6,939 guests

Tulong naman sa 84th Seaborne Company ng SAF

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 2576

BIGLANG naantig ang ating damdamin nang mabalitaang tuluy-tuloy ang ipinamimigay na ‘financial assistance’ ng pamilya Binay sa mga miyembro at naulila ng miyembro ng Special Action Force (SAF) na napalaban sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
    
Kamakailan kasi, mismong si Mayor Junjun Binay ang nagbigay naman ng tig-P100,000 sa 19 na miyembro ng 84th Seaborne Company ng SAF na buong tapang na nakipagsagupa sa mga bandidong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ikinamatay ng 44 nilang kasamahan.
    
’Wag lang tayo ma-misinterpret, lahat ng tulong at simpatya kasi ngayon ay nakatuon sa pamilya ng Fallen 44, pero sa mga kasamahan nilang sugatan at nakaligtas sa malagim na engkuwentro ay para naman silang napabayaan din samantalang pare-pareho silang bayani ng bansa at biktima ng maling ‘judgement call’ mula sa ating Commander-in-Chief Noynoy Aquino na ayaw pa ring mag-I am sorry hanggang ngayon.
 
Ayon kay Mayor Binay, hindi rin dapat kalimutan ang katapangan at kabayanihan ng naturang SAF members. “They should not become the Forgotten 19,” anang alkalde.
   
Mismong si Binay ang nag-abot ng tig-P100,000 na tseke sa 19 SAF personnel, na hindi na pinangalanan ayon na rin sa kanilang kahilingan. Naganap ito noong nakalipas na Martes o March 3.
   
“This is the least we can do to show our appreciation of their dedication to their duty,” dagdag pa ni Binay.
   
Una nang binigyan ng tribute ng Makati City government, kasama si Vice President Jejomar Binay at asawa nitong si Dr. Elenita Binay, at anak na si Senator Nancy Binay, ang 44 SAF members na nasawi sa Mamasapano encounter. Binigyan din ang mga naulila ng tig-P100,000 tseke, at iba pang uri ng assistance tulad ng scholarship sa University of Makati, medical services at housing benefits.
   
Binisita rin ng mga Binay at binigyan ng tig-P100,000 tseke ang 17 sugatang SAF members na nakaligtas sa madugong operasyon.
   
Nagagawa ito ng pamilya Binay ngayon sa kabila ng kinakaharap nilang ‘pagsubok’ sa buhay bunsod na rin ng mga ibinabatong intriga laban sa kanila.
    
Ibig sabihin, hindi sila nagpapaapekto sa gulo ng pulitika. Basta ang importante sa kanila, normal na ipinagpapatuloy ang kanilang pagtulong sa mga kababayan nating mahihirap.
    
Higit na nakabibilib sa ginawang ito ni Mayor Junjun ay siya lamang yata ang nabalitaan nating pumansin sa mga buhay at nakaligtas na SAF members sa Mamasapano massacre.
    
Matatandaang kabuuang 392 SAF troopers ang lumusob sa 5th class Municipality ng Mamasapano sa Maguindanao. Sa lugar kasing ito nagkukuta ang MILF at BIFF na kumanlong din sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alias Marwan at Filipino bomb-making expert Basit Usman na may patong sa ulo na $6 million.
    
Tatlumpu’t pito ang nagsilbing assault force mula sa 84th Seaborne Company, samantalang, 35 naman nilang kasamahan mula sa 55th at 45th Special Action Company ang nagsilbing blocking at reinforcement force.
    
Napatay si Marwan, ngunit nakatakas si Usman.
    
Ang mabigat dito, 34 mula sa 35 miyembro ng 55th SAC ang nasawi. Ang 10 pang commandos na casualties ay mula naman sa 84th Seaborne company, habang 15 pa nilang kasamahan ang sugatan.
 
Bumuhos na ang tulong sa pamilya ng namatay, pero para namang ‘ambon’ lang ang inabot na simpatya at donasyon ng iba pang SAF commandos na lumusob at napalaban sa Mamasapano clash.
    
Buti na lang, ayon sa ibang nakaligtas na SAF commandos, may Mayor Junjun Binay ang nakapansin sa kanila at nagbigay ng ayuda.