8,092 guests

Malalaking tipak ng bato mula Rizal

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 256

Bangon kalikasan

Alam na ng marami ang walang tigil na pagku-quarry sa Rodriguez (datingMontalban), Rizal. Maraming taon na ang nakaraan noon  nang kaming magkakasama sa aming pangkalikasang organisasyon ay muntik pa ngang mabagsakan ng gumugulong na malalaking tipak na bato sa lugar malapit sa binabasag na bundok  malapit sa Wawa Dam. Quarrying ang tawag sa matagal nang pagbabasag, pagsisira ng bundok ng Inang Kalikasan.

Nang nakaraang taon lang ay naanyayahan akong magsalita sa isang barangay sa may Rodriguez, Rizal, tungkol sa maka-kalikasang pamamahala ng mga tira-tirang bagay na nabubulok at hindi nabubulok, mula sa kabahayan, halamanan at bukirin. Nalungkot ako nang makita ko ang nakahilerang  sampung malalaking trak na naghihintay ng mga ikakargang malalaking bato mula sa quarrying sa bayang ito. Sa lugar na ito muntik kaming madaganan ng malaking tipak ng bato noon.

Umabot ng tatlong oras ang lecture ko. Pag-uwi ay dumaan muli ako sa may quarrying site. Marami pa ring trak ang nakapila. Nag-aabang ng binasag na mga bato ng bundok.

Naisip kong hindi naman parang halaman na tumutubo muli ang bundok na binabasag. Ngunit kapansin-pansin na halos wala na ang bundok. Pumapatag sa pagdaan ng maraming taon ng quarrying.
   
Nitong nakaraang linggo lang ay may nakausap akong isang residente ng Binangonan, Rizal at sinabi niyang patuloy ang quarrying sa buong Rizal. Lagi na raw binabaha ang mga bayan sa lalawigang ito. Ayaw niyang ipabanggit ang pangalan niya para sa proteksyon ng kanyang pamilya.
   
Sabi ko sa kanya ay hindi na bago ang kuwentong ito.
   
Ilang ulit ko nang sinabi sa mga magsasaka ng Rizal kahit sa Bulacan at alam din naman ng marami sa kanila na ang kabundukan ay nagsisilbing kalasag sa dumadaang malalakas na hampas ng hangin ng bagyo upang ikanlong ang mga tao sa maraming bayan at lalawigan.
   
Sabi nga noon ni Tata Guying ng Bulacan. Napakaganda ng aming bukirin ngunit malaki ang pangamba namin na mangyayari sa amin ang nangyari na sa ilang bayan na pagbaha dahil sa walang habas na quarrying.
   
Totoong napakaganda ng bukiring sinasaka ni Ka Guying kahangga o katabi ang ilan pang lupang sakahan sa isang bayan sa Bulacan. Makulimlim ang langit noon, malakas sa ambon ang patak ng ulan at napilitan kaming magpayong habang naglilipat ng mga punla patungo sa taniman. Ang sarap ng pakiramdam ko noon. Sariwang hangin at mabangong amoy ng bukid na hindi ginamitan ng anumang kemikal. Nagtuturo kami noon ng organikong pagsasaka.
   
Hindi lang Rizal at Bulacan ang nakararanas ng walang habas na quarrying. Ang lalawigan ng Rizal ay katabi lamang ng kamaynilaan.
   
Nang nagdelubyo ang bagyong Ondoy ay namatay ang itinuturing naming pangatlong ina (isang tiyahin). Nakita ko sa kalsada ng Cainta, Antipolo, Taytay, Angono  at iba pang bayan ang halos mapulang lupa na galing sa bundok. Bundok na kinalbo at binasag ang kabundukan. Sa bahay ng aming pangatlong ina, nakakalat ang lupang ito sa kanyang salas , kusina, at kuwarto na lumubog sa baha.
   
Marami nang delubyong sumunod kay Ondoy at ang pinakahuli ay ang bagyong Nina na marami na namang kinitil na buhay at sinirang ari-arian ng mahihirap na Pilipino.
   
Patuloy ang pag-init ng mundo (global warming) at pabago-bagong klima. Lumalala ang masamang epektong dulot ng pagsira at paglapastangan sa Inang Kalikasan.
   
Dapat nang ipatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang quarrying lalo na sa lalawigan ng Rizal at Bulacan. Ang alam ko, ayaw ng kasalukuyang DENR acting Secretary na magdusa ang mga tao. O ang madalas niyang gamiting salita ay “suffering.” Patuloy pa rin po ang suffering ng mga Pilipino. Baka gusto n’yong kumilos na agad upang matigil na ang pagdurusa ng mahihirap na Pilipino sa mga lugar na ito. (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)