5,201 guests

Hunyo bilang Pride Month, Araw ng mga Tatay

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 242

“I AM not ashamed to say that no man I ever met was my father’s equal.”

Napapanahon ang mga katagang ito ng American/Austrian actress na si Hedy Lamarr dahil ginunita natin kamakailan lang ang Father’s Day.
    
Sa madaling sabi, ayon sa katagang iyan, kailanman ay wala kang makikilalang hihigit pa o papantay man lang sa iyong ama. Tipikal sa isang ama na tahimik lang at hindi expressive sa mga anak nila. Pero kung ano ang pagkukulang nila sa salita, binabawi naman nila sa gawa.
    
Kung napanood ninyo ang commercial ng isang fastfood chain na itinaon sa Father’s Day, maaantig kayo dahil ipinakita sa commercial ang sakripisyo ng isang tatay para sa kanyang anak. Sa simpleng matiyagang paghihintay ng mga tatay sa anak sa mga lakad nito, alam kong marami ang naka-relate dito.
    
Nais kong ibahagi na isinusulong namin sa Kongreso ni Surigao del Sur Congressman Johnny Pimentel ang House Bill 3401 na naglalayong i-extend ang Paternity Leave ng mga tatay.
    
Base sa kasalukuyang batas na Republic Act 8187 o ang Paternity Leave Act of 1996, pitong (7) araw lang ang paid leave ng isang tatay kapag nagsilang ang misis niya. Hanggang apat na pagdadalang-tao ito pwedeng magamit ng isang tatay.
    
Sa pamamagitan ng HB 3401, magiging fifteen (15) days ang maaaring paternity leave ng isang tatay sa tuwing manganganak ang misis nito. Mas mahabang panahon nito na maaaring makasama at magabayan ng isang tatay ang kanyang mag-ina. Gaya ng RA 8187, hanggang sa pang-apat na panganganak ito pwede magamit at paid leave pa rin ito.
    
Lumalabas tuloy na ipinapantay natin ang pribilehiyo ng mga tatay at mga nanay sapagkat may isa ring panukalang batas na nagpapahaba naman sa maternity leave ng mga nanay.
    
At dahil Pride Month o Month of Equality and buwan ng Hunyo, magandang ibahagi ko rin ang isusulong nating House Bill 5584 o ang Anti-Violence against Women and their Children Including Members of the LGBT.
    
Ang umiiral na batas natin sa kasalukuyan ay ang Republic Act 9262 o ang VAWC. Dahil sa batas na ito, maraming kababaihan ang nabigyan ng karampatang proteksyon laban sa mapang-abuso nilang kapareha.
    
Ngunit sa lipunan natin ngayon, alam naman natin na mayroong mga nagsasama kung saan ang naabuso ay ang lalake -- na madalas ay myembro ng LGBT.
    
Dahil dito, pinag-aralan ko ang kasaysayan ng VAWC. Sinikap kong tuklasin ang legislative records para malaman ang mga kadahilanan sa likod ng bawat probisyon ng VAWC.
    
Kung maitatanong ninyo sa kaibigan ninyong abogado, nagkaroon ng kasong Garcia vs Drilon kung saan kinuwestyon ang constitutionality ng VAWC. Ayon sa mga kumikwestyon sa VAWC, hindi patas na may special law na nagbibigay lamang ng proteksyon sa kababaihan at mga bata. Pero nagdesisyon ang Korte Suprema na nararapat lamang na bigyan ng higit na proteksyon ang kababaihan at mga bata dahil sila ang mas madaling maabuso sa lipunan.
    
Lumalabas sa records na dalawang pinagsamang bill ang VAWC: Ang Anti-Domestic Violence Act na nagbibigay ng proteksyon sa lahat, mapababae man o lalake; at Ang Anti-Abuse of Women in Intimate Relationship Act na nakatutok lang sa kababaihan.
    
Nagpasya ang Senado na pagsamahin na sa isang panukalang batas ang dalawang ito. Subalit sa gitna ng kanilang debate, napagkasunduan na ang mga babae at mga anak nila lamang ang bigyan ng proteksyon. Ito na nga ang pinanggalingan ng RA 9262 o VAWC.
    
Sa HB 5584, nais kong ibalik ang orihinal na layunin ng naunang mga panukala. Dapat ay may proteksyon ang sinumang nakakaranas ng pang-aabuso sa loob ng isang relasyon. Sa aking palagay, ito ang susi para magkaroon tayo ng mas makabuluhang “equality” sa lipunan.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)