5,770 guests

Salamat senator Ping!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 212

On the beat

BILIB talaga tayo kay Senator Panfilo Lacson.

Bigla niyang ginulat ang madla kahapon dahil sa kanya pala sumuko ang isa sa pangunahing suspect sa pagkamatay ni Horacio ‘Atio’ Castillo III na biktima ng hazing.

Ang suspect ay si John Paul Solano, isang licensed medical technologist at miyembro rin ng Aegis Juris fraternity.

Kahit kami sa Senate media ay nagkagulatan kamakalawa dahil papunta na pala sa private office ni Ping sa Bonifacio Global City (BGC) si Solano matapos itong ipasundo sa malalapit na tauhan para mabigyan ng seguridad.

Hindi sa nagsisipsip tayo kay Senator Ping, pero marahil kung malikot din ang inyong pag-iisip na tulad ko, matatanong natin sa sarili na bakit sa kanya sumuko?

Hindi naman siya miyembro ng Aegis Juris at lalong hindi taga-UST.

Nang tanungin, walang makitang pagyayabang sa parte ni Lacson. Sinabi lamang nito sa mga mamamahayag na isang dating staff daw niya ang tumawag para sabihin na sa kanya nais sumuko ni Solano.
    
Nilinaw ng senador na wala siyang ibang maibibigay na pangako kay Solano kundi ang seguridad nito sa pagsuko at matiyak na hindi sasaktan ninuman lalo na ng mga kagawad ng pulisya.
    
Matapos sumuko, sinundo ang 22-anyos na si Solano ng grupo ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Jigz Coronel, kasama si UST Law Dean at Aegis Juris member on leave Nilo Divina, gayundin ang abogadong si Paterno Esmaquel.
    
Kamakalawa ng gabi ay isang nagngangalang Aeron Salientes  na miyembro rin ng Aegis Juris ang sumuko sa MPD. Resulta ito tiyak ng unang pagsuko ni Solano at asahang marami pa nilang brods (at sis) ang tiyak na susuko sa mga awtoridad.
    
Anumang argumento, bersiyon at denial ng  ‘masters’ ni Castillo, husgado na ang magpapasya at titimbang kung may katotohanan ito o wala.
    
Bukod kay Ping, labis din ang pagpapasalamat ng pamilya ni Atio kina Senators Sherwin Gatchalian at Migz Zubiri na kapwa nagsusulong na ipabago ang Anti-Hazing Law.
    
Nag-privilege speech pa si Migz nitong Miyerkules dahil ang tatay ng biktima na si Horacio, Jr., ay grade school batchmate nito sa Colegio de San Agustin. Ang nag-iisang kapatid na babae ng biktima ay OJT (on the job trainee) din ni Zubiri.
    
Tunay na umaani ngayon ng malaking suporta at simpatya ang pagkamatay ni Atio.
    
Isang krimen na paulit-ulit na nangyayari dahil na rin sa kapabayaan ng ilang namamahala ng fraternity.
    
Wala tayo sa posisyon upang batikusin ang anumang hazing ng iba-ibang fraternity dahil mula’t mula, aminado ang inyong lingkod at ipinagmamalaki ko  na isa akong fratman.
    
Hindi ito kuwento kung sino ang fratmen at barbarian na kalimitang tawag sa mga non-frat member sa kolehiyo at unibersidad.
    
Ang usapin dito kung dapat na bang ipagbawal ang hazing o hindi.
    
At higit na dapat pag-usapan dito ay ang hustisyang hinihingi ng mga magulang, kapatid, kaanak at kaibigan ni Atio.
    
Sa takbo ng pangyayari ngayon, naniniwala tayong makakamit ng pamilya Horacio ang hinihingi nilang hustisya.
    
Dalangin na lang natin na sana mangyari ito sa lalong madaling panahon.
    
At sana rin, huli na si Atio sa biktima ng hazing!

* * *
    
Kabi-kabila ang  banta at pag-aakusa ng ilang bashers sa mga kasamahan natin sa Senate media na sumama kay Senador Antonio Trillanes nang magtungo sa Singapore para patunayan na wala siyang account sa DBS Bank.
    
Kami mismo na mga mamamahayag na nagku-cover sa Senado ang nagpapatunay na hindi libre ang biyahe ng mga mediamen nang sumama sila sa Singapore.
    
Siyento porsiyento na sigurado kami na ang plane ticket at hotel accommodation ay gastos ng kani-kanilang media company at hindi ng tanggapan ni Trillanes.
    
Masakit pagbintangan ng walang katotohanan. Hindi lamang sa aming mga mamamahayag kundi sa lahat ng mamamayan.
    
Higit na masakit ang pagsalitaan ka pa ng masama at pagbantaan pa ang kanilang buhay.
    
Karapatan nating lahat ang magpahayag.
    
Pero kayong mga naggagaling-galingan sa social media ay sana alamin n’yo, damdamin n’yo at isapuso n’yo ang salitang responsable.
    
Gayundin ang salitang makatao.
    
Kung die-hard na panatiko kayo ng Pangulong Rodrigo Duterte, ituloy n’yo lang ’yan dahil ’yan ang tingin n’yong tama. Pero ang magbanta sa buhay ng iba, ’wag naman.
    
Gaano ba kayo nakasisiguro na wala ring bayaran na blogger  ang Palasyo ng Malakanyang?
    
Hindi po ako nakikipag-away sa inyo.
    
’Wag n’yo pagdiskitahan ang mga media na gumagawa lamang ng kanilang tungkulin.
    
Sa isang banda, hindi ko buong pinagbibintangan na puro Duterte loyalists ang nasa likod ng mga bash at pagbabanta sa ilang Senate media.
    
Kasi, posible ring gawin ito ng grupo ng dilawan upang magalit naman ang mga mamamahayag sa kampo ng mga Duterte.
    
Sana lang, kung talagang responsableng ‘social media user’ kayo, kayo na rin mismo ang sumaway sa mga kasamahan natin na maging maingat sa pagbibigay ng komento at itigil ang anumang pagbabanta.
    
Para naman patunayan natin na pare-pareho tayong tunay na may silbi at nagmamahal sa bayan.