4,921 guests

Walang panalo ang senatorial slate ni Pimentel

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 297

Magkaisa para sa bayan

MUKHANG nagsasarili si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagpili ng line-up ng senatorial candidates ng PDP-Laban para sa eleksyong 2019 dahil nag-anunsyo ito ng unang anim na mga pangalan nang walang konsultasyon sa pinuno ng partido na si Pangulong Rodrigo Duterte at pati na sa mga kasamahan sa partido.

Ang senatorial slate ni Pimentel ay sina Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, dating Metropolitan Manila Development Authority chairman at ngayon ay presidential adviser on political affairs Francis Tolentino, Davao City Rep. Karlo Nograles, Bataan Rep. Geraldine Roman, at Negros Occidental Rep. Alfredo Abelardo Benitez.

Si Pimentel ay kasama sa line-up kung magdedesisyon ang Korte Suprema pabor sa kanyang petisyon na makatakbo muli.

Para mabuo ang Magic 12 senatorial slate, hayagang  inimbitahan ni Pimentel ang mga re-electionist sa Senado na maaari silang maging bahagi ng line-up ng PDP-Laban kung lilipat sa PDP-Laban.

Kung nagbabasa nang maigi si Pimentel ng  pulso ng masa ay mapagtatanto niyang walang panalo ang mga napili niyang mamanukin sa 2019.
    
Hindi ko inaaway si Pimentel. Ang sa akin lang ay kung talagang susuportahan niya ang administrasyong Duterte ay mas tamang ilagay sa senatorial slate ng administrasyon ay iyong mga siguradong solidong susuportahan si Pangulong Duterte at tiyak na mananalo sa malinis na halalan.  
    
Sa mga napupusuan ni Pimentel, siya at si Nograles lang ang hindi galing sa Liberal Party.
    
Sina Fariñas, Tolentino at Benitez ay mga tagapagtanggol ng LP na handang makipagpatayan sa babatikos kay Pangulong Benigno Aquino III mula 2010 hanggang 2016.
    
Ngayong si Duterte na ang pangulo ay hindi na nila ipinagtatanggol si Aquino at ang dilawang puwersa. Alam na alam ito ni Pimentel.
    
At alam din ni Pimentel na ang napili niyang lima ay kapansin-pansin ding hindi naman solidong ipinagtatanggol si Pangulong Duterte.
    
Hindi rin maipagkakaila na malabong manalo ang mga napili niya.
    
Paanong mananalo si Fariñas sa buong bansa kung sa buong Ilocos Region (tandaan na may botong solid north) ay galit na galit sa   kanya dahil sa pagpapakulong niya sa anim na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng IIocos Norte nang halos dalawang buwan, samantalang hindi naman sila tulak o adik sa shabu.
    
Sa labas ng Ilocos Region ay binugbog ng sunud-sunod na puna si  Fariñas nang mamamayan dahil ang mga ideya ng majority leader ng Kamara de Representantes ay pawang pagpapasarap sa buhay ng mga kongresistang tulad niya, sa halip na interes at ikabubuti ng mga ordinaryong mamamayan, lalo na ng mga manggagawa ang kanyang ipaglaban at isulong.
    
Dalawa sa mga ‘bantog’ ngunit kontra-ordinaryong mamamayang mga ideya ay ang pagbabawal hulihin ang mga kongresistang lumabag sa batas-trapiko o nakasagasa ng tao dahil maaabala raw ang trabaho nila bilang mambabatas at ang pagkakaroon ng sariling pulis ang mga kongresista, pamilya nila, at kamag-anakan upang matiyak na sila ay ligtas sa mga kriminal.
    
Sina Nograles, Benitez, at Roman ay hindi pa popular sa buong bansa, kaya malabo silang manalo.
    
Si Tolentino lang yata ang kilala ng taumbayan, sapagkat masipag ito noong siya ang Metropolitan Manila Development Authority chairman ni Aquino.
    
Kandidato si Tolentino ng LP sa pagka-senador nitong eleksyong 2016, ngunit biglang iniwan ang LP nang nanlamya ang administrasyong Aquino sa kanya dahil sa isyu ng kabastusan at kababuyang pagsasayaw ng mga kakabaihan sa selebrasyon ng kaarawan ng isang kongresista sa  Laguna ilang linggo bago mag-eleksyon noong Mayo 9, 2016 na siya ang nag-imbita.
    
Kung ako kay Pimentel, isinama niya sa kanyang senatorial slate ang mga kababaihang re-electionist na sina Cynthia Villar, Nancy Binay, at Grace Poe na siguradong panalo.
    
Tiyak panalo  rin sa pagka-senador sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte na inaasahang tatakbo sa pagka-senador.
    
Nababalita ring interesadong tumakbo ang broadcaster na si Karen Davila.
    
Sila ang dapat maging kandidato ni Pangulong Duterte na bahagi ng Magic 12.
    
Sila ang malaki ang panalo sa halalan at  solidong susuporta kay Duterte.
    
Hindi ang mga napili ni Pimentel na walang panalo sa pulso ng masa.