6,436 guests

Salamat Sen. Jinggoy at Mayor Erap!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 288

NGAYON pa lang ay nagpapasalamat na ang mga opisyales at miyembro ng Quinta Public Market Development
Cooperative (QPMDC), samahan ng mga vendor sa nasabing pamilihan na may 279 lehitimong miyembro.

Tumugon kasi si dating Senador Jinggoy Estrada sa panawagan ng mga vendor na magkaroon ng
pagkakataong pagbigyan silang mapakinggan ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’
Estrada.
    
Aaminin na natin na ang inyong lingkod mismo ang tumawag kay Senador Jinggoy upang ilapit ang
hinaing ng mga taga-Quinta Market.
    
Dahil dito, nagkaroon ng masinsinang pag-uusap kamakailan ang ilang opisyales ng QPMDC sa
pagitan nina Senador Jinggoy at Manila City Administrator Atty. Erickson Alcomendaz na siya ring
pinuno ng Quinta Market governing committee.
    
Sa nasabing pag-uusap, nangako ang dating senador na kausapin ang kanyang ama, patungkol sa
hinaing ng mga vendors gayundin ang iba pang ‘stake holders’ sa bagong Quinta Market.
    
Ayaw man magbigay ng tiyak na magandang resulta, malinaw ang sinabi ni Estrada na ‘titingnan
niya ang kanyang magagawa’.
    
Sa inisyal na pag-uusap, sinabi ni Senador Jinggoy na ang P50 na bayad sa upa kada-metro ng
mga vendor ay sapat na para sa ‘wet section’ ng palengke at P30 naman ang bayad sa upa kada-metro para
sa ‘dry section’.
    
Hamak na malaking menos ito, kumpara sa P80 kada metro na singil ng Market Life Management and
Leasing Corporation na developer sa itinayong gusali ng bagong Quinta Market.
    
Ang nakasaad sa 2013 Omnibus Revenue Code of the City of Manila ay P15 lamang dapat ang bayad
sa kada-metrong upa ng mga lehitimong manininda sa lungsod.
    
Ibig sabihin, mahigit limang doble o 550 percent ang itinaas na upa na gustong mangyari ng
Market Life -- isang pagnanais ng namumuhunan na yumuyurak na sa karapatan at kahinaan ng mga pobreng
manininda at garapalan pang pananamantala mula sa mga kapitalista.
    
Ramdam ni Senador Jinggoy ang hinaing ng mga taga-Quinta dahil nang itayo nito ang magandang
pamilihang bayan sa San Juan, walang ganitong reklamo at karaingan na narinig mula sa mga vendor.
    
Alam kong hindi alam ni Mayor Erap ang kabuuang kuwento ng Quinta Market ngayon. Oo’t tumawad
na siya ng P70 mula sa P80 na naunang singil sa upa kada metro ng mga vendor pero naniniwala tayo na
kung may makapagpapaliwanag pa nang maayos upang ilahad ang kabuuang sitwasyon, ito mismo ang
magsasabi sa Market Life na ‘bawiin’ na lang sa ibang aspeto ang ipinuhunang P150 million para sa
konstruksiyon sa gusali ng Quinta.
    
Nasabi ko na sa nakalipas nating column.
    
Ang likurang bahagi ng bagong gusali ng Quinta Market ay may tatlong palapag na ‘pay parking.’
    
Ibig sabihin, dito pa lang ay kumikita na ang nasabing gusali.
    
Paano pa kung magbukas ang Jollibee at Goldilocks sa gawing harapan ng building?
    
Hindi ba’t ngayon pa lang ay bayad na ang upa ng dalawang nasabing establisimiento?
    
Magkano ang ‘lease’ ng Jollibee at Goldilocks? Milyon ang halaga nito at kung ‘bawi puhunan’
lamang ang nais ng Market Life, kahit papaano ay mababawi nila ang lahat sa loob ng 10 taon.
    
Hindi iyong mga vendor na isang kahig, isang tuka na nga lang ang ipinantutustos sa kanilang
pamilya ay siya pa ngayong ginigipit at sinasakal ng Market Life.
    
Ang dapat manaig ngayon sa Quinta ay kapakanan ng mga vendor, hindi kapakanan ng Market Life
dahil nang idemolish ang nasabing pamilihan, mismong si Mayor Erap ang nagsabi na makababalik sa
pagtitinda ang mga lehitimong vendor nang walang gagawing pagtaas sa upa.
    
Sa ginawang pakikipag-usap ni Senador Jinggoy, naniniwala tayong magkakaroon ito ng magandang
resulta na hindi lamang papabor sa developer ng Quinta, kundi paborable rin sa nakakaawang kalagayan
ng mga kababayan nating manininda.
    
Maaaring hindi ganu’n ka-powerful si Senador Jinggoy sa mga nakapaligid sa kanyang amang si
Mayor Erap. Pero ang makita lang natin na kahit papaano ay nakahandang tumulong ang dating mambabatas,
malaking bagay na para sa mga kababayan nating mahihirap.
    
Nakakita sila ng pag-asa sa sinseridad at kahandaang tumulong ni Senador Jinggoy.
    
Bago tayo magtapos, gusto nating ipaalala na nakasaad sa Section 5.1.10 ng Joint Venture
Agreement sa pagitan ng City of Manila at Market Life, Inc., ang ganito:
    
“Subject to the provisions of this Joint Venture Agreement, exempt the Joint Venture from the
application of any revenue regulation regarding the cost of rental rates and fees that will be charged
by the Joint Venture to the patrons, tenants, clients and occupants of the Quinta Market. If need be,
the City shall enact proper ordinances and resolutions as may be necessary.”
    
Ibig sabihin, sakaling hindi magkasundo, Sangguniang Panglungsod na ang maglalabas ng
ordinansa at resolusyon kung magkano ba talaga ang dapat na ibayad bilang upa ng mga vendor sa Quinta
na tatlong henerasyon nang nagtitinda!
    
Ayon kay Arnold Chico, presidente ng QPMDC, payag na sila sa P50-P30 na bayad upa, ’wag na
lang itaas pa ang naturang halaga dahil matumal na rin ang mga namimili sa Quinta ngayon.
    
Sana, ayon kay Chico, pakinggan ni Mayor Erap si Senador Jinggoy!
    
Muli, ang atin pong pasasalamat kay Senador Jinggoy!