7,981 guests

Mas maraming Film Festival, mas marami ang matutulungan

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 345

NAG-VIRAL si Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto kamakailan.

Ito’y matapos maghain ng Senate Bill 257 si Sotto na naglalayong magkaroon ng hiwalay na film festival para sa Indie Films, bukod sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF).

Parang bubuyog na pinutakti ng mga basher si Sotto. Galit ang mga netizen kasi naapektuhan lang daw ang pelikula ng kapatid na si Bossing Vic Sotto na Enteng Kabisote Part 10 kaya gumagawa ng paraan ang senador na ’wag nang isama ang Indie Films sa MMFF.
   
Alam ko ang pinaghuhugutan ng mga netizen. Dahil tulad nila, nais din ng inyong lingkod na mabigyan ng pagkakataon ang  Indie Films -- o mga pelikulang makabuluhan, ngunit mababa ang budget.
   
Pero naniniwala akong hindi personal ang tunay na motibo ni Sotto.
   
’Wag sana nating kalimutan na si Sotto, bago pa man naging beterano, masipag at mahusay na senador, ay naging bahagi rin ng industriya ng pelikulang Filipino.
   
Hindi ko basta gagamitin ang salitang kuwalidad ng isang pelikula dahil ‘subjective’ ito o depende sa pag-appreciate ng isang manonood. Pero, manhid na lang siguro ang magsasabing wala kahit isang Filipino ang pinaligaya ng Tito, Vic and Joey.
   
Kaya nga hanggang ngayon, tatlong dekada na ang Eat Bulaga na pinakamahabang noontime show sa kasaysayan ng telebisyon.
   
Ang mga kantang pinasikat ng VST and company. Nauso at lumipas na ang mga tugtugan noong dekada 70, 80 at 90. Pero kahit nasa millennial age na tayo ngayon, nariyan pa rin ang kanilang musika, mapa-videoke man o iba’t ibang okasyon at sayawan.
   
Sinasabi ko ito hindi para sumipsip kay Sotto. Binabanggit ko ito para ipaalam sa lahat na kung may mambabatas man ngayon na una sa listahan na may karapatang magsalita patungkol sa usapin ng pelikulang Filipino, isa ang tiyuhin ni Mega Star Sharon Cuneta na may kabuluhang magbigay ng kanyang opinyon.
   
Galing din tayo sa Mariposa at Alitaptap publications. Sa mga publikasyong ito ko nakilala ang magagaling nating ‘prosa’ at ‘literary writers’ na tulad ng mga magagaling na ‘scriptwriters’ ng Indie Films ngayon, ang kailangan nila ay ‘break’ at oportunidad na dapat suportahan, hindi lamang ng estado kundi ng mga producer mismo at taumbayan.
   
Ano ngayon kung may hiwalay na ‘Film Festival’ ang Indie Films at ‘commercial movies?’
   
Sino ang takot dito?
   
Hindi ba mas ideal na ‘set up’ ito para higit na maging malaya ang mga kababayan nating moviegoers na pumili ng mga pelikulang gusto nilang panoorin?
   
Saluduhan natin ang kasalukuyang namamahala ng MMFF dahil sa matapang nilang pagbago sa panuntunan para pumili ng mga movie entry noong Disyembre 2016.
   
Hindi ba natin kinikilala ang karapatan at prinsipyo ng ‘free enterprise?’
   
Pero, kumusta naman kaya ang kinita ng MMFF ngayon? Base sa nakalap nating datos mula mismo sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na silang punong tagapamahala ng MMFF, umabot sa P373.3 million lamang ang kinita mula Disyembre 25, 2016 hanggang January 3, 2017.
   
Hamak na bumagsak nang higit sa kalahati ang kinita nito kumpara sa P1.020 billion na gross income noong Disyembre 25, 2015 hanggang January 7, 2016.
   
Noong taong 2014, umabot sa P1.014 billion ang kinita mula sa walong entries ng MMFF. Bawat taon, tumataas dapat ang kita ng MMFF, bumagsak ito ngayong 2016.
   
Patunay ito na hindi pa handa ang taumbayan para yakapin at tangkilikin ang  Indie Films.
   
Pero, hindi nangangahulugan na magpapabaya tayong mga tagasuporta rito, gayundin ang kasalukuyang gobyerno. Ito ang gustong ipunto ni Sotto.
   
Kaya ’wag sanang bigyan ng kulay na para kay Bossing Vic ang kanyang panukala dahil aminin natin o hindi, ang mga follower ng Enteng Kabisote ay manonood pa rin ng pelikulang ito, nasa MMFF man sila o wala.
   
Lalo pa ngayon na phenomenal ang karisma ng AlDub nation, so paano natin masasabing nalugi o malulugi ang MZet production ng mister ni Pauleen Luna?
   
Eto ngayon ang catch, mga Dabarkads at maging ng Madlang Pipol, alam n’yo bang ang isa sa adhikain ng MMFF ay para makalikom ng pondo bilang pantustos sa ilang benepisaryo nito?
   
Base sa Presidential Proclamation No. 1533 na nilagdaan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos noong taong February 26, 1976, pinahihintulutan ang mga ‘organizer’ ng Metropolitan Film Festival na mangalap ng pondo para makatulong sa ilang sektor ng lipunan.
   
Sa mga nakalipas na palabas ng MMFF, ilan sa mga natutulungan sa naging pondo nito ay ang Mowelfund of the Philippines, isang organisasyon na tumutulong sa mga maliliit na artista, gayundin ang stuntmen, production staff at marami pang indibiduwal na bahagi ng pelikulang Filipino. Kasama pa rito ang pagbibigay ng scholarship program sa kanilang mga anak.
   
Ngayon, sakaling magtagumpay ang panukala ni Sotto na magkaroon ng dalawang Film Festival, mas marami ang makapagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
   
Ibigay na  sa mga bata ang nakasanayan nating panonood ng ‘Ang Panday, Enteng Kabisote, Shake, Rattle and Roll, Mano Po o makabago pang uusbong na pelikula tuwing araw ng Pasko.
   
Pero bigyan din natin ng mahaba at makabuluhang pagkakataon ang ating Indie Films na pasasaan ba ay magiging tanggap na sila ng lahat ng sektor ng lipunan.