5,588 guests

Hamon kay Commissioner Lapeña

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 261

MALAKING hamon ang kinakaharap ngayon ni Commissioner Sid Lapeña, bagong talagang hepe ng BoC, dahil ang assigned total revenue collection target ng ahensiya para sa taong ito ay P459.6 billion.

Sa pinakahuling datos, kinakailangan pang kumolekta ng P244.44 bilyon ng BoC para maabot ang target sa taong ito. 

Umaabot pa lang kasi sa P212.16 bilyon ang koleksyon ng BoC sa unang anim na buwan ng taon. Ito ay mababa ng P6.54 bilyon para sa P218.7 bilyon target ng ahensiya sa unang semestre ng taon.
    
Dito pa lang ay mabigat na ang hahabuling koleksiyon ni Lapeña na mahigit P6 na bilyon.
    
Ganu’n pa man, ang nasabing koleksiyong ito mula Enero hanggang Hunyo ay mataas ng 11.3 porsiyento kung ang pagbabatayan ay ang koleksiyon noong nakaraang taon na nakakolekta ng P190 bilyon.
    
Ang mga nag-exceed ng target collection ay ang Ports of Batangas, Legaspi, Iloilo, Tacloban, Surigao, Cagayan de Oro, Davao, Subic at Clark.
    
Pero pitong collection districts  ang bigo na makuha ang kanilang target. Ito ay kinabibilangan ng Port of Manila (PoM) at  Manila International Containers (MICP), ang tinaguriang “flagship” ports, Ninoy Aquino International Airport (NAIA) collection district at  Port of Cebu.
    
Ayon sa ulat, nalagpasan ng BoC ang kanilang target sa mga buwan ng Enero, Marso at Mayo ngunit sablay sa mga buwan ng Pebrero, Abril at Hunyo. Maraming naniniwala na mahihirapan nang maabot ng mga taga-BoC ang kanilang napakataas na target revenue collection para sa taong ito.
    
Alam naman ng lahat na talagang tinataasan ng gobyerno ang target ng mga tax collection agency.
    
Ang tingin siguro ng gobyerno ay isang paraan ito para magtrabaho nang husto ang mga  tax collector,  lalo na’t alam ng gobyerno na nandiyan ang kontrobersyal na Lateral Attrition Law (LAL).
    
Ito ay isang batas na nagpaparusa sa mga opisyal ng tax collection agency na mabibigong maabot ang target nito.
    
Pero sa ilalim ng batas na ito, binibigyan naman ng pabuya ang mga kawani ng ahensiyang makakaabot o makalalampas ng target collection.
    
Ang sabi nga, unfair ito sa mga taga-BoC.
    
Bakit nga hindi, eh, wala naman sa kamay ng BoC ang laki ng makokolektang buwis. Ang revenue collection ng ahensiya ay naka-depende sa dami at klase  ng mga imported goods na dumarating sa bansa.
    
Kung kakaunti ang shipments ay kaunti rin ang makokolektang buwis.
    
Ang problema pa ay maraming kargamento ay zero tariff dahil sa mga kasunduan na pinasok ng bansa.
    
Ang tanging magagawa na lang ng bagong pamunuan ng BoC ay mabawasan ang target collection deficit sa taong ito.
    
Kayang-kaya mo ’yan, Commissioner Lapeña!

* * *   

Mukhang nagwawala na ang kalikasan. Siguro nagagalit na ito dahil sa pambababoy ng tao sa kapaligiran na nagreresulta sa global warming.  
    
Ang babagsik ng mga lindol at bagyo na nananalasa sa iba’t ibang parte ng daigdig.
    
Kitang-kita na walang kalaban-laban ang tao kapag nagalit ang kalikasan. Dama ang bagsik ng kalikasan.
    
Sana maging wake-up call sa atin ang nangyari sa Mexico, Cuba, Carribean at Estados Unidos. Paghandaan natin ang mga ganitong delubyo.
    
Huwag nating kalimutan na ang Pilipinas ay nasa “ring of fire” at paboritong “sparring partner” ng mga malalakas na bagyo.
    
Huwag balewalain ng mga otoridad ang mga delubyong nangyayari sa iba’t ibang parte ng mundo.
    
Baka isang araw ay sa atin naman mangyari ang mga kalamidad na ito.
    
Huwag lang laging pangungurakot ang inaatupag natin.
    
Tama si Pangulong Duterte. Tigilan na ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno.
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09214765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan ag tirahan.)