6,416 guests

Tsapa ni Noynoy

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 214

MAHIRAP mabura ang tsapa ni Noynoy.

Iyong ibang nakikita nating tsapa, naka-pin lang sa dibdib kaya may mga pagkakataong naaalis
din sa may suot.

Pero ang tsapa ni Noynoy, kakaiba, nakaukit sa kanyang noo kaya sa tuwing makikita siya ng
publiko, naaalala agad ang kapabayaan sa Yolanda, kapabayaan sa hostage sa Luneta, kapabayaan sa baha
sa Bulacan, kapabayaan sa giyera sa Zamboanga, pagpapakasaya sa DAP, pagkunsinti sa mga kapartido,
kaklase, kabarkada, pagkakaloob ng MRT maintenance sa LP member, pagsisi sa napatay na 19 Marine
soldiers sa Al Barca, Basilan at ang pagmasaker sa SAF44.
    
Ito pa lang ang mga naalala ko pero tiyak, mas marami pa ang nakamarka sa ating mga kababayan
na naging biktima ng kanyang noynoying sa loob ng anim na taon.
    
Ito lang ang nakita kong lider na takot sa pananagutan. Hanggang sa huling sandali ’ata ng
kanyang hininga ay si General Getulio Napeñas pa rin ang kanyang sisisihin sa pagkamatay ng SAF44 na
minasaker ng kanyang ka-peace talk. Hindi niya masagot kung bakit walang ipinadalang responde sa buong
maghapon na banatan.
    
Bagama’t sa tingin natin ay mahina ang kasong isinampa ng Ombudsman laban kay Noynoy, nakita
pa rin ang usual Noynoy na wala pang inakong pagkakasala.
    
Mukhang pumasok na sa kanyang sistema na lahi sila ng mga santo at santa na kailan man ay
hindi magkakaroon ng kasalanan.
    
Ganyan ang klase ng pulitika at karakter ng LP kaya kung inyong mapapansin, halos lahat sila
ay walang ginawa sa buhay kung hindi sisihin si Pangulong Duterte.
    
Magmula sa unang araw pa lang ng pag-upo ni Duterte, nag-alkansiya na sila ng mga magiging
pagkakamali sa salita at sa gawa ni Digong. Ang mabigat nga sa kanila, parang mga nagpagpag lang ng
dumi sa balikat kaya akala nila ay wala silang kasalanan sa bayan.
    
Ako nga minsan ang tinitindigan ng balahibo sa kanilang mga pagbatikos sa palagiang pagkasira
ng MRT, sa matinding traffic sa Edsa at nangyaring gulo sa Marawi.
    
May mga hashtag pamana raw ni Duterte ang Edsa traffic, Marawi siege, madalas na MRT bogdown
at ang pagkakapuslit ng P6.4 bilyong shabu sa Customs.
    
Wala sigurong salamin sa bahay ang mga taong ito kaya hindi nila nakikita ang dungis na
kanilang iniwanan bago nawala sa poder ang LP.
    
Nakalimutan na ang Edsa traffic ay dulot ng pagpapatigil ni Noynoy sa MRT 7 constructions mula
North Ave., QC hanggang sa San Jose Del Monte, Bulacan. Nakalimutan din nila na lahat ng big tickets
projects tulad ng NLEX at SLEX connector elevated roads ay hindi nila natapos. Hindi rin nila maalala
na ang kanilang LTFRB chair na si Winston Ginez ang nag-apruba ng libu-libong Grab, Uber at Prime taxi
na nagpalobo ng populasyon ng sasakyan sa Metro Manila lalo na sa Edsa.
    
Hindi na rin ’ata nila maalala na ang LP member ay napaboran ni former DOTr secretary Abaya
para sa maintenance at inalis ang Japanese company na Sumitomo na train maintenance expert. Doon
nagsimula ang malaking pinsala ng MRT3 dahil iyong kompanya ng taga-LP ay walang alam sa maintenance
kahit bisikleta. Hindi pa ba makukulong ang mga taong ito?
    
Iyon namang Marawi conflict, ganoon ba kabilis makaipon ng bultu-bultong armas ang Maute at
ganoon din ba sila kabilis makapaghukay ng mga tunnel? Wala pang isang taon si Duterte nang mangyari
ang Marawi noong May 23, 2017, ibig sabihin, lahat ng logistical augmentation ng mga bandidong Maute
at ang paghuhukay ng underground tunnels ay nagawa noong mga nakaraang taon nang wala man lamang
ginawa ang Noynoying government.
    
Doon naman sa shabu shipment sa Customs na mahigit 600 kilos, malinaw na systemic na ito bago
pa ang Duterte administration. Ibig sabihin, matagal na itong ginagawa ng sindikato pero ngayon lang
nabuking sa panahon ng bagong administrasyon.
    
Kung hindi pa rin naiintindihan ng tropang dilaw ang mga katotohanang ito, talagang masyadong
mataas ang dosage ng pampamanhid na naiturok sa kanila pagkaalis sa puwesto kaya ganoon na lang sila
mambatikos sa Duterte government at nalimutan na sila lahat ang may kagagawan ng lahat ng dusa ng
ating bayan ngayon!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.