4,944 guests

Hindi dahilan ang trapik para mahuli sa pulong

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 174

MAY sinulat ako sa aking aklat na Magkaisa Para sa Bayan, tungkol sa pagsipot sa takdang oras ng usapan o pagiging maagap sa mga pulong, na nakalulungkot sabihin, na dahil sa araw-araw na grabeng trapik na dinaranas natin ngayon ay napakahirap nang tuparin. 

Narito po ang aking sinulat na may pamagat na  “Maagap at Matapat sa mga Kausap”, ang ika-10 kabanata ng aklat. 
   
“Maraming relasyon na at pagkakataon sa negosyo ang nasira at nawala dahil sa hindi pagsipot sa takdang oras ng usapan at sa pagiging hindi matapat sa mga kausap.
   
Tayong mga Pilipino ay kilalang-kilala sa laging pagsipot nang huli sa mga usapan. Makikipagkasundo tayo sa takdang oras ng usapan, halimbawa’y alas singko ng hapon, subali’t darating tayo nang alas siete ng gabi.
   
Dahil rito, itinuturo sa atin ang tinatawag na “American Time” (eksaktong pagdating sa usapan) kumpara sa “Pilipino Time” (laging huli sa usapan). Kaya nga’t ’pag mayroong mga miting ay sinasabi nating “American Time”, upang tayo’y sumipot sa takdang oras ng usapan. Subalit sa kabila nito ay huli pa rin tayo. “Pilipino Time” pa rin ang ating sinusunod.
   
Hindi tayo nauubusan ng dahilan sa tuwing tayo’y mahuhuli sa usapan. Lahat ng dahilan ay mayroon tayo. Kesyo sumakit ang ating ulo, nasira ang ating tiyan, natrapik tayo, nasiraan ang ating sasakyan, o ano pa man. Mabuti pang sinabi nating nasiraan tayo ng bait at ito’y kapanipaniwala sapagkat ang pag-iimbento ng dahilan na hindi totoo ay kasiraan ng ulo.
   
Isa sa napakahirap gawin ay ang maghintay sa kausap. Lalo na’t dumarating ka sa takdang oras ng usapan. Nakakaihi ito, nakakapanginig ng tuhod at nakapag-iinit ng ulo.
   
Kung ang magkasintahan nga na nagmamahalan ay nagtatalo kung ang isa ay nahuhuli sa oras ng tagpuan, paano pa kaya ang mga taong hindi magkakilala at ang usapan ay tungkol sa negosyo?
   
Magtitiwala ba tayo sa taong sa ati’y gustong makipag-negosyo kung sa takdang oras pa lang ng usapan ay hindi na makatupad ito? Dahil rito ay marami ng pagkakataon sa negosyo ang nawala sa atin. Halimbawa, ang pag-aaplay ng trabaho. Dumating ka nang huli sa interbyu at tiyak na mawawala ito.
   
Ang masama ay ’yung hindi lang huli subalit hindi pa sumisipot sa usapan. Ito ang mga taong walang paggalang sa sarili. Nangangakong darating subalit alam nilang hindi nila sisiputin ang kausap. At bagama’t alam nilang mayroong naghihintay sa kanila ay hindi man lamang tatawag kung bakit sila nahuli o kung darating pa.
   
Ang taong hindi sumisipot sa takdang oras ng usapan ay mahirap pakisamahan at ang hindi sumisipot sa usapan ay hindi mapagkakatiwalaan. Nakawawala ng respeto ang taong laging huli o hindi sumisipot sa mga usapan. Sayang lang ang panahong igugugol natin sa ganitong uri ng mga tao.
   
Magbago tayo. Sumipot tayo sa takdang oras ng usapan at maging matapat  sa ating mga kausap. Huwag tayong manloko at magpaasa ng tao. Sa pagiging maagap at matapat sa mga kausap, tayo igagalang at pagkakatiwalaan ng tao.
   
Maging maagap at matapat tayo sa lahat ng mga kausap nang tayo’y igalang at pagkatiwalaan ng tao.
   
Gawin natin ito, para sa kaayusan at kaunlaran ng ating sarili at ng ating naghihirap na bayan.”

* * *
   
Gaya ng nabanggit, mahirap nang tuparin ang maging maagap sa mga usapan dahil gustuhin man natin ay mahirap nang gawin dahil sa matinding trapik.
   
Dati ang biyahe natin na inaabot lang ng 1 oras ay 3 oras na ngayon o higit pa, lalo na’t maipit ka sa napaka-trapik na daan, tulad ng EDSA. 
   
Sa pagsisimula ng iba’t ibang infrastructure project sa Metro Manila ngayong taon, lalung lalala ang trapik at inaasahang tatagal ito nang halos 3 taon, ang haba ng panahong ginugugol sa pagtapos ng malalaking proyekto, tulad ng paggawa ng anim na tulay sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.        
   
Kapag sinimulan ang paggawa ng subway na ipinangako ni Prime Minister Shinzo Abe kay Pangulong Duterte nang siya’ty bumisita sa Pangulo sa Davao, ay asahang mas titindi ang trapik sa Kalakhang Maynila. Hindi tamang umangal sa mga perwisyong dulot ng mga gagawing inprastraktura, sapagkat  kapag natapos ang mga ito ay ginhawa ang kapalit. 
   
Sa kabila ng dulot nitong malaking abala sa ating negosyo o pagpasok sa eskwela, kailangan pa ring nasa oras tayo sa ating mga gawain o pulong. 

Ang solusyon ay mas maging maagap tayo sa pagtugon sa ating mga pulong. Kung dati’y bumabangon tayo ng alassais para sa ating alasotsong pulong, ngayon ay kailangang mas maagap tayo. Alas-singko pa lang o mas maaga ay bumangon na tayo, nang hindi tayo mahuli at masira sa ating mga kausap.