6,206 guests

Hats off to NCRPO Director Albayalde

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 360

MADAMDAMIN ang pagdiriwang ng Father’s Day kamakalawa para sa mga sundalo’t pulis natin na nasa Marawi City at Iligan province.

Salamat sa mga istasyon ng radyo at telebisyon na nagsilbing tulay ng ilang kaanak at kaibigan para iparating ang mga liham na ipinadala ng kanilang pamilya.
    
Kahit  mga estudyante sa iba’t ibang lugar ay nagpaabot din ng sulat sa mga sundalo’t pulis na bagaman hindi nila kakilala, binigyang-pugay ang kanilang kadakilaan.
    
Malaking bagay ang mga ganitong uri ng mensahe upang itaas nang husto ang moral ng ating kapulisan at kasundaluhan.
    
Sa kasalukuyan, umabot na sa  59 ang bilang ng mga namatay mula sa tropa ng pamahalaan, samantalang sinasabing umabot naman sa  242, walo rito ay mga banyaga, ang napatay  sa panig ng mga  bandidong Muslim.
    
Apatnapu’t lima  ang napatay na sibilyan, 19 rito ay nasawi sa matinding dehydration at daang-libong bilang pa ng ating mga kababayan ang nawalan ng tahanan.
    
Mag-iisang buwan na ang martial law sa Mindanao ngayong darating na Biyernes. Bukod sa mga nabuwis na buhay, pamilyang nawalan ng tirahan, marami na ring ari-arian ang nasira na likha lamang ng mga teroristang Muslim.
    
Tulad ng Pangulong Duterte, ang buong sambayanang Filipino ay dumadalangin at umaasa na sana ay matapos na ang kaguluhang ito, hindi lamang sa Marawi, hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa -- o buong mundo na mismo.
    
‘Muli, hindi tayo magsasawang magbigay pugay sa mga dakilang sundalo at pulis, mga social worker at volunteer worker na nasa Marawi at Iligan.
    
Sa mga naulila, ramdam natin ang kanilang pait at pighati. Lalo nga’t dinakila sa mga nagdaang Father’s Day ang ama ng ating tahanan.
    
Harinawa’y malagpasan ng inyong pamilya ang mga ganitong uri ng pagsubok at pangungulila.

* * *    

Dahil pinag-usapan natin ang pangungulila, sigurado akong hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ang pamilya ng 37 katao na biktima naman sa nangyaring trahedya sa Resorts World Manila (RWM) noong nagdaang June 2.
    
Ang mabigat, hindi alam ngayon ng mga naulilang pamilya kung paano pa sila makahihingi ng hustisya, maliban na lang siguro kung papanagutin nang husto ang pamunuan at mga may-ari ng RWM.
    
Dahil sa nangyari ay maraming empleyado rin ng RWM ang nawalan ng trabaho na dapat ay bigyan din ng kagyat na tulong at solusyon ng pamahalaan.
    
Pero bago sana natin makalimutan, siguro naman ay panahon din ngayon upang bigyang pugay ang liderato nina Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO); at Southern Police District (SPD) commander Chief Supt. Tomas Apolinario.
    
Bukod sa kanila, marapat ding bigyang pugay ang pamunuan ng Pasay City Police, sa ilalim ng pamamahala ni Sr. Supt. Dionisio Bartolome.
    
Ang napag-usapan lang kasi sa mga nakalipas na pagdinig sa Kongreso ay ang kapalpakan ng security ng RWM. Maraming mambabatas ang nag-grandstanding, pero wala kahit isa sa kanila ang nagbigay pugay sa maagap na pagresponde ng ating kapulisan.
    
Totoong marami ang namatay at labis nating ikinalulungkot iyon. Pero sana, bigyang pansin din natin ang kagalingan ng ating mga alagad ng batas na wala pang 10 minuto ay nakaresponde agad sa RWM bago pa man sumiklab ang gulo.
    
Dahil din sa ating kapulisan, sa tulong din siyempre ng ilang magagaling na empleyado at security guard ng RWM, mahigit 12,000 katao ang na-evacuate papalabas ng hotel at casino.
    
Sa mga panahong ganito, hindi lamang dapat tayo puro sisihan at turuan, kundi dapat din tayong magbigay pugay sa mga taong dapat bigyan.
    
Lalo pa’t hanggang ngayon ay nakaamba ang banta ng terorismo sa Metro Manila.
    
Nitong nagdaang Huwebes, naging maayos ang idinaos na concert ng international artist na si Britney Spears sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
    
Ginanap ang nasabing concert, ilang araw bago naman ang malagim na pag-atake ng mga terorista sa concert naman ni Ariana Grande sa Manchester, England kung saan ay 22 katao ang nasawi.
    
Sino ba ang hindi makakalimot sa pagkamatay ng lima katao dahil sa drug overdose nang dumalo sa Forever Summer Dance-Party Concert sa SM Mall of Asia uli na inisponsor ng Close-Up toothpaste?
    
Bagaman hindi pa si Albayalde ang nakaupo nang maganap ito noong Mayo 22, 2016, pero pagtalaga sa kanya ay kaagad naaresto ang mga suspek na nagtulak ng droga sa nasabing concert.
    
Bago nito, marami pang malalaking event ang ginanap sa bansa, katulad ng Miss Universe 2016 Pageant noong nagdaang Enero, ASEAN Summit noong Abril, ang pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos noong November 2016; ang mga nagdaang Pista  ng Nazareno sa Quiapo, Manila at Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan, Manila.
    
At bago tayo magwakas, nagpapatuloy ang giyera kontra droga ng pamahalaan, sa pangunguna ni PNP chief Director General Ronald Bato dela Rosa, sampu ng iba pang PNP Regional Police directors. Dahil sa kanilang husay at galing, mahigit  5,000 suspected drug pushers ang napapatay sa magkakahiwalay at sunud-sunod na operasyon ng mga awtoridad.
    
Muli, hats off po sa inyo, Gen. Albayalde, Gen. Apolinario at siyempre sa ating PNP chief na si Gen. “Bato” dela Rosa.