5,238 guests

Mahirap na trabaho pero hindi imposibleng misyon ng BoC

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 196

BUNGA -- ng mga pagbabago at repormang ipinapatupad ng Bureau of Customs o BoC, umabot ng P397 bilyon ang koleksyon ng ahensya noong nakaraang taon.

Ito ay lampas ng P30 bilyon o 8.17 percent kumpara sa koleksyon noong 2015 na umabot lang ng P367 bilyon.
   
Kahit na hindi inabot ang target collection na P409 bilyon, maituturing pa ring maganda ang “collection performance” ng ahensya.
   
Sa totoo lang, mataas ang itinatakdang collection targets para sa mga income generating agency ng gobyerno.
   
Isa pa, wala sa kamay ng mga taga-BoC ang laki ng makukolekta nilang buwis at taripa.
   
Nasa volume at klase ng importasyon nakasalalay ang laki ng koleksyon.
   
Kung kaunti ang importasyon, natural na maliit rin ang ibabayad na buwis ng mga importer at broker.
   
Batay sa mga inisyal na report, walong ports ang lumampas sa kanilang 2016 targets.
   
Ito ay ang Port of Cebu, Port of Batangas, Port of Davao, Port of Legazpi, Port of Iloilo, Port of Tacloban, Port of Surigao at Port of Clark.
   
Ang buwis  na nakolekta naman ng Office of The Commissioner (OCOM) mula sa importasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay umabot ng P7.52 bilyon. Ito ay mas malaki sa target nitong P6.5 bilyon.
   
Ang Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP) ay nagrehistro rin ng “improvement in collections.”
   
Umabot ang koleksyon ng POM ng P60.71 bilyon, samantalang P120.62 bilyon naman ang sa MICP. Sa taong ito ay inaasahang lalong paiigtingin ni BoC Chief Nicanor Faeldon ang tax collection campaign ng ahensya.
   
Sa tulong ng kanyang mga opisyal at tauhan, pipilitin nilang higitan pa ang kanilang accomplishment noong 2016. Huwag natin kalimutan na noon lang tanghaling tapat ng Hunyo 30, 2016 nagsimulang manungkulan ang Administrasyong Duterte.
   
Pag-upo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ipinangako niyang sisibakin sa aduana ang mga bugok na itlog, lalo na ang mga ismagler at ang kanilang mga protektor.
   
Sa pamamagitan ni Commissioner Faeldon, na isang dating rebeldeng sundalo, ipagpapatuloy ng administrasyon ang ginagawang paglilinis sa aduana.
   
Mahirap na trabaho, pero hindi naman ito imposibleng misyon.
   
Tama ba, Commissioner Faeldon at Finance Sec. Carlos Dominguez?

* * *
   
Mabuti naman at inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang P1,000 dagdag sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng SSS.
   
Malaking tulong ito sa mga mahihirap nating kababayan. Ang masakit lang, tinaasan naman ang SSS contribution ng mga miyembro.
   
Siguradong aangal ang mga miyembro dahil mababawasan ang kanilang iuuwing pera.
   
Napakaliit na nga ang kita ng mga ordinaryong manggagawa, mababawasan pa ngayon dahil tataas nga ang SSS contribution.   
   
Ang masakit pa, mas malaki pa ang tinatanggap ng mga pamilyang kasapi ng 4Ps kaysa pensyon ng maraming miyembro ng SSS.
   
Ang mga kasapi ng 4Ps ay wala naman daw kontribusyon kagaya ng mga miyembro ng SSS.
   
Bakit hindi na lang daw magbigay ang gobyerno ng subsidy sa SSS.
   
Karamihan naman sa mga miyembro ng SSS ay mga karaniwang manggagawa.
   
Kaysa mapunta sa bulsa ng mga magnanakaw ang pera ni Juan dela Cruz ay itulong na lang ito sa mga retiradong miyembro ng SSS.

* * *
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)