6,413 guests

Paano kung may nakakakita sa ating bata?

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 179

Minsan naglalakad ang dalawang magkaibigan sa lansangan. Inabutan sila ng “red man” light sa
pedestrian crossing.

Nagtaka iyong isang kaibigan kung bakit sila tumigil at hindi pa tumawid gayung wala naman
silang natatanaw na sasakyan sa kahit anumang direksyon.
    
Kaya tinanong niya ang kaibigan niya kung bakit hindi pa sila tumawid ngayong wala namang mga
nagdaraang sasakyan.

Ang sagot ng isang kaibigan, “Naka-red pa ang ilaw, paano kung may nakakakita sa ating bata?”
    
Kung maaalala ng iba sa atin, may regular na commercial sa TV noong 90s tungkol sa mga maling
gawain ng mga nakatatanda na napapanood ng mga bata. Natatapos ang bawat commercial sa katagang “Ang
Maling Ginagawa ng Matanda sa Mata ng Bata ay Tama”.
    
Sa panahon ngayon na kahit ang mga estudyante sa elementary ay may access na sa internet,
dapat ay mas sinisiguro ng mga nakatatanda na nagsisilbi silang gabay at hindi bad influence sa iba.
    
Nitong nakaraan lang, naibalita ang ginawang pagsuway ni Maria Isabel Lopez sa batas trapiko.
Ayon sa balita, pinost pa ni Bb. Lopez ang ginawa niyang pagtanggal sa cone para sa Asean lane, ang
pag-hazard light sa kahabaan ng EDSA upang magmukhang delegate ng ASEAN, at ang pagsunod ng ibang
motorists sa kanya. Dahil umano rito, hindi sila nasita ng traffic at law enforcers sa pag-aakalang
convoy sila kaugnay ng Asean.
    
Isang malaking security issue ang ginawang ito ng showbiz personality. Tandaan natin na mga
lider ng iba’t ibang bansa ang nagdaratingan sa Manila para sa Asean. Nagtalaga ng special lanes para
sa delegates para mas masiguro ang kanilang kaligtasan sa daan.
    
Pero dapat ding pag-aralan ng PNP at MMDA kung paano maiiwasan ang ganitong  klase ng
pagkukunwari para hindi na sila malusutan sa susunod.
    
Ang masaklap pa rito, ipinost pa ang ginawang pagsaway sa batas trapiko sa Facebook. Sigurado
ako na marami nang nakapanood nito kasama na ang mga bata.
    
Totoong bumigat ang daloy ng trapiko dahil sa mga re-routing at road closure schemes para sa
Asean. Ang mga regulasyong ito ay batas na dapat nating sundin kahit na may dalang inconvenience sa
atin. ’Ika nga, we are a government of laws, not a government of men.
    
Pero hindi ako nangangamba na nawawalan tayo ng mga good influence sa lipunan. Naging panauhin
ako ng paggawad ng Gintong Parangal sa mga natatanging mamamayan ng Malabon City kamakailan lang.
    
Sa pangunguna ng Kalipunan ng mga Samahan sa Malabon, kinilala ang mga taga-Malabon na nag-
iwan ng marka sa kani-kanilang larangan -- sa propesyon, paaralan, arte at sining.
    
Binabati ko ang mga pinarangalang mamamayan ng Malabon. Tiwala ako na marami pa rin tayong
role models na nagsisilbing mabuting ehemplo at inspirasyon para sa iba.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook:
@RickySandovalMalabon)