4,679 guests

Sigalot sa PDP-Laban

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 188

MUKHANG may sigalot sa PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kailan lang ay may report na naglabas ng manifesto ang Mindanao Area Council (MAC), kalipunan ng anim na regional council ng PDP-Laban sa Mindanao na kumokondena sa malawakang pangangalap ng mga bagong miyembro ng partido na hindi naman dumadaan sa tamang proseso ng basic membership training at ‘vetting’ o paninigurong pawang mapagkakatiwalaan at walang kaugnayan sa droga ang mga bagong recruit.
    
Inaasahan na sa isang malaking general assembly sa Mindanao sa susunod na linggo ay itutulak ng MAC sa national party leaders ng partido ang pagbisita at pagpapatupad ng constitution and by-laws ng PDP.
    
Ang koalisyon na kinabibilangan ng limang rehiyon sa Mindanao at ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ay magdudulog ng “six-point agenda  manifesto” para sa konsiderasyon ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, ang national president ng PDP.
    
Ang MAC region presidents ay kinabibilangan nina Cesar Cuntapay, Region XI; Rogelio Garcia, Region XII; Emmanuel Lumanao, Region XIII; Franklin Quijano, Region X; Noli Garcia, Region XI; at Datu Apan Piang, ARMM secretary-general.
    
Si Cesar R. Ledesma, isa sa mga nagtatag ng partido ay siya namang  pinuno ng secretariat ng PDP-Laban Mindanao Area Council.
    
Ang manifesto na bunga ng isang pagpupulong nuong Agosto 24, 2017 ng mga PDP-Laban stalwarts sa Tagum City, ay humihikayat kay Pimentel na pag-usapan ang mga problema at isyu ng partido at gumawa ng kaukulang pagtatama sa mga ito.
    
Sinabi naman ni  Cuntapay, presidente  ng regional council for Southern Mindanao, na dapat ay payagan ng National Council ang  regional councils sa Mindanao na magkaroon ng awtonomiya na magpalakad sa kanilang nasasakupan na siya namang pinahihintulutan ng party charter.
    
Hiniling din ng MAC sa National Council na pigilin si House Speaker Pantaleon Alvarez sa ginagawa nitong mass oath-taking ng mga bagong miyembro na hindi naman dumadaan sa tamang rekesitos ng PDP-Laban Constitution.
    
Sa nasabing manifesto din ay idineklarang ‘persona non grata’ sa Mindanao  si Alvarez “for ignoring the regional councils and for undertaking actions in violation of the Party Constitution and Principles.”
    
Nagbanta ang grupo na sakaling hindi maayos ang “ideological differences” sa gitna ng national party leadership at ang MAC, handa ang liderato ng Mindanao bloc “na tumiwalag sa administrative control” nina Pimentel at  Alvarez.
    
Nagpahayag naman sila ng patuloy na suporta kay  Duterte sa kanyang adbokasiya para sa Federalismo, laban sa droga, kriminalidad, korapsyon at mga makataong inisyatibo.
    
Pero sana ay maayos ang problema ng PDP-Laban. Maraming suliranin ang nalulutas sa mabubuting usapan.
    
Kahit papaano ay nakasalalay sa partido ang tagumpay ng Pangulo sa pagpapatupad ng kanyang mga programa para sa bayan.

* * *
    
For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.