8,458 guests

‘Dumidilim na naman ang langit’

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 338

Wala namang bagyo nang araw na ‘yon nang marinig ko ang mga salitang “dumidilim na naman ang langit” mula  sa isang lola sa isang barangay sa lunsod Quezon.

Hindi rin siya nakatingin sa langit. Patuloy lang siya sa pagluluto ng mga kakanin na ititinda niya pagkaraan.
    
Waring nagsasalita siyang mag-isa. Ngunit alam kong hindi naman siya nawawala sa sarili.
    
Hindi ako nakatiis at nilapitan ko siya at mahinahong nagtanong.
    
“Ano po ‘yon lola at nadidiliman kayo ngayon sa langit pero maliwanag po naman ito.”
    
“Maliwanag ngayon mamaya naman didilim ‘yan muli, “ sagot ni lola.
    
Lalo akong nagtaka sa sagot ni lola. Pero sinagot ko siya bilang isang environmentalist sa pag-asang magkakatugma ang iniisip namin. Nagbakasakali ako.
    
“Matindi na po talaga ng pag-init ng mundo lola. Kahit tag-ulan ay parang tag-araw sa init o alinsangan ng panahon. Global warming po ang tawag doon. Nangyayari po ito ngayon dahil inabuso ng ilang ganid na tao ang Inang Kalikasan. Binasag ang mga bundok, pinutol ang mga puno, ginawang tambakan ng basura ang karagatan…”
    
Natawa si lola. “Tama ka diyan amang. Pabagu-bago na ang klima. Tuliro ang mundo. Narinig ko na ang mga salitang ‘yan. Ngunit ang pagbabago sa kapaligiran ay hindi lamang sa kalikasan nangyayari. Sa paligid natin ay dumilim at lumiwanag ang takbo ng panahon. Maraming kayamanan natin tulad ng mga bata ang pinapatay ngayon. Nalulungkot ako para sa kanila,” malungkot na salaysay ni lola.
    
Nauunawaan ko na ang tila patalinghagang mga salita sa una ni lola. “Madilim” dahil sa mga nangyayaring pagpatay sa mga bata.
    
“Lagi akong nag-aalala sa kaligtasan ng mga anak at apo ko. Pinipilit ko lang sumaya ngunit kung alam kong wala pa sila sa bahay ay hindi ko maiwasang kabahan. Nawa’y lagi sila bantayan at iligtas sa kapahamakan ng Dakilang Lumikha,” tila panalangin ni lola.
    
“Hindi na maganda ang nangyayari sa atin. Pati mga bata ay pinapatay na. Ang masakit ay napakalupit pa ng pagpatay. Parang hindi na tao ang turing nila at parang hindi na rin tao ang mga mamamatay-tao,” dugtong ni lola
    
“Kahit kaming matatanda ay hindi na rin ligtas. May nabalitang pinatay na lola ng mga taong nakamotorsiklo kailan lang. Bakit umiiral na sa atin ang madugong pagwawasto kung anuman ang gustong iwasto. Bakit mga kaawa-awang mga paslit, menor de-idad at matatanda ang binibiktima? Hindi na ‘to gawain ng isang taong nasa tamang-pag-iisip,” patuloy na paglalahad ni lola.
    
“Saan na ang punta natin? ‘Kala ko ba’y titino na ang bayan natin?”
    
Nagpaalam ako sa lola na isusulat ko ang saloobin niyang narinig ko ngunit hindi ko sasabihin ang pagkakakilanlan niya para sa kanyang kaligtasan. Napangiti siya at tumango lang.
    
Malinaw na ang ipinagdaramdam ni lola ay ang mga naganap na pagpatay kailan lang sa mga kabataang sina Kian de Los Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman.
    
Bago ako umalis ay tinanong ko si lola kung kamag-anak ba niya ang kahit na sino sa mga pinaslang na mga kabataan. Umiling siya.                 (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)