5,788 guests

Jose W. Diokno: Tunay na Pinuno

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 323

Pointguard

PINASINAYAAN nuong nakaraang Huwebes, Setyembre 21, ang rebulto ni Jose Wright Diokno (Pebrero 26, 1922-Pebrero 27, 1987), dakilang abogado ng bayan at tagapagtanggol ng karapatang pantao  na  nililok ni Julie Lluch.  Ipinapakita sa rebulto ang isang Pepe Diokno na akmang pasulong na nakataas sa hangin ang kanang kamao. Itinayo ito  sa harapan ng Komisyon ng Karapatang Pantao o Commission on Human Rights sa Commonwealth Ave., Lungsod Quezon. Sayang  nga lamang sapagkat imbes na ang kadakilaan ni Ka Pepe ang itampok, ang anggulo ng hidwaan ng pamahalaan at oposisyon ang pinairal ng social media.

Hindi masyadong kilala ng  Millennials si Diokno kung ikukumpara kay Ninoy Aquino. Ito ay isang bagay na dapat mabago. Mabuti na lamang at may website ang Diokno Foundation sa http://diokno.org/ na binuksan ko nuong September 21, 2017. Simple lang at mapagpakumbaba ang pagsasalarawan sa kanya: makabayan.  Matatagpuan sa website na ito  ang kanyang talambuhay. Isa rito ay pinamagatang “Defining Jose W. Diokno” na isinulat nuong March 2, 2011 ni F. Sionil Jose, Pambansang Alagad sa Panitikan at Ramon Magsaysay awardee. May isa pang pinamagatang “Jose W. Diokno: Scholar-Warrior” na isinulat nuong Pebrero 25, 2011 ni Jose Butch Dalisay Jr., nagwagi ng 16  Carlos Palanca award sa 5 kategorya.

Mapalad tayo at mayroon din mga mahahalaga at makasaysayang YouTube Videos tungkol sa mga panahon ni Diokno at kung anong klaseng buhay mayroon  nuong dekada 70 at 80. Isa sa pinakamahalagang video ay may pamagat na “Sing our Own Song” -- ang 1983 British Broadcasting Company documentary tungkol sa Diktadurang Marcos na isinasaysay ni Pepe Diokno mismo na tumatagal ng isang oras. Ipinapakilala ni Ka Pepe ang Pilipinas bilang isang bansang maganda at mayaman dahil punung-puno ang bansa ng likas-yaman ngunit karamihan ng mga Pilipino ay nananatiling mahirap at naghihikahos sa buhay. Nandito ang kanyang panawagan sa buong mundo, lalo na sa Estados Unidos, na itigil na ang pagsuporta kay Marcos sapagkat walang ginawa ito kung hindi mag-image building lang, maling-mali ang mga prioridad at paglustay ng pera ng bayan at ang pagyurak sa karapatang pantao ng mga Pilipino.

Mayroon din mga piling pananalita at pangungusap si Ka Pepe sa website. Hanga ako sa pagsusumikap ng Diokno Foundation na maiangat ang antas ng kamalayan  ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan, sa inambag ni Diokno para sa ating lahat.

Si Jose Wright Diokno ay anak ng dating Senador at Mahistrado ng Korte Suprema na si Atty. Ramon Diokno at ni Leonor Wright,  isang Amerikanang mestiza. Lolo niya si Heneral Ananias Diokno na kasama sa himagsikan laban sa mga Kastila.
    
Valedictorian sa De La Salle High School at nagtapos ng komersyo sa naturang paaralan sa murang gulang na 17 uwi ang karangalang akademiko na  summa cum laude. Number 1 sa Board exam para maging Certified Public Accountant. Lumipat sa UST upang ipagpatuloy ang pagaaral ng abogasya. Inabutan siya ng World War 2 kaya’t ipinabasa ng kanyang ama ang mga piling aklat sa batas. Pagkaraan ng giyera, kahit hindi nagtapos ng abogasya sa isang unibersidad, pinahintulutan siya ng Korte Suprema na kumuha ng Bar exam nuong 1944. Sa kauna-unahang pagkakataon, dalawa ang nagtamo ng pinakamataas na marka sa Bar exam: si Diokno at si Jovito Salonga na parehong nakakuha ng 95.3%. Grabe ang talino ni Diokno, number 1 sa CPA at Bar exam.  
    
Bagama’t miyembro ng partido  Nacionalista, hinirang si Diokno ni Pangulong Diosdado Macapagal, isang Liberal, nuong 1961 bilang Kalihim ng Katarungan. Ito ay pagtupad sa kondisyon ni Manila Mayor Arsenio Lacson, isa rin Nacionalista at malapit kay Diokno, na magsisilbi siyang campaign manager ni Macapagal laban kay Pangulong Carlos P. Garcia at kapag nanalo si Macapagal, hihiranging Kalihim ng Katarungan si Diokno.
    
