5,814 guests

Tuluy-tuloy ang trabaho sa NPC

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 244

BAGO ang lahat, sinserong pasasalamat kay “kapatid” na Itchie Cabayan at Jerry Tan sa kanilang ginawang “pag-alalay” sa NAIA nang dumating ang aking ina kahapon mula sa ’Tadong Unidos kaya naging ‘smooth sailing,’ wika nga, ang lahat. 

“Deeply touched” naman talaga ako, Boss Gus V at Mayor Fred Lim dito sa dalawang “anak” mo, sniff, sniff, hehehe!
   
Kudos din sa iba pa nating kapatid sa NAIA Press Corps katulad ni kasamang Raoul Esperas sa ’sansaglit -- subalit “masustansiya” naming kuwentuhan. Regards ulit, brod!
   
At kudos na rin sa bagong pamunuan ng NAIA sa pangunguna ni GM Ed Monreal.
   
Talaga nga yata na “dumating” na ang pagbabago sa NAIA dahil sa halip na batikos st kritisismo, aba’y ‘all praises’ ang mga taga-media dito kay GM Monreal -- hindi katulad ng kanyang pinalitan, hahaha!

* * *

Sadyang ang bilis din talaga ang panahon.
   
Magiisang taon na ang bagong nahalal na mga opisyal ng National Press Club (NPC) sa pangunguna ng inyong lingkod bilang presidente at talaga namang hindi naging madali ang pagharap sa mga hamon at pagsubok para maituloy at itaguyod ang mga nasimulan nang mga reporma at mga programa para sa interes ng Press Club.
    
Kaya naman maraming salamat muli sa mga nagtiwala at patuloy na sumusuporta sa mga programang patuloy nating isinusulong sa kabila ng mga limitasyon na meron tayo sa ngayon.
    
Sa mga pagsisikap natin, kasama ang UNTV, patuloy pa rin ang libreng medical at  dental mission kada buwan sa ating mga kapatid sa midya, kanilang pamilya at simula nitong Pebrero, maging ang mga kapulisan, kanilang mga pamilya at kalapit na komunidad sa mga press corps ay kasama na sa mga napagsisilbihan natin.
    
Patuloy pa rin nating natutugunan ang scholarships ng mga anak ng kapatid natin sa midya at ngayon nga ay muling nakapagpatapos na tayo ng ilan sa kanila.
    
Sa mga kasamahan naman natin na nais din na makapagpatapos ng kanilang mga kurso sa undergrad at masteral, patuloy tayong nagbibigay ng pagkakataon sa kanila sa Polytechnic University of the Philippines at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
    
Para naman sa mga nais mabigyan ng ibang kasanayan at makatulong sa iba pang kabuhayan, katuwang natin ngayon ang TESDA sa pagbibigay ng mahigit 200 technical at vocational skills para sa ating mga miyembro at kanilang pamilya -- LIBRE.
 
Inilunsad din natin nito lamang Marso ang paglalabas ng ating commemorative book sa naging matagumpay na selebrasyon ng ating ika-64 na anibersaryo noong nakaraang Oktubre. Sa mga nagpaabot ng kanilang ‘appreciation’ sa ating commemorative book, maraming salamat po!
   
Sinuportahan din natin ang kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte sa pagkakaroon natin ng surprise drug tests sa ating mga miyembro.
   
Isa lang sa higit 150 miyembro ng NPC na dumaan sa ating surprise drug test ang nagpositibo at tinanggal na natin (expelled) sa listahan bilang miyembro ng Press Club. Ang sino mang ‘expelled member’ ay hindi na maaaring makabalik bilang miyembro -- kahit kailan.
    
Patuloy din tayong sumusuporta sa Presidential Task Force on Media Security sa pangunguna ni dating NPC President Joel Egco para tugunan ang mga problema sa seguridad ng midya.
   
Patuloy pa rin nating sinusuportahan ang mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan massacre. Nito lamang Oktubre, naglunsad tayo ng benefit concert para sa kanila at nakakalap ng P50,000 para sa mga pamilya.
    
Sinuportahan din natin ang pagtatatag ng mga press corps sa mga probinsiya na nangangailangan ng suporta ng Press Club. Kabilang na dito ang Nueva Ecija Press Corps na nanumpa ng kanilang bagong mga opisyal nitong Enero.
 
Inaayos din natin ngayon ang “legal papers” ng NPC at nahahalungkat natin ang mga katiwalian ng mga nagdaang opisyal na nang-abuso at ginawang gatasan ang Press Club imbes na maglingkod sa mga miyembro nito.   
           
Sa bagay na ito, abangan ang mga susunod na kabanata!
   
Sa ngayon, nagpapatuloy ang iba’t ibang fund raising projects natin para tugunan ang pinansiyal na pangangailangan para mas maisulong at mapaunlad pa ang ating mga nasimulan.

Sa darating na Mayo Uno, sa pakikipagtulungan ng Philippine Racing Commission, PAGCOR, PCSO at iba pang ‘corporate partners,’ magkakaroon tayong muli ng pakarera sa Sta. Ana Race Track sa Cavite at katulad ng dati, ang kikitain dito ay magsisilbing dagdag na pondo para sa ating mga proyekto.
   
Ilan pa lamang ito sa mga programang ating patuloy na isinusulong at sinisikap pang mapaunlad. Kaya naman sa nalalabing  isang taon bago ang susunod na eleksiyon ng NPC, tuluy-tuloy pa rin ang ating tapat at sinserong paglilingkod.
   
Mabuhay ang National Press Club!