5,362 guests

Suspindihin si ERC Chairman Salazar

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 274

MISMONG mga kasamahan ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar ang nagsampa ng reklamo laban sa kanya sa Civil Service Commission (CSC).

Ito’y dahil sa ‘misconduct’ o masamang gawain, partikular na sa pagpapalabas ng appointments at reassignments sa ilang opisyal nang walang kaukulang pahintulot mula sa buong komisyon.

Sa sumbong nina ERC Commissioners Alfredo Non

, Josefina Magpale-Asirit, Gloria Yap-Taruc at Geronimo Sta. Ana, hindi dapat basta nagpapalabas ng kautusan si Salazar nang walang anumang konsultasyon o pag-apruba mula sa kanilang hanay.
   
Partikular sa kanilang tinutukoy ay ang pagtalaga ni Salazar kay Ronaldo Gomez bilang officer-in-charge-executive director kahit na ito’y naka-leave sa puwesto.
   
Dating Chief Energy Regulation Officer sa ERC Mindanao Field Office si Gomez, ngunit ito ang na-promote sa puwesto, kahit na ang mga tunay na nasa ‘next in line’ ay sina ERC Directors Atty. Floresinda Baldo-Digal, Atty. Debora Anastacia Layugan, at Atty. Maria Corazon Gines.
   
“Salazar’s appointment of Gomez thus bypassed the directors who are next in rank, in violation of the implementing rules and regulations of the Republic Act 9485 or the Anti-Red Tape Act which prescribes the order of priority among officials,” anang reklamo ng mga komisyuner.
   
Dahil dito, hiniling ng mga komisyuner na suspindihin si Salazar upang maiwasan ang anumang pag-tamper sa ilang ebidensiya na magbibigay-diin sa maling pamamalakad nito.
   
Isinulat ko kamakailan ang posibleng pagsiklab na naman ng panibagong anomalya sa ERC matapos i-award ni ERC 2016 BAC-Chairman Alfredo Vergara sa APO Production Unit ang kontrata para sa pagpapa-imprenta sa ‘meter sticker’ na nagkakahalaga ng P4 million.
   
Wala tayong problema kung APO nga ang nanalo.
   
Kaso, walang naipakitang sapat na ‘security features’ ang APO na delikado hindi lamang sa gobyerno kundi sa taumbayan na rin mismo.
   
Ang tinutukoy natin dito ay ang iiwang marka na tatak o logo ng ERC sa tuwing tatanggalin ang pagkakadikit ng sticker sa ating metro.
   
Mahalaga ang seguridad na ito dahil hindi basta mananakaw ang ating kuryente ng sinuman bunsod na rin sa mahahalata agad kung may gagalaw sa pagkakadikit sa sticker.
   
Maiiwasan ang tampering o pagnanakaw sa kuryente na hindi na dapat pang balikatin sa bayarin nating ‘end users.’
   
Paulit-ulit kong sinasabi na maliit na halaga lamang ang P4 million na nakataya sa nasabing kontrata, ngunit malaking bagay ang pagkakaroon ng sapat na ‘security features’ na hindi dapat balewalain ng buong opisyal ng ERC.
   
Ngayong pinagtutulungan na ng mga mga miyembro ng komisyon si ERC Chairman Salazar, inaasahan kong marami pang baho ang lalabas sa komisyon.
   
Ayaw ko kasing isipin na dahil lamang sa maling desisyon sa itatalagang tao ni Salazar kaya nagrereklamo ang ilang komisyuner. Pangit kasing tingnan na sa ‘bata-bata system’ lamang nakatuon ang buong opisyal ng ERC, samantalang mas mahalagang pagtuunang pansin ngayon ang pagbabantay kung anu-ano pa ang mga anomalyang posibleng sumambulat sa buong kagawaran.
   
Lalo na’t hanggang ngayon ay wala pa ring nakakamit na hustisya sa pagkamatay ni ERC director Jun Villa na nag-suicide nang hindi masikmura ang talamak na alingasngas sa pamunuan ni Salazar.
   
Mismong si Pangulong Duterte na ang nagsabing dapat mag-resign ang buong komisyon, pero dahil ‘fix term’ ang kanilang puwesto, kapit-tuko ang mga kumag sa kani-kanilang posisyon.
   
Hindi na nga natakot si Salazar kay Digong, lalong hindi pa rin natakot si Salazar sa Kongreso na nagsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ni Villa.
   
Kung ako sa CSC, Ombudsman at Commission on Audit, isa-isahin ko nang busisiin ang iba pang kalakaran sa ERC para mahubaran ng maskara kung sinu-sino sa kanila ang halimaw sa paggawa ng korapsiyon.