6,251 guests

Minumulto na si Aquino ng masaker sa Mamasapano!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 223

DESIDIDO si Senador Dick Gordon na ipatawag si dating Pangulong Noynoy Aquino sa napipintong pagbubukas muli ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa Mamasapano massacre.

Kung sakali, pangatlong ulit na sanang ‘reopening’ ito tungkol sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) dahil bukod sa naunang hearing na ipinatawag ni Senadora Grace Poe noong February 2015, muling nagpatawag ng pagdinig si dating Senador Juan Ponce Enrile noong Enero 27, 2016.

Ibig sabihin, simula nang mangyari ang malagim na trahedya noong Enero 24, 2015, nakadikit na sa anino ni Aquino ang multo ng masaker sa Mamasapano.
    
Muling nabuhay ang isyu ng Gallant 44 dahil kamakailan lamang ay naglabas ang Office of the Ombudsman ng rekomendasyon na kasuhan ng ‘usurpation of authority’ at paglabag sa Anti-Graft Law si Aquino, kasama si dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF commander Chief Supt. Getulio Napeñas.
    
Ang mabigat, ibinasura ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kasong ‘reckless imprudence resulting in multiple homicide’ laban kina Aquino et al.
    
Kaya ang nangyari ngayon, muli na namang nabuhay ang nag-aalab na damdamin ng mga naulila ng Gallant 44, gayundin ang sambayanang Filipino.
    
Bakit nga naman nawala ang pinakamagandang elemento sa paglabag ng batas tulad ng multiple homicide, samantalang alam nating lahat na ‘command responsibility’ ni Aquino ang nangyaring palpak na Oplan Exodus.
    
Mismong Ombudsman ang nagsabi na ang palitan ng ‘text messages’ sa pamamagitan nina Aquino at Purisima ay patunay na may ugnayan ang dalawa para sa police operation na may pakay na hulihin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.
    
Ani Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee, siguradong ipatatawag nila si Aquino at walang magiging ‘exempted’ sa napipintong pagdinig na magaganap ilang araw matapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Duterte ngayong darating na Lunes, Hulyo 24.
    
Ayon kay Senadora Grace Poe, maganda ang muling pagbubukas ng Senate hearing pero dapat ingatan ang posibleng pag-invoke  ni Aquino sa kanyang karapatan ‘against self incrimination.’
 
Nasa Ombudsman na kasi ang nasabing kaso at siguradong magtatago si Aquino sa naturang karapatan para lamang makaligtas sa mga tanong ng ating mga senador.
    
Si Poe ang chairperson noon ng Blue Ribbon Committee at buong tapang na naglabas ng ‘committee report’ noon na nagsabing may pananagutan si Aquino sa Mamasapano massacre.
    
Para kay Senador JV Ejercito, mahalagang sagutin ni Aquino ang mga akusasyon sa kanya sa tamang hukuman. Tulad ng nakararami nating kababayan, dapat isinampa kay Aquino ang ‘multiple homicide charges’ at husgado na ang magpasya kung may merito ito o wala.            Masaya sana ang mga naulila ng Gallant 44 dahil sa wakas ay nakakita sila ng liwanag sa pag-usad ng kaso ng Mamasapano massacre. Ang kaso, bitin ang inaasam nilang hustisya dahil ang itinuturo nilang ‘mastermind’ kaya pumalpak ang Oplan Exodus ay ligtas pala sa multiple homicide case.
 
Umaasa tayong sa sunud-sunod na pagkilos na ginagawa ngayon, hindi lamang ng ating mga mambabatas, ay mauntog sa katotohanan ang Ombudsman na hindi bobo ang mamamayang Filipino para iligaw ang pampalubag loob na ‘usurpation case’ at ‘anti-graft law’ laban kina Aquino.
    
Mas gusto ng nakararami ang multi-homicide laban sa dating Pangulo ng bansa dahil hindi man mangyari ito sa ngayon, patuloy ang gagawing pagmumulto ng masaker ng Mamasapano laban kay Aquino.