5,642 guests

Mamamayan at mambabatas hati sa Train bill

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 110

On the beat

HINDI lang pala mamamayan kundi maging ang mga mambabatas ay hati ang pananaw sa isinusulong na Tax Reform for Acceleration and Inclusion bill o Train bill na inaasahang mag-aakyat ng P120 bilyong pondo sa pamahalaan.

Sa oras kasing maipasa ang naturang panukalang batas, inaasahan na ang pagtaas ng halaga ng krudo at gasolina na aabot sa P6  kada litro sa loob ng tatlong taon pati na LPG, aviation fuel, iba pang uri ng langis,  mga matatamis na inumin at iba pa na hindi lang mga mayayaman ang nangangailangan kundi maging ang mga maralita.

Sa isang banda, matutugunan naman ng Train bill, hindi lang ang mga isinusulong na proyektong pang-imprastraktura ng Duterte administration kundi magiging daan din ito upang mapagkalooban ng income tax exemption ang mga manggagawang kumikita lamang ng P250,000 pababa kada taon.

Bukod dito, maglalaan din ang pamahalaan ng P48 bilyong subsidy o ayuda sa mga indibiduwal at grupo na direktang maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo tulad ng mga tsuper na may lehitimong prangkisa at social benefit card para naman sa grupo ng mga maralita sa buong bansa.

Dito nagkakaroon ng agam-agam ang mga direktang maaapektuhan ng panukalang batas lalo na’t ang inilalaang ayuda ng pamahalaan ay para lamang sa tatlong taon dahil ang inaasahang pagtataas ng mga produktong petrolyo at iba pa ay uutay-utayin sa loob ng tatlong taon.
    
Sa panayam ng On the Beat sa mga tsuper at sidewalk vendor sa area ng Caloocan at Malabon, karamihan sa kanila ay nangangamba sa magiging epekto, hindi lang sa kanilang hanapbuhay kundi sa kanilang pamilya ng Train bill.
    
Sa tingin kasi nila, ang mga katulad nilang kabilang sa hindi ma-alwan ang buhay ang maaapektuhan sa oras na naipasa ang Train bill dahil hindi naman daw sila sigurado na mapapabilang sila sa mapagkakalooban ng  benefit card o fuel voucher. Kung may mga makikinabang anila sa benefit cards at fuel voucher na kukunin sa P48 bilyong ayuda ng pambansang pamahalaan, baka mas marami ang hindi mapagkakalooban ng ganitong biyaya.
    
May ilan namang sang-ayon sa pagpapasa ng Train bill lalo na’t ikinumpara nila ito sa mapait na gamot na kinakailangang lunukin kapalit ng pagiging maayos na kalusugan. Kung hindi anila masisimulan ang mga proyektong magpapaunlad sa bansa, kailan pa ito masisimulan?
    
Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang wala nang makakapigil sa pagpapasa ng Train bill kahit pa nga harangin ito ng grupo ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na simula’t sapul ay tutol dito sa paniwalang ang mahihirap ang direktang maaapektuhan.
    
Mas nais nilang paigtingin na lang ng pamahalaan ang pagsugpo sa katiwalian at pagpapabuti sa  tax collection na sa kanilang paniwala ay sapat para raw tustusan ang mga proyektong pang-imprastraktura.

SUMMER YOUTH PROGRAM
    
Hindi naging kabagut-bagot ang bakasyon ng mga estudyante sa Navotas City dahil sa isinulong na Summer Youth Program ni Mayor John Rey Tiangco na ginaganap sa Navotas Sports Complex simula pa noong May 15 na tatagal hanggang Hunyo 2.
    
Nakapaloob sa naturang programa ng alkalde ang libreng pagsasanay sa taekwondo, judo, pencak silat, theater acting, fine arts at pagtugtog ng gitara.
    
Aabot sa 70 mga bata na nasa edad na anim hanggang 18-taon ang nagsasanay ngayon sa taekwondo sa ilalim ng pamamahala nina Coach Emmar Progelia, PO1 April Lynn Nevarez, Evan-Dale Progelia, Rogelio Fernandez at Ian Progelia.
    
Ipinagmalaki naman ni Mayor Tiangco na kabilang si Denielle Patrice Mamis na produkto ng lungsod ang napabilang sa kinatawan ng bansa sa Asean Taekwondo Cadet Championship na gaganapin sa Vietnam. Layunin ng alkalde na tumutok sa larangan ng palakasan ang mga kabataan sa lungsod sa halip na mahumaling sa computer games o malulong sa masamang bisyo.

TEXT NG READERS
    
Sumbong ng isang texter  na ang huling number ng cellphone ay 2319 ang patuloy raw na pamamayagpag ng isang alyas Tessie na tinaguriang “Perya Queen” ng Batangas. Isang alyas Boknoy daw ang ginagamit ni Tessie bilang front ng kanyang pergalan na siyang umiikot sa mga opisyal na pasok sa tong-pats kaya sa halip na matigil ang iligal na operasyon ay kumalat pa sa  iba’t ibang barangay sa Bauan, San Pascual, Batangas City, Cuenca, Alitagtag, Sta. Teresita, San Luis, Padre Garcia, Rosario, San Juan at Lemery.
    
Ganito rin daw ang raket nina Boy Aclang at Joy Mira sa lalawigan ng Laguna dahil mismong sa San Pedro, Sta. Rosa, Sta. Cruz at Cabuyao ay nagkalat ngayon ang mga pergalan na kinahuhumalingan ng mga kabataang estudyante na naka-bakasyon sa eskuwela.
    
Sakla naman ang inireklamo ng mga taga-barangay Libutad at Manibaug, Porac, Pampanga na kahit daw wala namang patay ay magdamagang isinasagawa na pinangangasiwaan nina Manang Lani, Paete at Kerwin. Pati nga raw pang-matrikula ay naitataya ng mga kabataan habang ang mga kalalakihan na sangkot daw sa iligal na paihi ng krudo at buriki ng bigas ay natuto na ring mag-shabu para hindi antukin sa magdamagang pagsusugal ng sakla. Ningas-kugon lang daw ang aksiyon ng kanilang kabesa na si Chairman Jing sa salot na sakla.
    
Sa mga sumbong at reklamo, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.