4,695 guests

Sabotage theory na may grand conspiracy

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 516

MAY pinaghuhugutan si Pangulong Duterte nang sabihin niyang may sumasabotahe sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.

Hindi ako magtataka kung masundan pa ang pagpatay sa teenager dahil dito nakita ng mga may motibo ang vulnerability ng kampanya laban sa droga.
    
Iyong pagkamatay ni Kian delos Santos ay hindi bahagi ng sabotahe, iyon ay produkto ng pang-aabuso ng alagad ng batas.
    
Maging ang pagpaslang kay Karl Angelo Arnaiz ay maaaring hindi pa bahagi ng pananabotahe.
    
Nakita ng mga grupong bahagi ng sabotahe na hindi kumikibo ang ating mga kababayan kapag matatanda o matured drug addicts, criminals at drug pushers ang napapatay.
    
Tinatanggap ng publiko ang paglipol sa mga kriminal kahit ilan pa sila dahil matagal silang pininsala ng mga ito sa nakaraan. Pinatunayan ito ng lahat ng survey dahil sa pakiramdan ng ating mga kababayan, sukdulan na ang paglaganap ng krimen.
    
Pero iba na ang usapan kapag isang inosenteng teenager ang pinatay. Galit ang bayan, ngitngit ang publiko.
    
Naniniwala naman ako na mali ang pagpatay sa mga batang ito dahil sobrang lawak pa ng tiyansa para makapagbago at umayos ang kanilang buhay.
    
Kung inyong mapapansin, nang matagpuan ang katorse anyos na si Reynaldo de Guzman sa ilog ng Gapan, Nueva Ecija, hindi pa ito bloated o hindi pa namamaga ang kanyang katawan.
    
Batay sa autopsy report, 24 hours pa lamang ang nakakalipas nang patayin si Reynaldo. Ibig sabihin, buhay pa ang bata habang hinahanap ng mga magulang at ng media ng halos isang linggo.
    
Mula’t mula, hawak na nilang buhay ang bata.
    
Ang mas matinding anggulo rito, lumitaw din sa pag-iimbestiga ng  forensic experts na patay na si Reynaldo nang saksakin ng 26 na ulit.
    
Ibinalot ang mukha ng plastic at packing tapes at itinapon sa lugar na madaling makita mula sa tulay sa Gapan.
    
Hindi tayo eksperto sa imbestigasyon pero kung babasahin natin ang sitwasyon sa pagkamatay ni Reynaldo, ito ang ginamit ng grupo para magalit ang publiko sa gobyerno, lalo na kay Pangulong Duterte.
    
Nagkakaisa ang lahat ng sektor sa pagkondena sa pagpatay sa mga kabataan. Naghihimagsik sa pagsigaw ng katarungan ang bayan sa sinapit nila.
    
Nakakagalit naman talaga na makita ang isang teenager na nakabalot ang mukha at may saksak na 26. Kasunod lang ito ng mga biktimang sina Kian at Karl Angelo.
    
May mga susunod pang pagkilos dito, ang serye ng kilos-protesta, ang lumalakas na panawagan ng pagpapatigil sa kampanya laban sa droga.
    
Hindi rin ako magtataka kung ang susunod na sigaw ay ang pagpapa-resign kay Pangulong Duterte gamit ang pagpatay sa mga kabataan.
    
Consolidated effort ang nangyayari, may mga grupong nagbabalak ng iba’t ibang pagkilos para paingayin nang todo ang galit ng publiko laban sa gobyerno.
    
Pansinin n’yo rin ang galaw ng ibang mga balita, karamihan ay laban sa Duterte administration.
    
May mga media company ang binili na ng grupong ito para sa mas massive at mas matinding operation sa mga susunod na araw. May mga nalikha na ring social media sites para sa operasyong ito na gagalit at magsisindi ng damdamin ng publiko.
    
At mukhang dito nakatutok ngayon ang intelligence community ng gobyerno. May mga tao at grupo silang binabantayan na bahagi ng nagmamaniobra ng sitwasyon.
    
At dito rin humuhugot ng mga pahayag si Pangulong Duterte, alam din niya ang sitwasyon na pinag-aalab ng mga may interest na grupo.
    
Teorya ito na hindi imbento, teorya ito ng may pinagmumulang detalye na hindi lamang puwedeng ilabas basta-basta sa kolum na ito.
    
Isa lang ang mensahe ko, huwag magpagamit sa mga tao at grupong ito dahil madilim ang kanilang plano sa ating bansa. Sila ang nagpakalat ng droga, sila ang lumapastangan sa bayan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.