6,159 guests

‘Mag-donate na nga lang naman kayo ng dugo’

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 417

“Sa halip na paduguin ang katawan ngayong Mahal na Araw sa tinatawag na penitensya, pumunta na lang sa pinakamalapit na Red Cross clinic at mag-alay, mag-donate ng dugo para magamit nga naman ng mga kababayang nangangailangan ng blood transfusion.”

‘Yan ang sabi ngayon ni Bishop Soc Villegas ng Lingayen Pangasinan at Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ngayong Mahal na Araw.
    
Tama si Bishop Villegas. Mahalagang sakripisyo rin ang pagbibigay ng dugo para sa mga kababayang nangangailangan  nito. Maaaring makapagligtas ito ng buhay.
      
May ilang napabalita noon na dahil sa paglatigo ng matatalim na bagay sa likuran ng isang nagpipinitensya, nagkaroon ito ng impeksyon at namatay.
    
“Buwis-buhay” ang penitensya at hindi nagiging pagpapanibagong buhay kung ganito ang mangyayari.
    
Mayroon pa ngang nagpapako ng mga palad sa isang krus at ginagaya ang nangyari kay Kristo. Sanay na raw sila sa sakit. Nagpapagawa  pa nga ‘umano ang mga ito ng mga stainless na pako upang makaiwas sa impeksyon.
    
Ngunit ang pagsisisi at pagbabago, ay nasa pang-araw-araw na gawaing mabuti sa kapwa tao, komunidad, Inang Kalikasan at sa mismong pamilya.
    
Halimbawa, sabi ng Ecowaste Coalition, huwag gumamit ng single use plastic bag sa mga pupuntahang bakasyunan na beach o anumang resort, huwag itapon ang mga ito sa daan, simbahan, at karagatan.
    
Magdala ng mga  basket, bayong, eco-bags, kung magbabakasyon sa mga lalawigan at maliligo sa mga karagatan. Yan naman ang sabi ng Bangon Kalikasan Movement.
    
Huwag daw gumamit ng mga plastic cups sa mga “Caridad” o  sa mga pabasa na paglalagyan ng pagkakain ng mga nagbabasa ng pasyon. Itabi ang mga natirang pagkain sa mga reusable na lalagayan o ‘yung magagamit muli, dagdag ng EcoWaste Coalition.
    
Dagdag pa ng grupo, huwag magkakalat ng basura sa mga daraanang lugar lalo na ang mga sasali sa Alay-Lakad patungong Antipolo. Huwag ding magsusunog ng basura. Iuwi ang mga basura sa bahay at pagbubukud-bukurin, iresiklo, at ikompost. Ito ang maka-kalikasang pamamahala ng mga tira-tirang bagay na nagiging basura.
    
Kung magsasagawa ng “visita iglesia,” kung kaya pa ng katawan, magbisikleta o maglakad na lang o kaya’y sumakay na lang ng pampublikong sasakyan upang mabawasan ang carbon sa atmospera na lalong nagpapainit ng mundo at nagdudulot ng pabago-bagong klima, dagdag ng EcoWaste Coalition.
   
Pahayag naman ng Bangon Kalikasan Movement, higit na mainam kung mananatili na lamang sa bahay at maglinis ng bahay upang makatipid sa gastusin at upang hindi na rin sumabay pa sa trapik papunta at pauwi mula sa mga beach resorts. Tipid na,  malaking bawas pa sa polusyon sa hangin at tubig!
    
Magbasa na lamang ng mga aklat sa loob ng bahay na may kinalaman sa kani-kaniyang relihiyon, manood ng mga pelikulang makatutulong sa pag-unawa ng dinaranas ngayong global warming at climate change ng ating Inang Kalikasan pang maging maalam ang bawat isa sa mga dapat gawin sa mga lugar ng trabaho, paaralan, at sa mismong komunidad.
    
At magsagawa ng pampamilyang edukasyon kasama ang mga mahal sa buhay hinggil sa lumalalang pagkasira ng ating Inang Kalikasan at kung paano magkakatulong na iligtas ito sa tuluyang pagkawasak. May magagawa tayo kung may tunay na pagmamahal sa nilikha ng Maylikha ng lahat.                    (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.