6,268 guests

Ikulong si Noynoy Aquino et al.

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 271

SA wakas, matapos ang dalawang taon at halos anim na buwan ay gumulong din ang kaso sa Office of the Ombudsman laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at mga dati nitong tauhan na naging dahilan kaya napatay nang wala sa oras ang 44 commandos ng Special Action Force (SAF) sa tinaguriang Mamasapano Massacre.

Kasama ni Aquino sa pinakakasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sina dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at sinibak na hepe ng Special Action Force (SAF) na si Getulio Napeñas na sinasabing nagsabwatan at dapat lamang kasuhan ng paglabag sa Anti-Graft Law at Usurpation of Authority.
    
May naghihintay na apat na taon hanggang 10-taong pagkabilanggo sa tatlong ito sakaling mapatunayan ang kanilang pagkakasala sa batas.
    
Sayang at ibinasura ng Ombudsman ang ‘reckless imprudence resulting in multiple homicide’ laban kina Aquino, Purisima at Napeñas, pero nasisiguro ko na sa tamang panahon ay puwede ring ikaso sa tatlo ang nasabing asunto.
    
Enero 25, 2015 nang gulantangin ang taumbayan sa balitang 44 SAF members ang nasawi sa engkuwentro sa Mamasapano.
    
Kagimbal-gimbal ang balitang ito na tumawag din ng atensiyon sa ‘foreign media’ dahil kahit 20 Moro ang napatay ng mga tauhan ni Napeñas, hindi pa rin katanggap-tanggap na 44 magigiting nating pulis ang nalagas  na dapat sanang naiwasan kung naging maayos ang pagkakatimon sa nasabing police operation -- sa tulong dapat at maayos na koordinasyon sa ating militar.
    
Ang itinuturong ugat ng palpak na Oplan Exodus na may layuning hulihin ang Malaysian terror suspect at bomb maker na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan ay walang iba kundi sina Aquino at Purisima mismo.
    
Bilang commander-in-chief, alam ni Aquino ang nasabing operasyon dahil binigyan pa siya ng ‘briefing’ ni Napeñas sa Malakanyang, bago ang operasyon.
    
Ang nakaiinis sa sitwasyong ito, si Purisima ang inatasan ni Aquino na mag-coordinate kay Napeñas, kahit na alam mismo ng ‘big brother’ ng laos nang si Kris Aquino na suspendido ang heneral dahil sa pagkakasangkot naman sa ‘gun license delivery deal.’
    
Nagmukhang tanga sa nasabing operasyon si dating DILG Sec. Mar Roxas at noo’y officer-in-charge ng PNP na si Deputy Director General Dindo Espina dahil bukod sa AFP, dalawa sila sa pangunahing na-bypass ni Aquino.
    
“There is no gain saying that President Aquino was fully aware that the Office of the Ombudsman had placed Purisima under preventive suspension at that time,” ani Morales na nagsabing ang palitan ng text message sa pagitan nina Aquino at Purisima ang makapagpapatunay na may direkta silang ugnayan para sa Oplan Exodus.
    
Kahit alam ni Aquino na suspendido si Purisima, ito pa rin ang ginamit ng dating Pangulo ng bansa upang makipag-ugnayan sa grupo ni Napeñas.
    
“Usurpation of authority is committed by any person who shall knowingly and falsely represent himself to be an officer, agent or representative of any department or agency of the Philippine government and unlawfully performing functions of that official,” sabi pa ng Ombudsman.
    
Ayon kay Morales, nilabag ni Aquino ang probisyon sa anti-graft law na nagbabawal sa isang suspendidong opisyales ng pamahalaan na gumanap ng kanyang tungkulin o makaimpluwensiya sa isang sitwasyon na may kinalaman sa kanyang trabaho.
    
Dahil sa desisyong ito ng Ombudsman, mayorya tiyak ng mamamayang Filipino ngayon ang lihim na nagbubunyi dahil sa wakas, mapapanagot din ang mga taong naging dahilan kung bakit napatay ang ating mga commando.
    
Bagaman nagluksa at nangungulila pa rin hanggang ngayon, sigurado tayong nakakita rin sa wakas ng liwanag ang pamilya ng 44 SAF members para mapanagot si Aquino na isa sa itinuturo nilang utak kaya pumalpak ang Mamasapano operation.
    
Ilang panahon na lang at makakamit din ang inaasam nilang hustisya.
    
“Dapat silang managot. Buhay pa sana ang mga asawa namin kung hindi dahil sa kanilang kapabayaan,” ani Merlyn Gamutan, biyuda ni SAF Sr. Insp. Joey Gamutan na kabilang sa Gallant 44.
    
Sa pamamagitan ni Atty. Abigail Valte, spokesperson ni Aquino, sinabi nitong pinag-aaralan na ng kanilang ‘legal team’ ang argumento sa paghiling ng ‘motion for reconsideration.’
    
“An initial reading shows that there may have been a misappreciation of some facts surrounding the incident, leading to some erroneous conclusions,” sabi pa ng ‘partner’ ni dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
    
Anumang palusot ang gawin ng kampo ni Aquino ngayon, patuloy na nakaantabay ang taumbayan para sa kahahantungan ng kaso laban sa dating Pangulo ng bansa.
    
Tunay na ngang hindi na maibabalik ang buhay ng 44 SAF members, pero ang makita lamang na nasa likod ng rehas na bakal si Aquino, kasama si Purisima at Napeñas ay sapat nang pampalubag-loob sa mga naulila ng ating mga alagad ng batas.
    
Dapat nga, hindi lamang sa pagkamatay sa 44 SAF members ipakulong si Aquino, kundi dapat din itong mabilanggo dahil naman sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang ‘unconstitutional’ ng Supreme Court.
    
Kung may dapat ding sisihin ang taumbayan kung bakit naging talamak ang sindikato ng ipinagbabawal na gamot ay walang ibang dapat kuwestiyunin dito kundi si Aquino mismo.

Hanggang ngayon kasi, nagtataka ang ‘intelligence community’ kung saan ba talaga napunta ang P2 billion intelligence fund ng nakalipas na ‘tuwid na daan’ administration.
    
Muli, kaisa ako ng sambayanang Filipino sa nananawagan na dapat sa lalong madaling panahon ay ikulong si Noynoy Aquino, et al.