6,253 guests

Secretary Ubial, ipinaglihi sa pagong at mantikang tulog!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 198

MALAKI ang problema ng bansa sa usapin ng kalusugan at kaligtasan laban sa anumang nakamamatay na karamdaman.

Pero sabi nga, hindi mo naman kayang takasan ang kamatayan, lahat naman tayo ay darating sa huling hantungan.

Ngunit, kapag ikaw ay pinabayaan habang dumaranas ng anumang karamdaman, ibang usapin na iyon.
    
Mukhang ganito ang nangyayari sa ating mga kababayan sa Mindanao, lalo na ang mga bakwit na biktima ng giyera sa Marawi City.
    
Sinong mag-aakala na mas marami pa ang namatay sa dengue at iba pang napabayaang   karamdaman kaysa sa nagaganap na digmaan sa lungsod?
    
Mismong si Health Secretary Paulyn Ubial ang nagkumpirma na 59 ang namatay sa dengue at iba pang mga sakit habang nasa evacuation centers. Pero binawi iyon ng kalihim dahil naisip niya siguro na malaking dagok sa kanyang liderato ang mga numero kaya kambiyo agad na wala raw siyang sinabing 59 deaths sa evacuation centers.
    
Mas mababa man o mas mataas ang bilang ng mga namatay sa sakit habang nasa mga evacuation center, hindi pa rin mabubura ang katotohanan na si Ubial ay isang pabayang kalihim na hindi bagay sa agresibong Duterte administration.
    
Kailan lang ay nakastigo ni Pangulong Duterte si Ubial dahil masyadong makupad sa pagbili ng mga medical equipment para sa mga sundalo sa V. Luna Medical Center. Sinabi ng Pangulo na sisibakin niya ang kalihim kapag hindi pa rin nabili ang mga kagamitan gayong matagal nang handa ang pondo para rito.
    
Kahit anong sigasig ni Presidente na ayusin ang health sector, hindi ito makausad nang husto dahil nga pinaglihi sa pagong si Secretary Ubial.
    
Baka bukod sa steam kuhol, palagi siguro itong napapakain noong bata pa ng mantikang tulog na ibinahog sa kaning lamig kaya hindi na maalis sa kanyang sistema ang mabagal na pagkilos at pagdedesisyon sa kanyang departamento.
    
Patunay sa kanyang pagiging makupad at iresponsable, ayon sa ating source, ito palang si Ubial ay palaging kulelat ng dalawang oras bago dumating sa kanilang board meeting sa PhilHealth national office sa Pasig City.
    
Ang mas matindi, late na ngang dumating, nagmamadali pang umalis kaya walang natatapos sa kanilang mga pulong. Isipin n’yo, monthly na nga ang board meeting na itinakda sa ala-una ng hapon, dumarating si Kalihim Ubial ng alas tres!
    
Ito pa ang mas matindi, may pagkakataon pang nagpatawag si Ubial ng emergency at important meeting subalit ang ending, siya ang hindi dumating! Aba’y batugan talaga!
    
Hindi na tayo nagtataka ngayon kung bakit gusto na siyang sipain sa puwesto ni Pangulong Duterte dahil nagiging pabigat na ito sa kanyang administrasyon.
    
Iyon ba namang basic na pag-aalaga sa mga bakwit habang nagaganap ang digmaan sa Marawi ay hindi pa nagawa kaya kailangan pang magbilang ng mga patay?
    
Pasensiya na po, kung ganitong klase ng kalihim ang magtatagal sa DoH sa loob ng anim na taon, aba’y mas marami pang problema ang daranasin ng ating mga kababayan, lalo na iyong nasa sektor ng mga mahihirap.
    
Umaasa tayong tuluyan nang ibabasura ng Commission on Appointments ang kumpirmasyon ni Ubial upang makahanap naman tayo ng bagong Health chief na may malasakit sa bayan.
    
Sa susunod na linggo na nakatakda ang pagharap ulit ni Ubial sa CA kaya nananawagan tayo sa CA members sagipin ang bansa laban sa pabayang kalihim ng Health department!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.