5,074 guests

Ang Kabilang Mukha ng Libreng Edukasyon

  • Written by Alvin Ang, PhD
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1689

Mahalagang bigyang pansin ang kabilang mukha ng batas na nagbibigay ng free tuition sa mga state colleges and universities at technical vocational schools.

Sinasagot ng nasabing batas ang 'supply side' ng human resources ng bansa. Pero may 'demand side' na dapat bigyan din natin ng atensyon. Ito ay ang kakayahan ng ekonomiya ng bansa na makalikha ng mga trabaho para sa mga magtatapos ng kolehiyo. Sa kasalukuyan, patuloy nating kinakaharap ang hamon ng unemployment sa mga kabataan na kadalasan ay pinakamataas sa mga may edad na 15-24. Bagamat college graduates, 52% ang naitalang unemployment rate sa kanilang hanay. Samantalang nagtala naman ng pinakamataas na unemployment rate (36%) ang mga college graduates sa hanay ng mga may edad 25-34.

Ipinapakita sa atin ng mga datos na ito na hindi agad pagkakaroon ng trabaho ang magiging bunga ng libreng edukasyon sa kolehiyo. Bukod sa waiting period bago ma-absorb sa workforce ang isang tapos sa kolehiyo, kadalasan ang nakukuhang trabaho ay walang kinalaman sa tangan nilang degree mula sa pamantasan. Kung titingnan ang datos mula sa Philippine Statistics Authority Integrated Survey on Labor and Employment (ISLE 2013-2014), may kabuuang 753,000 na bakanteng trabaho na naitala sa loob ng isa’t kalahating taon (January 2013-June 2014). 17% sa mga ito ang napakahirap na punan. 29% nito ay para sa mga professionals, 25% para sa mga technicians at associate professionals, at 21.5% na clerical positions. Kasama sa clerical positions ang customer service representatives at call center agents na siyang bumubuo sa kalahati ng bakanteng posisyon. Ang pangunahing mga kadahilanan kung bakit mahirap punan ang mga trabahong ito ay ang mga sumusunod: kakulangan sa competency/skills (29.9%), maunting aplikante (26%), at kawalan ng experience (16.8%). Magandang suriin ang mga datos na ito kaalinsabay sa ulat ng Commission on Higher Education (CHED) kung saan 60% ng kabuuang nagtatapos sa kolehiyo ay mula sa mga business courses at education.

Ipinapakita sa atin ng mga datos mula sa ‘demand side’ na patuloy tayong nahihirapan na ma-absorb ang mga nagtatapos ng kolehiyo. Dagdag pa dito, bagamat may puwang upang maka-absorb pa ng mas madaming bilang, nanatiling isyu ang quality mula sa ‘supply side.’ Isang malinaw na indikasyon ito na may mismatch sa pagitan ng ipino-produce na mga graduates ng ating mga paaralan sa hinihingi ng ekonomiya. Isipin din natin na ilang panahon pa at napipintong mapalitan na ng artificial intelligence ang mga manggagawa kabilang na ang mga nasa hanay ng business-process outsourcing (BPO).

Upang matugunan ang mga hamon na ito, na siyang kakaharapin ng mga magiging graduates ng libreng tuition, kailangang mag-zoom out ng pagtingin ang gobyerno at siguruhing magkakaroon ang bansa ng isang environment na tutulong upang makalikha ng trabaho. Mahalagang bigyan din ng industriya ang mga paaralan ng tamang signal upang makatugon ang mga ito ng mas mabilis gamit ang kasalukuyang mga mekanismo at teknolohiya. Maaari ding bigyan ng gobyerno ng direksyon ang mga tertiary-institutions na nasa ilalim nito sa pagli-limit ng mga ini-ooffer na mga kurso ayon sa hinihingi ng ekonomiya. Ang magandang maaaring maging bunga ng mga polisiyang ito ay hihingin ang pagtutulungan ng pribado at publikong sektor kapwa sa demand at supply side.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..