5,220 guests

Oktoberfest simula na sa Setyembre 16!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 217

MAGSISIMULA  na  sa Setyembre 16 ang 184th Munich Oktoberfest sa Munich, Germany. 

Ang taunang selebrasyon ay inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong local at foreign tourist. 

Ang opening ceremony na gaganapin sa Schottenhamel Tent ay pangungunahan ni Mayor Dieter Reither, ganap na alas-12 ng tanghali.
    
Ang selebrasyon ng Oktoberfest ay tatagal hanggang Oktubre 3,  alas-11:30 ng gabi.
    
Matatandaan na ang Oktoberfest ay unang ginanap noong 1810 bilang pagpupugay sa pagpapakasal ni   Bavarian Crown Prince Ludwig kay Princess Therese von Sachsen-Hildburghausen. Sinimulan ang festivities noong Oktubre 12, 1810 at natapos ng Oktubre 17.  Mula noon ay naging taunan na ang selebrasyon na kalaunan ay ginawa ng Setyembre ang simula.
    
Mas kaaya-aya daw kasi ang temperatura ng buwan ng Setyembre.
    
Sa buong panahon ng pagdiriwang, karamihan sa mga stall at tent ay bukas mula alas-9 ng umaga hanggang hatinggabi.
    
Magkakaroon din araw-araw ng iba’t ibang atraksyon at mga palabas.
    
Bawal ang pagdadala ng backpacks na hihigit sa 20cmx15cm ang sukat.
    
Payo ng mga organizer, mas maganda kung magkaroon ng reservation sa mga beer tent ang mga dadalo upang masiguro na makauupo sila.
    
Happy Oktoberfest sa inyong lahat!

* * *   

Bago matapos ang taon ay inaasahang ilulunsad ng gobyerno ang “TradeNet.”
    
Ayon kay Finance Secretary Carlos  Dominguez III, ang “TradeNet” ay isang integrated online system para sa pag-process ng import at export permits.
    
Sinabi pa ni Dominguez na ang nasabing online system ay bahagi ng ginagawang pag-improve ng “ease of doing business in the country.”
    
Sa kasalukuyan ay “tedious” ang pagkuha ng import permit.
    
Ang import permit ay nangangailangan ng approval ng 66 state agencies “on top of 10 economic zones.”
    
Ayon naman kay DoF Usec Gil Beltran, ang application process “would be dramatically reduced from months to only a week or less.”
    
Sa kanyang report kay Dominguez, sinabi ni Beltran na ang TradeNet “would be available soon.”
    
Si Usec Beltran ay siya ring anti-red tape czar ng Department of Finance.
    
Sa proyektong ito, kasama ng DoF ang Department of Information and Communications Technology.
    
Ang proyektong ito ay isang magandang balita sa mga importer, exporter at broker. Maliwanag na bawas gastos at oras ito sa mga negosyante.

* * *   

Malala na talaga ang problema ng pagbabaha hindi lang sa Metro Manila kundi sa maraming parte ng Luzon.
    
Kitang-kita ito nang ilampaso ni bagyong Maring ang Central at Southern Luzon noong Martes at Miyerkules.
    
Maraming lugar ang nagmistulang  dagat dahil sa malalakas na pag-ulan.
    
Ang masakit, may mga namatay at nawawala. Ang mga dating hindi binabaha ay lumubog din dulot ng malalakas na ulan na nagpa-apaw sa mga daluyan ng tubig.
    
Kagaya ng inaasahan, tone-toneladang basura na naman ang bumara sa mga daluyan ng tubig.
    
Mukhang walang epekto ang kampanya ng gobyerno laban sa pagtatapon ng basura sa kalsada, ilog, sapa, estero at drainage canal.
    
Malaking perhuwisyo ang dulot ng pagbabaha, lalo na sa mga mahihirap.
    
Sana ang pinsalang dulot ni Maring ay maging wake-up call sa ating lahat.
    
Panahon na para tayo’y magkaisa upang ipatupad ang environmental laws sa buong bansa.
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)