4,706 guests

Uso ngayon ang Impeachment

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 405

Pointguard

PUBLIC OFFICE IS A PUBLIC TRUST. Ang tungkulin-bayan ay isang mabigat na pananagutan. Pinandidilatan ng atas na ito ng Artikulo XI ng 1987 Saligang Batas ang lahat ng may katungkulan sa pamahalaan, halal man o hinirang, opisyal man o kawani.

Ang impeachment ay proseso na hawak ng lehislatura upang patalsikin sa puwesto ang mga mataas na opisyal ng pamahalaan sa ehekutibo (Presidente at Bise-Presidente), hudikatura (mga mahistrado ng Korte Suprema), mga miyembro ng mga komisyon na tinatag ng Saligang Batas (COMELEC, COA, CSC, CHR), at ang OMBUDSMAN. Ang impeachment ay bahagi ng “check and balance” na isang prinsipyo ng demokrasya na nakapaloob sa ating Saligang Batas.

Ang salitang “impeachment” ay galing sa Middle English na “empechen” na isang pandiwa na ang kahulugan ay hadlangan o paratangan. Mula rin ito sa Latin “impedicare” na ang ibig sabihin ay isangkot o lagyan ng tanikala para hindi makatakbo o makaalpas. (http://opinion.inquirer.net/19325/impeachment-for-dummies, retrieved Sept. 8, 2017)

Pagdating sa impeachment, ang Saligang Batas ng 1935 at 1973 ay halos parehas sa 1987. Dinagdag lamang sa huli ang “betrayal of public trust” na batayan ng reklamo ng impeachment.

Sina Elpidio Quirino, Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos, Corazon Aquino, Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno Aquino III ay humarap sa impeachment ngunit ang mga reklamo ay ibinasura ng Kongreso na nag-imbestiga kung may sapat na batayan at ebidensiya upang iakyat sa Senado upang litisin ang presidente. (Half of PH presidente faced impeachment raps, July 21, 2014, Philstar.com, retrieved on September 8, 2017).

Tanging ang impeachment complaint laban kay Joseph Estrada nuong taong 2000 ang umabot sa paglilitis sa Senado subalit hindi na ito natapos sapagkat nagkaroon ng People Power EDSA 2 nang hindi pinabuksan ng mga senador ang isang envelope na hinihinalang naglalaman ng mabigat na ebidensiya laban kay Estrada. Isa ako sa mga kongresista ng oposisyon nuong mga panahong iyon na nag-endorso ng impeachment na ito. Malaking bahagi ng impeachment complaint laban kay Estrada ang ibinunyag kong “hot cars” na pinamigay ni Estrada sa kanyang mga alipores sa Gabinete na labag sa batas.
    
Tanging ang reklamo kay Chief Justice Renato Corona ang nagkaroon ng hatol sa Senado nuong 2011. Hindi ako kasama sa 188 kongresista na nag-impeach kay Corona dahil ako ay naniniwala na walang sapat na ebidensiya laban sa kanya. Hindi ko rin maatim na patalsikin sa puwesto ang taong nagbigay ng hatol na ang libu-libong hektarya ng lupa ng Hacienda Luisita ay dapat saklaw ng land reform. Kapalit ng hindi ko pagsama sa impeachment kay Corona ang paglaho ng dagdag na pondo para sa aking distrito. Pinili ko ang prinsipyo.
    
Kaya naman tuwing magkikita kami ni CJ Corona pagkaraan na siya ay maalis sa puwesto, mahigpit ang kanyang pisil sa aking kamay bilang pagkilala sa aking sakripisyo at paninindigan. Ako lang ang kanyang fraternity brother at dating estudyante sa Ateneo Law School sa Kongreso na natira sa kanyang tabi.
    
Ang impeachment laban kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez ay hindi na umabot sa Senado sapagkat nagbitiw na ito sa puwesto.
    
Samakatuwid, hindi biro ang impeachment. Seryoso at mabisang sandata ito upang mapatino ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
    
Sa kasalukuyan, may mga impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ayon sa balita, may paparating ding impeachment laban kay Comelec Chairman Andres Bautista at Ombudsman Conchita Carpio Morales.
    
May mga nagsasabi na huwag abusuhin ang proseso ng impeachment dahil hihina daw ang mga institusyon ng demokrasya ng ating bansa. Paraan daw ito para takutin ang mga matataas na opisyal na yumuko at sumunod ng pikit bulag sa kagustuhan ng lehislatura at mga naghaharing uri.
    
Sa aking palagay, kabaligtaran ang mangyayari. Lalong titibay at lalakas ang mga institusyon ng demokrasya sa bansa. Pinapakita na may mabisang paraan upang panagutin ang mga matataas na opisyal ng bansa sa kanilang kasalanan sa taong-bayan -- ang sinasadyang paglabag sa mga atas at prinsipyo ng Saligang Batas, ang pagtataksil sa Pamahalaan ng Pilipinas, ang pagtanggap ng suhol, ang korapsyon at pandarambong at ang pagtataksil sa tiwala ng taong-bayan. Hindi lalaki ang mga ulo at mananatiling nakasayad sa lupa ang mga paa ng matataas na opisyal na maaaring ma-impeach.

Masisira lamang ang sistema ng impeachment kung ang mga mambabatas na magsisiyasat sa Malaking Kapulungan at ang mga senador na maglilitis ng kaso ay magpapadala sa kanilang kahinaan at paiiralin ang pansariling interes tulad ng pagtanggap ng dagdag na pondo para sa kanilang mga distrito o pabor na maaaring igawad ng sinasakdal na opisyal. Pakatandaan nila sa lehislatura, na dati’y bahagi ako, na sila rin ay saklaw ng atas na ang tungkuling-bayan ay malaking pananagutan sa taong-bayan.
    
Ang dapat manaig ay ang kapakanan ng taong-bayan. Ang ginawa bang kasalanan ng mataas na opisyal ay napakalubha at nagsisilbing balakid sa katarungan, kaayusan at kaunlaran ng ating bansa? Makakabuti ba sa taong-bayan na mawala na sa puwesto ang mataas na opisyal? Ang impeachment ay hindi dapat gamitin upang isulong lamang ang interes ng isang partido pulitikal o pagbibigay sa layaw at kapritso ng isang tao.
    
Ang taong-bayan ay humihingi ng pagbabago ng sistema at hindi pagpapalit lamang ng mga mukha na nagpapatakbo ng bulok na sistema. Kung hindi tutupad sa tungkulin ang mga congressman at senador, mabuti pa ibasura na lang ang impeachment complaint laban sa sinasakdal na opisyal. At sa darating na halalan, palitan ang mga congressman at senador na mas masahol pa sa mga opisyal na kanilang gustong patalsikin sa puwesto.