5,222 guests

‘Kimber darling’ panakot ang ‘Davao Group’

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 269

ANO kaya ang gagawin ni “Kimber darling,” ngayong balitang nagbitiw na ang opisyal na sobra niyang pinangangalandakan?

Sa tindi ng impluwensiya ng opisyal na nakapatong kay “Kimber darling” halos karamihan ng ibang opisyal sa aduana ay kayang-kayang takutin ni “Kimber darling.”
    
Bukod kasi sa kaladkad nito ang pangalan ng opisyal, panakot din nito ang “Davao Group.” Nang minsan ngang ipatawag ang broker ni “K” ng isang unit ng pulis ay tinakot pa ng tao ni “Kimber darling” na ipatatapon daw sila sa kangkungan dahil may basbas daw sila ng Davao Group.
    
Tama din ang sinabi ni Mark Taguba sa hearing  sa Kongreso na mas mababa pa ang binabayarang buwis ni “Kimber darling”sa kanya, dahil P18k lang sa 20 foooter van at P37k naman sa 40 footer ang binabayarang buwis.
    
Ang kapal ng mukha ng babaing ito. Pulos pandaraya sa gobyerno ang ginagawa.
    
Kaya kung seryoso ang mga mambabatas, dapat ipakulong nila si “Kimber darling” upang huwag ng pamarisan ng iba.
    
Malaking sampal sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa korapsyon ang mga katarantaduhan ni “Kimber darling” diyan sa aduana.
    
Dapat imbestigahan rin ng Bureau of Internal Revenue ang babaing ito. Katulad ni “Kimber darling,”mahabang panahon na rin niloloko ng kliyente niyang si Alfred at Kensin ang gobyerno sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
    
Bukod sa pandaraya sa buwis, ang magkapatid na ito ay inirereklamo rin ng kanyang mga tauhan dahil sa hindi tamang pagpapasahod.
    
Below minimum wage daw ang tinatanggap na sweldo ng kanyang mga empleyado sa mahigit walong oras na pagtatrabaho.
    
Paging Secretary Bello, Sir, mainam po siguro na busisiin din ninyo ito.
    
Ang kanilang showroom ay diyan lang sa tapat ng isang mall sa Sta. Mesa.

* * *
    
Mabuti naman at pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang libreng tuition sa state universities and colleges (SUCs).
    
Kahit hindi pabor ang kanyang mga economic manager sa programa ay pinirmahan pa rin ni Duterte ang bill na nagtatakda ng free tuition sa SUCs.
    
Isa kasi ito sa mga ipinangako ng Presidente noong panahon ng kampanya noong 2016.
    
Pero kahit pirmado na ang batas ay marami pa rin ang hindi mapakali.
    
Maglalabas pa kasi ang gobyerno ng tinatawag na implementing rules and regulations (IRRs).
    
Sa totoo lang, sa IRRs nagkakatalo.
    
Dito malalaman kung sinu-sino ang puwedeng makapag-avail ng benepisyong bigay ng batas.
    
Alam naman natin na hindi basta nakakapasok sa mga SUC, lalo na sa University of the Philippines (UP).
    
Piling-pili ang mga estudyanteng nakakapasok dito.
    
Kaya nga umaasa ang mga estudyante at magulang na sana maging makatwiran ang mga bumabalangkas ng IRRs.

* * *
    
Para mapabilis ang decongestion ng Metro Manila at iba pang highly-urbanized areas, dapat pare-pareho na ang suweldo sa buong bansa.
    
Sa totoo lang, kaya nagsisiksikan sa Metro Manila ay dahil mas mataas ang suweldo sa lugar.
    
Siyempre lahat ng manggagawa ay gustong magtrabaho sa pangunahing rehiyon sa bansa.
    
Sana umaksiyon ang Kongreso para wakasan na ang pagkaiba-iba ng suweldo ng mga manggagawa sa bansa.
    
Buwagin na ang mga regional wage board na madalas ay binabatikos ng mga manggagawa dahil sa kakarampot na dagdag sahod na ibinibigay sa mga manggagawa.
    
At dapat Kongreso na ang magtakda ng daily minimum wage sa buong bansa.
    
Ang problema lang dito, marami sa mga mambabatas ay mga nagmamay-ari ng mga kompanya.
    
Ganun pa man mas maige na rin kung mga mambabatas ang magtakda ng suweldo ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.Takot din sila sa taumbayan pagdating ng halalan.
    
At least kailangan nilang magpapogi tuwing eleksyon.
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. . Ilagay lang buong pangalan at tirahan.)