8,030 guests

Ang Araw ng Itim

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 894

Tuwing ika-siyam ng Enero nakaabang ang marami sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo. Para sa mga deboto, isang pagkakataon muli upang ganapin ng tapat ang kanilang panata. Para sa mga hindi naniniwala, isang okasyon na naman ito ng sobrang pagpapahalaga sa isang rebulto. Para sa mga iba, magbabara na naman ang mga daanan at maaantala ang kanilang byahe papunta sa opisina. May ilan na nanghihinayang sa napakataas na spiritwalidad na ipinapamalas subalit isang linggo o isang maghapon lamang ang itinatagal. Iba't-iba ang pananaw at opinyon depende na din sa karanasan na meron ang isang tao patungkol sa taunang okasyon na ito.

Gayunpaman may isang bagay na ipinapahayag ang Itim na Nazareno. Na minsan isang taon, nasisilayan ng mga tao ang isang imahe ng Diyos na hindi puti, hindi kutis Kastila, at hindi kulay Amerikano. Kundi kulay itim. Maraming 'stereotypes' ang binabasag ng imahen na ito. Na ang Diyos ay hindi nakakahon ng kulay. Na ang kulay ay hindi rin dapat ikulong sa makitid na kahulugan. Hindi porket 'itim' ay masama at lalong hindi lamang 'puti' ang busilak. Napakahalagang mensahe ang maaaring ibigay nito sa gitna ng isang mundo kung saan lumalala ang galit sa pagitan ng mga lahing may 'kulay' at lahing 'puti.' "Black lives matter," ika nga sa Amerika. Dito naman sa Pilipinas, ang mainit na debate sa 'independent foreign policy.' Sa puting Amerikano lamang ba tayo dapat kumampi? Kapag 'pula' ba ay dapat ituring na kalaban? Lahat ba ng 'dilawan' ay allergic sa 'change is coming?'

Kapansin-pansin na ipinapahayag din ng Itim na Nazareno na ang kabanalan ay hindi lamang matatagpuan sa loob ng simbahan. Sa halip, mapupulot din ito sa lansangan. Dahil hindi mapagkasya ng mga Pilipino ang kanilang likas na paraan ng pagpapakita ng debosyon sa altar ng katedral, ginawa nila ito sa labas upang doon ipakita kanilang pananampalataya. Mariin din naman ang pahayag ng simbahang Katoliko na dapat maging maingat din ang mga deboto dahil hindi lahat ng mga nais nilang isagawa ay may basbas ng opisyal na doktrina ng simbahan. Pero para sa iba, hindi nila kailangan ng script at lalong hindi sila papakulong sa permit sa paglalabas ng kanilang saloobin at damdamin para sa Diyos. Kung tutuusin, ang Itim na Nazareno ay isang 'iconoclast.' Ibig sabihin, isa itong banayad na pag-atake sa dominant na stereotypes na kadalasan ay itinatakda ng isang sistema ng pananampalataya lalo't kung nagmula ito sa ibang bansa.

Mahalagang banggitin din na ang pista ay halos nakadikit sa isa pang mahalagang araw sa kalendaryo ng mga Kristiyano. Ika-anim ng Enero ang tinatawag na 'Epiphany' o mas kilala sa tawag na 'Feast of the Three Kings.' Hudyat ito ng pagtatapos ng season ng kapaskuhan. Bagamat sa Pilipinas, ang countdown ng kapaskuhan ay sumasabay sa simula ng Simbang Gabi hanggang sa Noeche Buena, sa ibang parte ng mundo ang bilang ay ang labindalawang araw mula sa araw ng Pasko hanggang sa ika-anim ng Enero. Twelve Days of Christmas ayon nga sa isang kanta.

'Epiphany' ang araw kung saan ipinagdiriwang ang pagbisita ng mga Mago kay Hesus at pag-aalay nila ng kanilang mga regalo sa isinilang na hari at pagbibigay dito ng kaukulang pagsamba. Sa storya na mababasa sa Bibliya (Mateo 2), sinasabing ang mga bumisita kay Hesus ay hindi ang mga mahahalagang tao sa lipunan ng Israel, kundi isang pangkat ng mga pagano mula sa Malayong Silangan. Sinasabi pa nga na ang mga Mago ay mga mambabasa ng butuin, isang bagay na itinuturing na malaking kasalanan sa Bibliya ng mga Hudyo. Kakatwang pangyayari kung tutuusin, na kung sino pa ang mga ipinagpapalagay na makasalanan at malayo sa Diyos ay sila pang nakasumpong sa presensya ni Hesus.

Mahalagang bitbitin natin ang diwang ito habang pinapanood natin ang prusisyon ng Nazarenong kulay itim na itinataguyod ng lahing kayumanggi.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.