4,890 guests

Krisis-trapik, isa nang national calamity?

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 59

Ayaw ko na sanang talakayin ang usapin ng krisis sa trapik ngunit para itong kalawang na patuloy na sumisira sa buhay ng mga Pilipino sa araw-araw.

Naisulat ko na ito nang ilang ulit ngunit tila kailangan pang ulitin muli upang ang mga may tengang –kawali ay magising, ‘ika nga.
    
May isang kaibigan akong isang dayuhan na may asawang Pilipina na umuwi na sa kanilang bansa dahil apektado na ang hanapbuhay nila ng malubhang trapik. May dalawang dekada rin silang nanirahan sa ating bansa.
    
May kakilala akong ilang kawani at mga opisyal ng pamahalaan na halos magbitiw na sa trabaho dahil nakararamdam na sila nang panghihina ng katawan sa pagsabak sa matinding trapik sa araw-araw.
    
May mga estudyante namang halos ayaw nang pumasok sa iskwela dahil kailangan nilang gumising nang napaka-aga para hindi sila mahuli sa klase. Ganito rin ang mga sinasabi ng mga kawani sa pribado at pampublikong opisina.  Sobrang aga ng gising pero halos hatinggabi na ang pagtulog dahil gabi na sila nakauuwi.
    
Tila wala nang solusyon ang krisis-trapik at hindi naman ito napagtutunan ng ating pamahalaan.
    
Ang ibig kong sabihin sa pamahalaan ay ang buong pamahalaan ang kailangang lumutas ng pesteng trapik.
    
Kahit na napakasipag ng opisyal at kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kung walang tulong ng lahat ng sangay ng pamahalaan, lokal at pambansa, sa tingin ko’y wala ring mangyayari.
    
Bakit kailangang kumilos ang buong pamahalaan? Apektado nga ang buong buhay natin mula sa mga opisyal ng pamahalaan, mga kawani, manggagawa,  hanggang sa mga estudyante. Kaya lahat ay dapat nang kumilos.
    
Para na itong isang national calamity.

Maraming naaaksayang oras, kalusugan,  salapi, enerhiya, atbp.

Ngunit kailan kaya kikilos ang buong pamahalaan bilang isang puwersa?

Hindi lang sa Metro Manila may krisis-trapik kundi maging sa mga lalawigan.
    
Marami nang kuwento at karanasan sa mga trapik sa mga lalawigan lalo na ‘yung malalapit sa Kamaynilaan lang. Naranasan ko na ring matrapik sa isang lugar sa Mindanao. Marami na ring trapik sa maraming bahagi ng Kabisayaan.
    
“Halimaw” na nga ang tawag ng maraming Pilipino sa krisis-trapik.

Hindi kailangan ng mga Pinoy ang mga talumpati. Hindi ito makalulutas ng halimaw na trapik.
    
Kailangan ang isang mabuting plano at sabay-sabay na pagkilos ng buong puwersa ng pamahalaan kasama ang mamamayan.
    
Kung hindi ito mangyayari, mananatili sa ating lipunan ang halimaw na trapik hanggang sa maparalisa na ang buong bansa. Papayagan ba natin ito?

Walang imposible sa ating bayan kung tapat at determinado ang lahat na malutas ang isang problemang tulad ng halimaw na trapik.
     
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )