5,249 guests

Support our Philippine Air Force

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 57

ISANG malaking karangalan na maimbitahan kami ni Vice Mayor Jeannie Sandoval sa ika-70 na anibersaryo ng ating Philippine Air Force. Ginanap ang simpleng pagdiriwang sa Clark Air Base sa Pampanga.

Nakakahanga nga ang pinakitang dedikasyon ng mga miyembrong Air Force sa okasyon na ’yun. Hindi sila natinag sa malakas  na pagbuhos ng ulan habang nagtatalumpati ang panauhing pandangal na si Pangulong Duterte.
    
Kapansin-pansin din ang malasakit ng Pangulo sa tropa dahil tinapos niya agad ang kanyang talumpati dahil, ani niya, hindi siya kumportable na nauulanan at giniginaw ang kasundaluhan. Alam kong alam ni Pangulong Duterte na balewala sa mga tropa ang ulan dahil kasama naman talaga sa training nila ang sumabak sa anumang sungit ng panahon. Pero ang mga simpleng pahayag na ito ang dahilan kung bakit nananatiling mataas ang tiwala ng mga sundalo sa kanilang Commander-in-Chief.
    
Mas ipinaramdam pa ng Commander-in-Chief ang malasakit sa Air Force nang inanunsyo niya ang pagsuporta sa modernisasyon ng Philippine Air Force. Alam niyo ba na noong 2005, ay wala nang fighter jets ang Air Force? Noong 2005, pinagretiro na dahil hindi na ligtas gamitin dahil sa kalumaan ng mga Northrop F-5s. Ang masaklap dito, pinagretiro ang mga Northrop F-5s nang walang nakaplanong replacement.
    
Ang ginawang remedy dito ay ang paggamit sa Aermacchi S-211 para punan ang kawalan ng fighter jets. Subalit, ang mga Aermacchi S-211 ay trainer jets lang. Samakatuwid, iyong ginagamit ng mga Air Force para sa kanilang practice ay nilagyan lang ng kaunting armas para naman may ‘fighter jet’ tayo.
    
Kaya nga naging tampulan ng biro ang Air Force dati na panay ‘‘Air’’ lang pero walang “Force”. Pero may malaking pagbabago na sa PAF.
    
May ginawang modernization plan ang PAF na tinatawag nilang Philippine Air Force Flight Plan 2028. Isa itong long-term na plano para maging world-class ang ating PAF hindi lang sa kagamitan kung hindi pati sa kakayanan ng mga sundalo.
    
Ayon kasi sa datos, isa ang Pilipinas sa maliit ang ginagastos para sa military. Nangunguna siyempre ang bansa gaya ng China. Pero dahil sa New AFP Modernization Act, naka-programa na gugugol ang pamahalaan ng P85 billion sa loob ng limang taon para sa Armed Forces of the Philippines. Hindi lang sa PAF nakalaan ito dahil kahati rin sa budget na ito ang Philippine Army at Philippine Navy.
    
Pero sapat na ito para makabili ang PAF ng fighter jets at Ground-based Air Defense System noong 2016. At makakabili na rin ang PAF ng karagdagang fighter jets at Long Range Patrol Aircraft nitong 2017.
    
Paunti-unti ang pagbili ng makabagong gamit pero ang mahalaga ay umuusad ang PAF sa plano nitong modernisasyon. Kitang-kita naman natin ang kahalagahan nito dahil sa agawang teritoryo sa West Philippine Sea at sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi. Dagdag pa rito ang pangangailangang protektahan ang Benham Rise na pinangalanan nang Philippine Rise ng pangulo. Hitik ang Philippine Rise sa yamang-dagat kaya tiyak na maraming gustong umangkin dito.
    
Hindi maikakaila ang malaking papel ng PAF hindi lang sa pagprotekta sa ating teritoryo kung hindi pati na rin sa disaster response and rescue. Sila ang pangunahing naghahatid ng relief goods sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad. Kaya nga sisiguruhin ko, bilang Senior Vice Chairman ng House Appropriations Committee, na patuloy ang alokasyon ng Kongreso ng kinakailangang pondo ng PAF at buong Armed Forces. Alam kong suportado ako dito ng mga kasamahan ko sa Kongreso lalo na’t paparating nang muli ang budget deliberations.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandovalo i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)