5,189 guests

Lumipat na sa Clark ang DOTr

  • Written by Alla Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 504

Hala bira!

NAPUNTAHAN natin ang bagong opisina ng Department of Transportation sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

Hindi ko akalain na ganoon kaganda ang kalalabasan ng dating abandonadong gusali matapos ang pagpapagawa ni DOTr Secretary Art Tugade.

Malaking compound, pleasant ang paligid ng loob at labas at maayos ang pagkakasalansan ng detalye. Maluwag ang parking at malalaki ang bawat division ng opisina. May kanya-kanya ring opisina ang bawat section na nasa iisang compound.

Malayung-malayo sa kanilang Ortigas office na walang parking at ang elevator, parang Edsa sa trapik!

Noong una pa lang ma-appoint si Tugade, nakakuwentuhan ko na siya. Iyong mga vision na sinasabi niya sa akin, akala ko noon usapang lasing lang. Ang mga plano niya sa mass transportation tulad ng subway, ang pagbubukas ng common station at MRT 7 na pinatulog ng Aquino administration ay palagi niyang nababanggit sa atin.

Pati ang train to Caloocan to Malolos to Clark to Subic ay nag-ground-breaking na. Ang bridgeway to The Fort hanggang sa “The Ortigas” ay malapit na ring masimulan.
    
Maging ang paglipat ng DOTr office sa Clark ay nabanggit na rin niya sa atin.
    
Ipinaglihi talaga sa political will si Tugade, manang-mana sa kanyang kaklase na si Pangulong Duterte.
    
Hindi ko inakalang sa loob ng isang taon ay mangyayari ang plano ni Tugade. Iyon lamang paglipat ng tanggapan ng DOTr sa Clark ay napakalaking puntos na. Marami na akong politiko na narinig na ganito ang plano kahit noon pang panahon ng martilyong bato subalit lahat ay bunga lang ng sanga-sangang dila.
    
Hindi naman natin inaasahang ganoon kadaling matatanggap ng mga empleyado ang ginawa ni Tugade pero kung iisipin nating mabuti, para ito sa kapakinabangan ng nakararami, lalo na sa decongestion ng Metro Manila.
    
Pero hindi naman parang mga basang sisiw na inalis na lang sa Ortigas ang DOTr employees. May libreng shuttle service silang hatid-sundo sa mga designation point na accessible sa kanila. Isang oras lang naman ang biyahe mula Trinoma hanggang Clark.
    
Ang schedule nila ay 4-day work week lang kaya may tatlong araw silang day-off mula Friday hanggang Sunday para sa family quality time.
    
At ang kanilang pagkain ay inayos na rin ni Secretary. Sa halagang P50 ay full meal na sila with panghimagas pa.
    
Ibig sabihin, ang gastos na lamang ng DOTr employees ay ang kanilang pamasahe papunta sa shuttle services kaya ang mas positibo rito ay mas maraming matitira sa kanilang monthly salary.
    
Maaaring sa umpisa ay hindi ito agad matatanggap ng ibang empleyado, pero kung lalaliman lamang nila ang pagtingin at isasapuso ang pagiging makabayan, makikita nilang mabuti para sa lahat ang kanilang sakripisyo.
    
Ang balita natin, marami pang ahensiya ng gobyerno ang lilipat na rin sa Clark bilang long term plan sa pagsasaayos ng NCR at ng government center sa Pampanga.
    
Ang BCDA ni alyas pogi Vince Dizon (President/CEO) ay nakalinya na ring lumipat mula sa The Fort kaya magkakaroon na agad ng kapitbahay ang DOTr.
    
Kailangan nating lahat magtiis kung gusto nating makakakita ng urban renewal at rural empowerment. Kalimutan na natin ang Imperial Manila kung gusto nating magkaroon ng maayos na sistema ng pamamahala.
    
Samantalahin nating lahat ang balon ng political will ng Duterte administration dahil hindi natin alam kung ganito pa rin kaagresibong ayusin ang bayan ng susunod na administrasyon.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.