5,053 guests

Talaga palang Secretary Pabaya!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 364

NGAYON lang ako nakakita ng nagrereklamo na hindi alam kung ano ang kanyang inirereklamo.

Halos mahulog ako sa aking kinauupuan nang marinig ko ang sagot ni Magdalo Congressman Alejano na ang authentic news reports, internet sources ang laman ng kanyang mga annexes sa impeachment laban kay Pangulong Duterte.
    
Kahit grade one ay alam na hindi makakatayo bilang ebidensiya sa kahit anong prosesong legal ang paggamit ng newspaper clippings at unreliable internet sites.
    
Mabuti na ring naibasura ang impeachment case laban kay Duterte dahil lumitaw na tsismis ang laman ng alegasyon.
    
Ibig sabihin, kung lalawig pa ang usapin, para lang tayong nanonood ng sarsuelang giba-giba!

* * *
    
Isa pang hindi ako makapaniwala ay kung paano sinagot ni former Transportation Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya ang mga tanong sa pag-iimbestiga ng komite ni Senadora Grace Poe ukol sa maintenance contract ng MRT 3.
    
Ang pagkaalam ko, West Point graduate itong si Abaya na masasabing dapat ay mataas ang kanyang sintido-kumon.
    
Ayon kay Abaya, pinirmahan na lamang niya ang maintenance contract sa halagang P54 million/month pabor sa APT Global-PH Tram dahil alam niyang naayos naman na ni dating Secretary Mar Roxas ang detalye nito bago nag-resign.
    
Hello, wala na kayo sa posisyon, ginagawa n’yo pa rin tanga ang ating mga kababayan. Hindi mo alam na taga-Liberal Party Pangasinan Chapter ang may-ari ng PH Tram na kasama palagi sa kampanya ng inyong partido?
    
Saan ka naman nakakita ng kompanyang ang puhunang nakadeklara sa Securities and Exchange Commission ay P650,000 lang pero nakakuha ng buwanang kontrata na P54 million para sa maintenance ng MRT 3?
    
Baka nga pedicab lang ang kayang ayusin ng kompanya ng LP partymate n’yo pero hinayaan n’yong mag-expire ang kontrata ng Sumitomo para lang mapagbigyan ang inyong kapartido.
    
Hindi man lang nahihiya si Abaya sa kanyang isinagot?
    
Anong klaseng genius kaya ang taong ito?
    
Ngayon alam na namin kung bakit parang cancer ang sakit na inabot ng ating mga tren at riles dahil ganito palang klase ng opisyal ang namahala!
    
Mas lalo tuloy nagtatanong ang bayan kung bakit hindi nakasama sa mga kinasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales si Abaya at ang kanyang pangkat na nagpabaya sa MRT!
    
Sa mga sagot niya sa Senado, lalong pinatunayan ni Abaya na talagang Secretary Pabaya siya!

* * *
    
Nagtataka naman ako sa mga adik.
    
Alam na nga nilang may nakahanda nang kabaong sa kanila kapag hindi sila nagbagong buhay, patuloy pa rin sila sa pagdudroga.
    
Hindi man sila mapatay sa police operations, tiyak na ang mga karibal nila sa negosyo o kaagaw nila sa jamming ang posibleng yumari sa kanila.
    
Kung mahal n’yo ang inyong pamilya, magsitigil na kayo sa paggamit ng illegal drugs dahil wala talaga kayong magandang kinabukasang makukuha d’yan.
    
Hindi natin masisisi ang Duterte administration sa matinding kampanya laban sa droga dahil grabe ang ginagawang pinsala ng mga adik sa bayan.
    
Araw-araw ay nagbibilang tayo ng bangkay dahil mukhang walang balak tumigil ang mga pusher at user sa kanilang mga bisyo.
    
Parang awa n’yo na, magbagong-buhay na kayo bago pa mahuli ang lahat.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.