5,891 guests

Tuli

  • Written by Ike C. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 177

Postmortem

NOONG aking kamusmusan isang kinatatakot kong bagay ay tuli. Ngunit laging pinapayapa ako ng pumanaw na Mamay Cito. Huwag kang mag-alala. Mabilis. ’Di masakit. Isang pukpok lang. Ngunit ’di nabawasan ang pangamba ko.

Dekada 50’s. Edad anim ako noon at nasa ikatlong baitang ng elementarya. Ang eskwelahan ay ’di kalayuan sa bahay. Nilalakad ko lang.

Ang aking inay at Lolo Cito ay nagtuturo duon.

Tahimik na panahon. Masayang panahon. Singko sentimos lang ang baon ko araw-araw. Sapat pambili ng isang basong gulaman at saging na barbeque. Para madagdagan, dadaan ako sa kwarto ng lolo. Ngingiti kaagad siya sabay abot ng singko sentimos. Hahalikan ko siya at tuwang-tuwang tatakbo sa labas. Anim na kaeskwela ang naghihintay para mapaghatian namin ang mabibili sa bigay ni lolo.

Kahit sa aming kamusmusan, napaguusapan na namin ang tungkol sa tuli. Kapareho kong natatakot sila. At pinuputol namin ang paksa.
    
Isang tag-araw ng Sabado de Gloria sinubukan kong manood ng pagtutuli sa tabi ng magalaslas na ilog. May hawak na makintab na labaha ang matandang tumutuli. Pipiringan ang bata at pinangunguya ng berdeng dahon ng bayabas. Pagkatapos ng isang malakas na pukpok sa labaha at sigaw ang aking narinig. Dito na ako sasakmalin ng matinding takot. At ako’y kakaripas ng takbo sa bahay. Hanggang ngayon ’di maalis sa isip ang alaalang iyon,
    
Pagkaraan ng limang taon may nagtayo ng medyo modernong medical clinic ’di kalayuan sa bahay. Dagsa ang pasyente. Pitong araw isang linggo.
    
Isang Sabado ng umaga, ginising ako ng tatay. Maligo ka. Patutuli na kita. Diyan kay Dr. Alvarado. Hindi sa tabi ng ilog. Nagtambol ang dibdib ko sa matinding takot. Ngunit nabunutan ako ng tinik. Huwag kang matakot. ’Di labaha. At walang bayabas. May tinuturok na anesthesia. Madali lang. Halika na. Bigkas niya.

* * *

SAMUT-SAMOT
    
Binabati at pinasasalamatan ko ang isang masugid na tagasubaybay -- Manolo Viray, former Philam Life employee. Isang matalik na kaibigan sa media ang nagbanggit sa kanya na isang “avid Postmortem” reader. Wari ko’y kasing edad ko rin siya (74), isang mabait at mababang loob na nilalang, naglakbay ng maayos at may pananalig sa Diyos, sa buhay.  Mabuhay ka, Manoling!
    
Nakakataba ng puso at nagbibigay sa akin ng ibayong inspirasyon. Ganitong balita ang aming ’di-mababayarang “pabuya” sa pagsusulat. Ang basahin ka at purihin ang iyong sinulat. Maraming salamat, uli, Manoling. Sana’y magkita tayo ng personal.

* * *
    
Let go. Move on. Ganito ang mabisang paraan sa pagharap sa masalimuot na hamon ng buhay. Mga nakalipas na pangyayari ay ’di na babalik, o pwede pang isaayos matapos gawin lahat na paraan. Iwasan ang pagmumukmok. Bagong umaga, bagong pag-asa. Bagong problema. At bagong pakikipagtunggali.
    
Mahal na Panginoon mismo ang nakaranas ng ganitong sitwasyon ng buhay sa mundo. Minahal, tinuligsa, pinagtaksilan -- at nagdusa. Ngunit lahat ay binalikat Niya. We are only passing through. Our eternal home is not here. Let go. Let God.

* * *
    
Dumadagundong na ang tinig ng alarma sa pagtatalaga ng ’di iilan ex-military generals sa Gabinete. Pinakahuli ay sa DENR at DILG. Kahit saan ahensiya ’di maaaring walang ex-military appointment. Nariyan ang Customs at LRT.
    
Unang sinuyo ng administrasyon pagupo nito ay ang military at police sector. Kung anu-anong pabuya at incentives ang ipinangako. Bakit? ’Di ba tayo ay civilian government? Kailangan lakasan pa ang piyok.

* * *
    
Napahimbing ang tulog ko kahapon. Pag-gising sa umaga relaxed at refreshed. Nagalak ako. Dati rati’y nanghihina ako pagkagising. Kailangan iunat mga paa at kamay na namamanhid. Nagpasalamat ako sa Itaas.
    
Napakaganda rin ng aking napanaginip. Mga kalaro nung kabataan at kaeskwela nung high-school. Buhay na buhay pa sila. Parang ibinalik sa aking mata ang oras at panahon.
    
Nagpasalamat ako sa Panginoon sa isa pang umaga. Alam ko na magwawakas din. Kaya I live one day at a time. Pinaglalabanan kong huwag mag-over worry sa ano pang darating. ’Di natin alam kung may darating pa.