5,280 guests

Napakataas ng tiwala ng mga Pilipino kay Duterte

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 823

HINDI mga solidong panatiko ni Pangulong Rody Duterte ang nagpapakalat sa media na mataas pa rin ang kanyang trust rating sa mga Pilipino, kundi ang ibinalita ay ang resulta ng survey ng dalawang malalaking survey firms: ang Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia.

Sa magkahiwalay na sarbey ng SWS at Pulse Asia nitong Disyembre, napakataas pa rin ng tiwala ng mayorya ng mamamayang Pilipino kay Duterte sa ika-apat at huling  quarter ng 2016.
   
Otsenta porsiento (80%) ang iskor ni Duterte sa SWS at  otsenta’y tres (83%) ang marka niya sa sarbey ng Pulse Asia.
   
Nais kong idiin na napakataas pa rin ang iskor na ibinigay ng mga Pilipino kay Duterte kahit kaliwa’t kanang pambubuyo ng mga dilawang puwersa ng Liberal Party (LP) at mga maka-kaliwang puwersa sa publiko na batikusin ang madugong gyera ng administrasyong Duterte laban sa mga drug pusher, birahin ang pagkampi ni Duterte sa tropa ng mga pulis na pumatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., punahin ang desisyon niyang ipalibing ang mga labi ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na si Duterte ay ‘mamamatay-tao’ ayon kay Sen. Leila de Lima, at kanyang pambabatikos sa Amerika at pakikipagkaibigan sa China at Russia.
   
Naniniwala ako na kaya mataas ang iskor na ibinigay ng mga Pilipino ay nakikita nilang tapat, sinsero, at determinado si Duterte na magkaroon ng pagbabago sa Pilipinas, na siya’y Pangulong hindi naghahangad sumikat at walang pakialam sa popularidad.
   
Kung patuloy na makikita at mararamdaman ng mga Pilipino na si Duterte ay tunay na tapat, sinsero, at determinado sa pagkakamit ng pagbabago sa bansa, sigurado akong mananatiling  mataas ang marka niya sa mga Pilipino.
   
Siyempre, maraming lider ang tumutulong kay Pangulong Duterte sa pamumuno ng aking kaibigang si  Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
   
Sumusuporta si Imee kay Duterte, sapagkat naniniwala siyang nararapat suportahan ang taong karapat-dapat na mamuno sa Pilipinas hanggang Hunyo 30, 2022.
   
Si Imee ay sumusuporta sa lider na kumbinsido siyang karapat-dapat suportahan dahil ito’y tapat at nagmamahal sa mga Pilipino.
   
Hindi iaatras ni Imee ang kanyang suporta at pagkampi kay Duterte kahit nababanas na ang Amerika kay Duterte, sapagkat kitang-kita sa istatistika ng SWS at Pulse Asia na napakalakas ni Duterte sa mga Pilipino hanggang ngayon.
   
Hindi nakapagtataka kung tumaya at sumusuporta si Imee kay Duterte mula noong tumatakbo itong Pangulo hanggang ngayon, dahil alam niyang matinong lider si Duterte kumpara kay Mar Roxas, isa sa mga lider ng dilawang puwersa.
   
Sa pagtutol ni Pangulong Duterte sa rekomendasyon na kanyang economic advisers, na huwag bigyan ng karagdagang pension ang mga pensionado ng SSS, dahil mababangkarote ang ahensya at sa kanyang pagsang-ayon sa desisyon ng SSS Board, sa pamumuno ng Chairman nito, na si Dean Amado D. Valdez, na dagdagan ang pension ng mga retirado, ay lalong pinatunayan ni Duterte na siya’y may pagkalinga sa mahihirap at matatanda, kung kaya’t ito’y dagdag katangian upang ang kanyang liderato ay suportahan ni Gov. Imee Marcos.
   
ATTY. JAY C. DE CASTRO

Founder, Magkaisa Para sa Bayan, Inc. (MPB)

Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

Website: magkaisaparasabayan.com

Facebook: fb.com/magkaisaparasabayan

Contact No.: 0915-7799-777.
   
Please visit our website magkaisaparasabayan.com and like our Facebook page Magkaisa Para sa Bayan, Inc. and ask your family and friends to do the same.