Bilang Kalihim ng Katarungan, siya ang umusig sa Amerikanong negosyante na si Harry Stonehill na hinihinalang hindi nagbabayad ng tamang buwis at nanunuhol ng mga opisyal ng pamahalaan at iba pang mga krimen. Ang pagdakip kay Stonehill ay nagtapos sa pagpapatapon sa Amerikano sa ating bansa. Malaking iskandalo ito ng korapsyon at pagkagahaman sa kapangyarihan. Malaking kahihiyan ito kay Macapagal. Dahil dito, ilan sa mga Gabinete ni  Macapagal ay pinaalis, kabilang na si Diokno na naglakas loob na hulihin si Stonehill.
    
Mula 1963-1972, si Ka Pepe Diokno ay naglingkod ng dalawang termino  bilang Senador ng Pilipinas. Maraming batas na may kinalaman sa ekonomiya ang kanyang ipinanukala na naging batas tulad ng Oil Industry Commission Act, Investment Incentives Act, Export Incentives Act at Revised Election Law.  Malayung-malayo ang kalibre ni Diokno sa karamihan ng mga kasalukuyang senador ng bansa, hindi po ba?
    
Nang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law nuong September 21, 1972, isa si Sen Jose W. Diokno sa mga dinakip at ikinulong nang halos 2 taon ng walang isinasampang kaso laban sa kanya. Sa loob ng panahong ito, dinala si Diokno at si Ninoy Aquino sa Laur, Nueva Ecija. Ang laking hirap at dusa ang dinanas ng pamilya Diokno at Aquino para lang madalaw ang dalawa. Sa ika-57th birthday ni Marcos nuong Sept 11, 1974 basta na lang pinalaya si Diokno. Walang paliwanag na ibinibigay kung bakit siya ibinilanggo.       
    
Tinanong ni Diokno ang sarili na kung nagawa ito ng estado sa isang katulad niyang senador, paano pa kaya ang mga ordinaryong mamamayan na walang lakas upang lumaban sa kapangyarihan ng pamahalaan? Kaya naman paglaya niya, kanyang itinatag ang Free Legal Assistance Group o FLAG  para ipagtanggol ang political detainees. Hindi nagtagal at pinalawak pa niya ang serbisyo ng FLAG upang ipagtanggol din ang  peasant farmers, laborers, at mga indigenous people. Ang kanyang tahanan sa New Manila ang nagsilbing opisina ng FLAG na naging abogado ng mga kinawawa at nilapastangan ang kanilang karapatang pantao. Bagama’t wala siyang ambisyon mag-Presidente, si Ka Pepe ay itinuturing na isang haligi ng oposisyon laban kay Marcos.
    
Pagkaraan na mapatalsik si Marcos ng People Power sa EDSA 1, hinirang ni Pangulong Cory Aquino si Ka Pepe bilang kauna-unahang Chairman ng Presidential Committee on Human Rights at Chairman ng government panel sa pakikipag-usap sa mga rebeldeng puwersa. Nakalulungkot nga lamang at siningil na ng sigarilyo ang kanyang katawan. Nagkaroon ng terminal lung cancer si Ka Pepe at binawian ng buhay nuong Pebrero 27, 1987, isang araw pagkaraan ng kanyang ika-65 birthday. Isang buwan bago siya namatay, nalaman niya ang nangyari sa Mendiola massacre kung saan 15 na magsasaka na nagmartsa sa Mendiola upang makausap si Cory Aquino tungkol sa usaping agraryo, ang walang awang pinagbabaril ng mga puwersa ng pamahalaan. Maluha-luha si Ka Pepe sa balitang kanyang natanggap at ito ang dahilan kung bakit siya nagbitiw sa mga puwesto sa pamahalaan ni Cory Aquino. Hindi siya “Yes, Mam.” Hindi siya yellowtard na pantukoy na madalas gamitin ng  Dutertards.
    
Tama si F. Sionil Jose na ang totoong pinuno ng bansa ay hindi palaging hinalal ng tao o popular sa tao. Hindi nila kailangang magpapogi upang tumanggap ng palakpak at paghanga ng tao, bagkus sila iyong umiiwas sa atensyon ng media at pulpito ng mga mala-relihiyosong nagmamagaling. Likas nilang ugali ang tahimik na gumalaw at kumilos nang walang humpay, kadalasan sarili ang gastos at ’di inaalintana ang maghirap at tuluyang maging dukha. Kanilang ipinapahayag  ang mga lunggati ng mga pinatahimik at mga tahimik, at nagsisilbi silang maikli at mahalagang konsensya ng balana na madalas ay mangmang at manhid at walang pakialam sa nangyayari sa bayan. Maliwanag sa akin na  isa sa mga tunay na pinuno ng bansa si Jose W. Diokno. Hindi hinangad ni Ka Pepe ang palakpak ng tao o ang kanilang boto para isulong ang anumang ambisyong pulitikal. Isa siyang simple at makabayang abogado na hindi naghangad ng yaman. Habol lamang niya na pairalin ang hustisya at ipaglaban ito upang makalaya sa kahirapan ang mga Pilipino at ma
buo ang isang bansa para sa ating mga anak. Isang bansa na iginagalang ang karapatan ng ating mga anak na kantahin ang kanilang sariling awit.