6,638 guests

Ramdam ng magsasaka ang malasakit nina PD30, Piñol

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 470

HINDI lang koleksiyon ng buwis at taripa ang tinututukan ng Bureau of Customs (BoC).

Abala rin ang mga taga-BoC sa kampanya laban sa iligal na pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na droga.

Hindi lang ’yan. Lagi rin alerto ang mga operatiba ng BoC laban sa gun smuggling.
   
Kamakailan nga lang ay apat na sub-machine guns ang ibinigay ng BoC sa Philippine National Police (PNP).
   
Ang turn-over ceremony ay dinaluhan nina PNP Chief Director-General Ronald “Bato” dela Rosa at NAIA Customs District Collector Edgar Macabeo.
   
Ayon sa rekord, ang mga baril ay galing sa Estados Unidos.  Dumating ang mga ito sa bansa noon pang Agosto 2015.
   
Na-intercept ng mga tauhan ng NAIA-Customs Intelligence Division ang mga nasabing baril.
   
Sa isang maigsing mensahe, pinasalamatan ni Dela Rosa ang mga taga-BoC.
   
Hinikayat din niya ang publiko na tulungan ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
   
Tama si PNP  chief.

Kagaya ng BoC, ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay nangangailangan ng suporta ng taumbayan.
   
Sa totoo lang, ang mga impormasyong galing sa publiko ay malaking tulong para masakote ng BoC ang mga kontrabando.

* * *   

Tuwang-tuwa ang mga nagtatanim ng palay.  Ramdam kasi nila ang malasakit sa kanila ng maraming lingkod-bayan, lalo na sina Pangulong Duterte at Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.
   
Ayaw kasi nina Duterte at Piñol na umangkat ng bigas kapag panahon ng anihan ng palay sa bansa.
   
Tama nga naman ito. Ang nangyayari kasi bumababa ang presyo ng palay kapag may imported rice.
   
Hintaying matapos ang anihan bago bumili ng bigas sa labas ng bansa.
   
Pero kung sapat naman ang rice production natin,  huwag na tayong mag-import ng bigas.
   
Tulungan muna natin ang ating mga magsasaka para naman umangat na ang kanilang mga kabuhayan.
   
Matagal na silang naghihirap.
   
Panahon na para sila’y tulungan ng gobyerno.

* * *   

Hindi natutulog sa pansitan ang mga tauhan ng BoC. Isang eroplano na ginagamit ng local tourists ang nasa custody ngayon ng BoC.
   
Ito ay matapos na mabigo ang mga may-ari ng eroplano na ipakita ang certificate of payment ng duties at taxes.
   
Sinabi ni James Layug, hepe ng BoC’s special studies and project development committee, na ang eroplano ay pag-aari ng Skyjet Airlines.
   
At ang owner at operator ng Skyjet ay ang Magnum Air Inc., ayon kay Layug.
   
Pero ayon pa kay Layug, noon pang 2014 tumigil ng operation ang Magnum Air Inc.
   
Kamakailan ay ininspeksyon ng BoC ang hangar ng kompanya. May labinlimang araw ang kompanya para i-produce  ang mga kailangang papeles.
   
Sa kasalukuyan, may mga team na nagre-review ng mga import document ng mga nakaraang shipment.
   
Ang review ay naglalayong malaman kung tama ang mga ibinayad na buwis ng mga importador.
   
Marami ang nagsasabi na nasa tamang landas si BoC chief Nicanor Faeldon sa kanyang ginagawang pagbusisi sa mga nakaraang shipment.

* * *   

(Para sa inyong mga komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. . Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)