7,252 guests

Interes ng gobyerno, pribadong sektor inalagaan ng BoC

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 242

KABI-KABILA ang mga problema sa aduana, pero tutok pa rin ang atensyon ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa kanilang mga trabaho.

Alam nina BoC Chief Nicanor Faeldon na hindi sila dapat magpa-apekto sa mga walang basehang mga komento.

Ang mahalaga ay magampanan nila ang kani-kanilang trabaho.
    
Noon ngang Lunes ay inanunsyo ang pagsisimula ng operasyon ng apat na “Special Inspection Teams” o SITs.
    
Ang mga grupong ito ang magpapabilis ng release ng mga kargamentong inalerto dahil sa suspetsang undervaluation.
    
Ang dalawang SITs ay mag-ooperate sa Port Of Manila (POM).
    
Dalawa ring SITs ang nakatoka sa Manila International Container Port (MICP).
    
Ayon kay Depcom Edward Dybuco at CIIS  Director Neil Estrella, binuo ang mga SITs bilang sagot sa mga reklamo ng mga stakeholder.
    
Ang reklamo ay matagal daw  bago isagawa ang aktwal na physical inspection ng mga inalertong kargamento.
    
Kapag naantala kasi ang release ng isang kargamento ay dagdag gastos at abala ito sa importador at broker.
    
Ang isang SITs ay binubuo ng mga tauhang galing sa opisina ng District Collector, CIIS, AOCG, Special Study and Projects Development Committee, Port Operations Service at Command Center o COMCEN.
    
Sa ngayon, ang COMCEN ang tanging opisinang nag-iisyu ng mga alert order.
    
Sa kargamentong naglalaman ng perishable goods, dapat ma-inspect at mailabas ang rekomendasyon 24 oras pagkalabas ng alert order.
    
Ang iba pang goods ay dapat lumabas ang report at rekomendasyon sa loob ng 24 oras.
    
Noong Lunes ay nakipagpulong din sina Estrella sa mga opisyal ng private arrastre operators sa POM at MICP.
    
Kailangan kasing maganda ang koordinasyon ng BoC at arrastre operators para maayos ang operasyon ng SITs.
    
Sa tingin ng mga waterfront stakeholder, maganda ang ginagawa ng BoC.
    
Inaalagaan ng BoC ang interest ng gobyerno at ng pribadong sektor.
    
Alam ng taga-BoC na nanggagaling sa mga importer at broker ang perang pumapasok sa kaban ng BoC.

* * *
    
Pasukan na sa mga pampublikong paaralan sa Hunyo 5. Tuwing magbubukas ang mga klase, lagi nating naririnig ang ibinibida ng gobyerno na libre ang basic education sa public schools.
    
Pero bakit daw nagbabayad ng mahigit P1,000 para sa libro ng mga batang nag-aaral sa mga day-care center?
    
Ito ay maliban pa sa buwanang ibabayad ng mga bata sa kanilang titser.
    
Bilang empleyado ng barangay council, ang isang day-care teacher ay may monthly honorarium galing sa budget ng barangay.
    
Kaya naman maraming magulang ang nalulungkot at ang iba ay nagagalit.
    
Alam naman natin na karamihan sa mga day-care center ng barangay ay mga anak ng mga mahihirap ang nag-aaral.
    
Hindi maintindihan ng mga magulang kung bakit kailangang magbayad ng ganoong kalaki ang mga bata para sa libro.
    
Sana mabasa daw ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kawawa naman ang mga batang walang maibili ng libro.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tunawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. . Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)