5,218 guests

Nag-iingat na nang lubos si Duterte

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 258

Bukod sa pagmumura, galit, ay mahilig ding magpatawa si Pangulong Rodrigo Duterte sa bawat talumpati niya. Hindi nawawala ang mga “sangkap” na ito sa bawat pagtayo niya sa entablado sa loob man o labas ng Malakanyang.

Nitong nakaraang Biyernes, sa pambansang telebisyon, sinabi niyang malakas naman siya at walang sakit  kaya walang dapat ipag-alala ang mga kababayan niyang Pilipino.
    
Nagpunta lang daw siya sa isang lugar nang matahimik at “incognito” o palihim.  Hindi siya dapat makilala at hindi  rin niya puwedeng sabihin kung sino ang kinatagpo niya para kausapin.
    
Sa isang broadsheet naman, sinabi niyang nasa kama lang siya at hindi siya comatose.
    
Noong Miyerkules ipinakita ng isang tv news program ang litrato ni Duterte at kanyang assistant na si G. Bong Go. Kumain daw silang dalawa ng papaitan dahil kaarawan ni Go. Maayos naman ang ipinakita sa news na larawan ni Pangulong Duterte kasama si Go.
    
Maraming Pilipinong nagtatanong sa tila hindi nakikitang si Duterte nitong nakalipas na mga araw lalo pa at matindi na ang digmaan sa Marawi City. Nagsimula ang mga alingasngas nang hindi dumalo si Duterte sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa Luneta Park noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan. Bata pa lang tayo ay sinusunod ng mga naging pangulo ng bansa ang pagdalo sa okasyong ito.
    
Simula noon nagsimula na ang mga paghihinala kung nasaan na si Pangulong Duterte. Wala man lang daw siyang nationwide television message sa Araw ng Kalayaan. Sabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano, nagpapahinga lang daw ang pangulo at napuyat ito.
    
Sa idad ni Duterte na 71, marami nang dapat isaalang-alang ang mga Pilipino sa kanyang kalusugan. Ngunit hindi naman siya naninigarilyo at umiinom ng alak kaya malaking kabawasan ‘yon sa mga panganib ng atake sa puso o stroke. Ang kailangan na lang marahil na ingatan niya ay pagkain ng maaalat na isa ring puwedeng  maging dahilan  ang stroke.
    
Sa may limang araw na pagkawala ni Duterte  sa mata ng publiko, maraming nagbiro na marami rin palang “naka-miss” sa pangulo. Ang ibang biro naman ay dahil maraming tagasuporta si Vice-President Leni Robredo, naghahanda na silang maging pangulo si Robredo.
    
Kumalat ang mga “tsismis”  na ito nang si Robredo ang nagtaas ng bandila noong Araw ng Kalayaan. The “next president” na raw ang nagtaas ng bandila. Ngunit ilang araw lang ay biglang nagpakita si Pangulong Duterte at nagsimula muling nagbabala sa mga Maute at inilahad ang dahilan ng kanyang pagkawala.
    
Ang tanong ngayon ng marami, sino ang kinausap niyang palihim, si Putin o si Trump? Ito ‘umano ay dahill sa patuloy na digmaan sa Marawi City. O baka nagbabad lang si Duterte sa Malakanyang kasama ang mga opisyal ng militar at pulis upang suriin nang mabuti kung bakit tila marami pa ang puwersa ng Maute at napakarami pang bala na nagagamit at kung ang mga gagawin ng pamahalaan. Sinabi ni Duterte noong Biyernes sa kanyang talumpati na may mga kasabwat na pulitiko ang Maute. At pumasok din ang isyu ng iligal na droga.
    
Ano’t anuman, pasok na ang puwersa ng US sa digmaan sa Marawi kahit na tulong teknikal lamang daw kahit na hindi naman daw ito hiningi ni Duterte. Ngunit kaninong kamay talaga ang nangingibabaw sa digmaan sa Marawi? The “unseen hand” ‘ika nga.
    
Tiyak na nag-iingat ngayon si Pangulong Duterte sa mga kilos niya. Hindi na siya basta-basta magtutungo sa isang lugar kung hindi lang talaga ito “secured” o isangdaang porsyentong ligtas siya sa panganib . Mahirap magbaka-sakali ngayon kung nakaamba at naghihintay na lang ng tamang pagkakataon ang mga galamay ng “the unseen hands. ”
 
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )