6,308 guests

Mas masigla ang kalakalan

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 255

MARAMING positibong nangyayari sa ating bansa sa huling sampung buwan ng Duterte administration.

Ang problema, may mga tao at grupo na mas gustong magpokus sa pagkuwestiyon sa pagkamatay ng mga lumaban na drug addict na masasabing mga salot ng lipunan.
    
Malaking pinsala na ang ginawa ng mga sugapa sa droga sa ating mga inosenteng kababayan. Sila iyong walang habas na gumagahasa, pumapatay, humoholdap at nang-aagaw ng mga bag ng ating mga kababayan hanggang makaladkad ng motor sa lansangan.
    
Ang pagpasok sa droga ay hudyat na ng kamatayan, sila talaga ang humukay ng kanilang libingan.
    
Sa tingin natin, sa halip na ubusin ang lakas sa pagtatalo kung lumaban nga ba ang mga  adik kaya namatay, mas magandang pagtulungan nating ipaabot sa ating mga kababayan ang positibong nangyayari sa bayan.
    
Tulad halimbawa ng ating export ng mga produkto sa ibang bansa, lalo na sa China. Matagal nahinto ang exportation ng ating saging at pinya sa Tsina subalit ngayon ay tuluy-tuloy na ang export na nagpapaunlad sa ating mga magsasaka.
    
Ayon sa National Economic and Development Authority o NEDA, tumaas sa 21% ang ating export at 24% naman ang import. Aabot sa US$13 billion dollar ang naging ganansiya ng bansa dito.
    
Ibig sabihin, masigla ang kalakalan ng bansa sa ilalim ng Pangulong Duterte kumpara sa mga nakaraang taon.
    
Binabanggit ng NEDA na sa mga numero ng masiglang kalakalan ng bansa ay nahigitan pa ng Pilipinas ang Indonesia’s 20.9 percent, Malaysia’s 20.4 percent, Vietnam’s 20.2 percent, and Thailand’s 13.8 percent.
    
Maging ang foreign direct investment ay tumaas sa 13% na lalong nagpapabilis sa economic activity ng bansa. Marami ring mga proyektong pang-imprastraktura ang isinusulong ngayon ng DPWH under Secretary Mark Villar na anim na taong natengga sa ilalim ng Noynoy government.
    
Marami rin ang mga nagtatayo ngayon ng pabrika sa bansa, lalo na sa Central Luzon na nakapagtala ng 9.5% economic growth. Ibig sabihin, mas dumarami ang nagkakaroon ng trabaho sa ilalim ng Duterte administration.
    
Ang MRT 7 na dapat ay natapos na noon pang 2014 ay sinisimulan na rin. Matagal natiwangwang ang proyektong ito under Noynoying administration subalit ngayon, sa ilalim ni DOTr Secretary Art Tugade ay nagkaroon na ng linaw.
    
Malaking bagay ang MRT 7 dahil pakikinabangan ito ng milyun-milyong kababayan natin mula Quezon City, North Caloocan hanggang doon sa San Jose del Monte, Bulacan.
    
Ang maraming kompanya na dati’y puro endo ang mangggawa ay nagkaroon na rin ng inisyatibo para gawing regular ang kanilang mga empleyado.
    
Ang basic services ng gobyerno ay mas mabilis bagama’t masasabing hindi pa rin lahat ay nakakasunod. Ang importante, unti-unting nagkakaroon ng pagbabago.
    
Ang ating mga driver’s license ay naging limang taon na ang bisa na dati ay tatlong taon lang. Malaking savings ito sa pera at sa panahon ng mga aplikante ng driver’s license.
    
Ngayon ay nakasalang na rin sa legislative ang pagpapalawig sa sampung taon ng ating mga passport mula sa kasalukuyang limang taon.
    
Kung pagtutulungan lamang nating ipalaganap ang magagandang balita, mas makakatulong para sa lahat kaysa inuubos natin ang lakas sa ingay ng mga dilaw na wala namang nagawa para sa bayan.
    
Naniniwala tayong bigyan lang ng tamang panahon si Pangulong Duterte ay maaayos niya ang bansa sa lahat ng aspeto ng ating buhay na ayaw mangyari ng mga kultong dilaw.
    
Tulong lang tayo para mas mabilis ang pagsulong.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.