police Senior Insp. Alma Gapunuan, SPO1 Christian Maderazo at PO2 Emeterio Vergara, “saludo” po ang mamamayan sa ipinakita ninyong “sigasig” sa “pagdakma” sa isang inosenteng sibilyan at siyempre, sa inyong “dalisay” na “kapalpakan,” yeheyy!!!
   
“Sila-sila” na lang umuwi ng kanyang pamilya sa malayong barangay ng San Antonio (malapit na ito sa Tiaong, Quezon) dahil bukod sa walang paumanhin, hindi man lang nagsikap ang mga pulis na ihatid sila sa kanilang tahanan kung saan malaking eskandalo ang kanilang ginawa.
   
Aber, bigla sigurong “nahiya” ang mga pulis at ayaw makantyawan sa barangay, hehehe!

* * *  

Sa ganitong garapalang pang-aabuso sa karapatan ng ordinaryong mamamayan, kahit paano ay “napikon” tayo mga kabayan.
   
Hindi dahil “kamag-anak” natin ang nabiktima. Bagkus, gusto nating maniwala na “tumatagos” na ngayon sa buong hanay ng PNP -- opisyal man o pulis-patola --  ang sinasabing “pagbabago” at “reporma” ni Chief PNP Bato dela Rosa. Hindi pa rin pala.
   
Aber, mabuti na lang at hindi nagpabaya itong ating kumpare at kaibigan na si Laguna PD Joel Pernito at tinawagan tayo sa telepono upang alamin kung “ano ang problema.”
    
Personal nating kilala ang pagkatao ni PD Joel na ilang beses na rin naman nating naisulat at pinuri dito -- sapul pa nang una kaming magkakilala may isang dekada na ngayon --  kaya nagpapasalamat tayo sa kanyang “malasakit.”
    
At naniniwala tayong kung hindi nagmalasakit si PD Joel na tawagan tayo, aba’y hindi rin kikilos ang bagong “hepe” ng San Pablo na si Supt. Ronan Claravall.
    
’Yun bang...kahit pakunyari, ayy, kahit sagabal sa kanyang tambak na trabaho (bagaman araw ng Sabado) ay tinawagan rin tayo upang magtanong kung “ano ang nangyari” -- higit tatlong oras matapos akong magpadala ng ‘text message’ sa kanya at higit kalahating oras matapos naman kaming mag-usap ni Pareng Joel.
    
Kaya anlinaw, hindi ba, kasamang Non Alquitran? Kung hindi pa “kinausap” ng kanyang provincial director itong si COP Claravall (na ayon pa sa ‘local media’ ay “suplado” at hindi madaling makausap at lapitan para sa mga panayam), aba’y hindi mag-aaksaya ng panahon, kahit ilang minuto, upang tayo ay tawagan.
    
“Palusot,” nye, “paliwanag” pa nga ni COP, “aalamin” niya ang nangyari at “iwawasto” (rectify) bagaman nga ayon na rin sa kanya, ’andun siya sa kanyang opisina buong araw ng Sabado.
    
Susme naman. “Nagkakagulo” sa labas ng kanyang tanggapan, “wala” siyang alam, ganern?!
    
“Sigurado” rin tayo na kung hindi pa ulit sa malasakit ni PD Joel -- na iginalang at hinangaan ng mga residente noong siya pa ang COP ng San Pablo -- aba’y hindi rin ‘magsu-sorry’ ang grupo nitong si Major Pederio at Capt. Gapunuan.
   
‘In fairness,’ Kuya Nani Cortez at mga kasama sa ‘Seven Lakes Press Corps,’ “nag-sorry” naman ang mga pulis dito kay Rocky. Sa ‘cellphone’ na nga lang, ahahay!
    
Ang “aral” na makukuha natin sa ganitong insidente mga kabayan? Simple lang ’di ba?
 
Reporma, disiplina at kagandahang asal naman ng ating mga pulis ang dapat atupagin ng PNP dahil “kulang” pa talaga.
    
At sakaling “nababagalan” sa mga reporma at pagbabago sa PNP si Mayor Amben, eh, puwede sigurong siya na mismo o ang konseho ng lungsod ang magbigay ng ‘lecture’ sa mga ganitong klase ng pulis. Go ahead, yorme, “boldyakin” mo, hehehe! Abangan!